cleslie05aj
9th Jun '07 Sat, 00:31
Isang Kwento
1980 ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si Ninoy Aquino at
anim na taon bago ang EDSA uprising. Taon ding ito nang nagkaroon ng
malaking krisis sa langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng
dolyar sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Ito rin
ang taong unang pumunta ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.
Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker. Malaki ang
pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad niya.
Sabi ng Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot
na raw ang bansa ng economic depression na galing sa Europa at
Amerika. Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad. Anupa't dalawa ang
pinag-aaral niya at may bago na naman siyang bibig na pakakainin.
Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming magkahiwalay
ng tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang buhay." Palibhasa'y
parehas galing sa hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw
nila. Uuwi kada dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng
dalawang buwan. Ganyan ang pattern ng buhay ng tatay ko.
Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko unang narinig
ang mga salitang Operation:Desert Storm at Third Anti-Christ. Nandoon
din si Tatay. Isang beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong
taon niyang pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman daw ang
lagay niya. May tirahan naman daw sila at husto sa lahat ng
pangangailangan. Hindi naman daw sila gagalawin sa giyera sabi ng
embahada ng Pilipinas dahil hindi naman daw sila kasali sa awayan ng
dalawang bansa at ng pakialamerong Amerika. Iyon naman pala eh, bakit
ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na lang tuloy ang Tatay na parang
isa sa mga sibilyan na dumadaan habang nakikipagbarilan ako sa larong
Operation:Wolf sa SM City.
Nang mahawi ang mga usok ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang
isang taon ay nakita ko na naman ang aking sarili na nakasakay sa
arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport papuntang Middle
East. Ikaw ba naman ang magkaroon ng pinag-aaral na nurse, isang
seminarista at tatlo pa sa elementarya. Kailangang kumayod,
kailangang kumita.
Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming
magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang una akong magtalumpati
sa entablado. Wala din siya nang grumadweyt ako ng elementarya at
hayskul. Wala siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang
inasar ako nito habang binibigay ko ang libreng plastic na singsing
na galing sa cheese curls sa kaklase kong babae. Wala din siya para
turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa
kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya na contestant sa
Student Canteen at ako naman para sabitan niya ng medalya para sa mga
math competition na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako
sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng
katulad kong nagbibinata--ang magpatuli. Wala rin siya para turuan
akong maglanggas. Wala siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan
ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko
siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagdating. Wala siya
nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng dinidigahan kong
babae. Wala rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito
pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala siya, wala siya parati.
Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang oras
naming sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng
Sangguniang Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng
seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career
at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.
Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng
Tatay at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya
babalik ulit sa abroad. Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang
Tatay. Sabi ng doktor ay overfatigue lang daw at kailangan niyang
magpahinga. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na may tumubong
tumor sa utak ng Tatay at malignant na ito. Minsan naitanong sa akin
ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang Tatay o nabagsakan ng
mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at
isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.
Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun din
kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay. Habang pinagmamasdan ko
ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong burol niya,
nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang
taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa
kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng
kape, kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel
o Purefoods ba ang team niya sa PBA--isang malaking EWAN lang ang
maisasagot ko sa iyo.
Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay. Kapag nandito naman siya
paramagbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso
ng mga papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang tumigil na
siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical
examinations at mga research works. Nang nasa ospital na siya, kahit
makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na siya
maintindihang magsalita dulot ng chemotherapy.
Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong dumating na ang
seaman na tatay ng boss ko, pilit ko siyang pinauuwi nang maaga.
Minsan ding buong kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko
na nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery. Kailangan
niyang makabili ng ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin
ng tatay niyang na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik
kong kaibigan habang binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa
pagbabalik ng tatay niya na malupit sa kanila nang mahabang panahon
at ipinagpalit sila sa ibang babae.
Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa." Syempre hindi ko
sinabi iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung kanino
ako kampi, kami pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata
ko nang dinalhan niya ng pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi
naman sila nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang alam
kay Tatay.
Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga ang
paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil
napakahirap ng buhay dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang-
bansa para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na lang sa
mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko tulad ko rin sila.
Kadalasan rin sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil
kinuha nila ang tatlong taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong
taong iyon. Nakalaro ko man ang sana ang Tatay ng basketbol o di
kaya'y naturuan niya akong mag-bike.(Beinte anyos na ko nang matuto
mag-bike).
Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano
tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla
tuloy akong nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang
isusulat ko. Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si
Tatay. Isang bagong bayani. Nag-aambag ng malaki sa ekonomiya ng
Pilipinas. Sabihin ko kayang may larawan ng tatay kong may suot na
hard hat na dilaw, construction boots at may hawak na drill at kasama
niyang nakangiti ang mga kapwa niyang Pilipino with matching
background na disyerto. O kaya ang larawan nilang magkakababayan
habang pinagdiriwang nila ang New Year at nag-iiyakan dahil
tinutugtog and Lupang Hinirang. Ang drama no?
Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay. Na natutulog
siya at ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya
ang mga remembrance ng Tatay na mga dull na landmines. Adventure
naman ang dating nito.
Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa pagbibigay ng
pangangailangan namin. Hindi kami sumasala sa pagkain, may
magagandang damit, maayos na tirahan at nakakapag-aral. Siya ay
naging isang good provider. Siguro isang malalim na buntong
hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.
O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy
siya. Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga
pangyayari. Na inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan
ang ulo niya. Na nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang
linggo, agad siyang namatay. Tragic naman ang approach ko nito.
Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa
mundo ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na atensyon dahil
inuna ng kanilang tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka,
hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair naman 'nun kay Tatay.
Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin kay
Tatay. Apat na taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang
pangyayari.
Kadarating lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng
simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang
tumayo siya at binuhat ako mula sa kuna ko habang pinaglalaruan ko
ang bagong matchbox na pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na
ikuha siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong
niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na
natanggap na raw ako sa lokal na Day Care Center dahil abot na ng
kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng
ulo ko at matatas na ako magsalita at madali raw akong matuto.
Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya. Mistula siyang
bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako ang
kanyang korona.
Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga
taong kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga
panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang
isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at
ang patulo ko ng sipon. Baka mapatakan pa ang keyboard ng computer at
ang hawak kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na bote
ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.