Cge pagbigyan kita:
Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos nang sumipi siya o magbasa ng mga teksto mula sa Matandang Tipan. (Deuteronomio 6:13, 16; 8:3; Awit 110:1; Isaias 61:1, 2; Mateo 4:4, 7, 10; 22:44; Lucas 4:16-21) Noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang Tetragrammaton ay lumitaw sa mga kopya ng tekstong Hebreo ng tinatawag na Matandang Tipan, gaya rin naman sa ngayon. Pero sa loob ng maraming siglo, inakala ng mga iskolar na hindi lumitaw ang Tetragrammaton sa mga manuskrito ng Griegong Septuagint na salin ng Matandang Tipan, pati na sa mga manuskrito ng Bagong Tipan. Gayunman, pagsapit ng kalagitnaan ng ika-20 siglo, may pambihirang natuklasan ang mga iskolar—may umiiral pa palang napakatandang mga piraso ng manuskrito ng bersiyong Griegong Septuagint na mula pa noong panahon ni Jesus. Makikita sa mga pirasong ito ng manuskrito ang mismong pangalan ng Diyos na nakasulat sa mga titik Hebreo.
▪ Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos at ipinaalam ito sa iba. (Juan 17:6, 11, 12, 26) Maliwanag na sinabi ni Jesus: “Ako ay pumarito sa pangalan ng aking Ama.” Bukod diyan, idiniin niya na ang kaniyang mga gawa ay ginawa “sa pangalan ng [kaniyang] Ama.” Sa katunayan, ang mismong pangalan ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.”—Juan 5:43; 10:25.
▪ Makikita ang pinaikling anyo ng pangalan ng Diyos sa Griegong Kasulatan. Ang pangalan ng Diyos ay bahagi ng ekspresyong “Aleluya,” o “Hallelujah,” na mababasa sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6. Ang ekspresyong ito ay literal na nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah!” Ang Jah ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
▪ Ipinakikita ng sinaunang mga akdang Judio na ginamit ng mga Judiong Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa mga isinulat nila. Ang The Tosefta, isang nasusulat na koleksiyon ng mga bibigang kautusan na natapos isulat noong 300 C.E., ay nagsabi ng ganito hinggil sa mga kasulatang Kristiyano na nasunog sa panahon ng Sabbath: “Ang mga aklat ng mga Ebanghelista at ang mga aklat ng minim [sinasabing mga Judiong Kristiyano] ay hindi nila iniligtas sa apoy. Sa halip, hinayaan lamang nilang masunog ang mga ito . . . pati na ang Pangalan ng Diyos na nasusulat dito.” Sa The Tosefta, sinipi rin ang mga pananalita ni Rabbi Yosé, isang taga-Galilea na nabuhay noong unang mga taon ng ikalawang siglo C.E. Sinabi niya na sa karaniwang mga araw ng sanlinggo, “dapat gupitin ang Pangalan ng Diyos sa [mga kasulatang Kristiyano] at itago ang mga ito, at saka sunugin ang iba pang natitirang bahagi ng [kasulatan].” Kaya may matibay na ebidensiya na ang mga Judio noong ikalawang siglo C.E. ay naniwalang ginamit ng mga Kristiyano ang pangalan ni Jehova sa kanilang mga isinulat.