Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Ang Aking Kasikatang Gulang (Unang Yugto)

Ang Aking Kasikatang Gulang
ni: pandot

UNANG YUGTO

Trese anyos ako nu'n, at isang napakatahimik na bata na ipinadala sa aming probinsya upang doon mag-hayskul. Unti-unti kasi ay tumitigas ang ulo ko at nagiging suwail sa mga magulang. Napapadalas ang pangungupit ko sa tatay at nanay ko at nauuwi lang sa bisyo ko --- ang mangolekta ng NBA cards na umaabot nang libo kung pagkagastusan ko. May balik man kung pagkakitaan ko ito, eh napupunta pa din sa ganu'n pa ring gawain.

Naiiba na nga sa dati kong buhay ang nadanas ko sa bagong mundo. Ngunit dito naman unang namulat ang aking pagkataong lalaki sa napakadaming aspeto ng buhay. Nand'yan ang mga panahong iibig ka, matutukso sa hatid nitong halina, at kung minsan pa nga ay mabibigo.

Lumilipas ang mga panahon; linggo at buwan ay unti unti akong naging hiyang sa sistema ng buhay dito sa kanayunan ng Pangasinan. Sa 1st grading period bilang isang 1st year high school, section 22 ay naging mabuti sa akin ang pagtanggap ng lipunang aking ginagalawan. Oo sa mga babae kong kaklase at ilan pa sa mga estudyante sa paaralan, pwera sa mga kalalakihan. Ilan pa nga sa mga ito ay mismong mga kaklase ko na nangbu-bully sa akin. Magkaganoon pa man ay tuloy ang buhay ko sa ganoong tagpo.

Isa si Liza sa pinaka-nagpaningning ng aking kasikatang gulang. Siya ang naging tipong bestfriend ko mula't sapul na sumapit ang buwan ng Agosto. Noong una kasi ay magkakaiba-iba kami ng sinasamahang grupo, hanggang sa nito ngang buwan ay nagkakasarili kami dahil sa pagbibigkis ng nagkakaisa naming hangarin. Hindi naging madali ang lahat, kapana-panabik mang isalaysay ay nakalulungkot pa ding balikan.

Nagsimula ang tungkol sa amin ni Liza sa isang di nakatutuwang tagpo. Nakakatawa, oo... pero nakakahiya sa kanya at sa akin na din. Maganda si Liza, maputi, payatin man ang katawan dahil sa mura niyang gulang ay katatampukan naman ng magandang pares ng dibdib. At kung papaano ko ito nasasabi ay dahil nga sa isang pangyayari...

PE namin noon at kadalasang mga nakasuot na ng unipormeng pang-PE ang karamihan, kahit ako. Ngunit naiiba si Liza, dahil mas nais n'ya na iba ang uniporme sa PE, at ang sa iba pang mga subject. Hindi kami gaanong close pa noon ni Liza. Nakabi-biruan ko lang sa mga kaunting bagay, pero dumating na siguro sa punto na sa pagkakapalagayang loob namin ay 'di ata namin naaalaala na ako ay lalake at siya ay babae.

'Di ko malaman kung saan huhugutin ang dahilan kung bakit sa dinami-rami ng kaklase naming babae ay ako pa ang kinaray n'ya sa CR ng babae para magpalit ng pang-PE. Sa una ay parang wala namang malisya, kasi nga sa isip isip ko ay habang nagpapalit siya ng kanyang damit ay magbabantay lang ako sa labas ng CR.

Nang malaon nga't marating namin ang CR ng babae matapos ang ilang minutong paglalakad ay iba ang kinahinatnan ng lahat. Walang ni sino ang nasa CR ng mga babae noong panahong iyon, kung kaya panatag siya na madaling makapagpapalit.

"Uy, Chris d'yan ka lang a." bilang paalaala n'ya sa akin na bantayan siya at bigyang babala ang sinumang magtatangkang pumasok dahil nagbibihis siya.

Lumipas ang ilang sandali ay biglang napatili si Liza sa loob ng banyo kung kaya kahit sa mistulang pagkataranta ko ay pumasok ako sa loob ng banyo...

"Chriiiiiiiiiiiiis!!" isang napakahabang pagsambit n'ya sa aking pangalan. Kasabay naman nito ang panlalaki ng mata ko dahil natambaran kong walang pang-itaas at pang-ibaba si Liza.

'Di ako agad nakasaklolo dahil sa pagkakapako ng titig ko sa dibdib niya. Sa powder blue niyang bra ay animo'y may kasikipan nga ito dahil sa taglay na laki ng kanyang hinaharap. At iba pa yung pakiramdam nu'ng 'di ata niya alintana na napalapit s'yang sige sa aking katawan. Yumapos siya sa akin, 'di 'ata n'ya alam. Tapos nu'n eh, ninuestra na n'ya kung bakit ganu'n na lang ang takot n'ya.

"Chris, yung damit ko nahulog sa bowl!"

Aba'y linsiyak na abala nga naman pero nakapag-isip ako ng dapat gawin. Yun nga ay ang ipasuot ko muna ang t-shirt ko sa kanya at 'yung kanya ang akin.

Medyo tumagal sa ilan pang sandali na nakababad sa aking paningin ang halos puro kutis na lang na si Liza. Bra at panty ba naman... Lahat yun ay napag-piyestahan ng aking mga mata.

Buti at medyo kasya ang size ng damit ni Liza sa akin at may kalakihan naman ang akin sa kanya... Buti at mapanghi lang ang suot ko at wala namang laman ng tao ang inidoro.

Lumabas kami na parang walang-wala lang. Buti at ang CR na pinagpalitan namin ay ang malayo kung kaya madalang lang ang nakapupunta.

At nakabalik na nga kami sa aming klase ng matiwasay.

Lubhang naging malaking palaisipan sa akin lahat ng nangyaring iyon. Sa aking pagtulog at ultimo mga sandaling mapatanaw ako sa kahit saan mang dako ay dinadalaw ako ng mga natibong larawan sa aking mga mata.

Nung hapon na iyon matapos kong magsaing at magluto ng ulam ay gaya ng inuugali ko ay umuupo ako sa lusong sa likod-bahay at tinatanaw ang papadilim na kalangitan hanggang sa magpulasan na nga ang mga butuin ay saka lang ako tatayo at maghahapunan. Inaabangan ko din ang aguila na parating doon nagdaraan sa himpapawid, sa naaabot ng aking tanaw.

Habang nakaupo nga sa lusong ay nagbalik gunita nga ang mga nangyari noong araw na iyon.

Last subject na ang PE namin na iyon. Tuwing Biyernes lang at bukas ay Sabado, hindi ko makikita si Liza na sinimulan ko na 'atang ibigin ng husto. Mas nasabik akong lalo, 'di gaya sa dating, "oo magkaibigan kami", "kabiruan ko sya"... Iba na ngayon.

Naalaala ko yung mga ilang batuhan namin ng linya habang naglalakad patungong subject namin sa PE...

"Nakita mo lahat a!", pagsisimula ni Liza, na di ko batid kung galit.

"S-sorry, pumasok na ako kasi bigla kang sumigaw eh.", ewan ko pero nangingiti s'ya at halatang nahihiya. Madali ko yung nalaman dahil sa pamumula ng mukha n'ya lalo pa't kayputi n'yang talaga.

"Akala ko 'di ka magagalit. Kasi akala ko nu'ng magpalit ka ng damit tapos nandu'n din ako, okay lang.", pagbali ko sa katahimikan.

"Okay lang. 'Wag mo ikukwento kahit kanino, a?"

"Mag-promise ka sa akin!"

"Ta, nakakahiya!", tuloy tuloy n'yang mga nasasambit. Bilang tugon ko naman ay tumango-tango na lang ako.

Iba pang eksena yung mahalata ata ng mga kaklase namin na sabay kaming dumating sa site ng klase. May titig-malisya ang mga kaklase namin sa aming dalawa. 'Di ko maiwasang mag-alala, parang nauupos ako sa hiya. At alam kong ganoon din si Liza.

Isa pang nagpatindi ng ganoong tagpo ay ang matagal nang pambubuyo ng mga kaklase ko kay Liza sa isa naming kaklase na si Sherwin. Kumbaga silang dalawa talaga ang love team sa klase. Nagsimula' yun nang mabunyag sa buong klase ang pagkagusto ni Sherwin kay Liza. Matalino si Sherwin, top parati sa mga quizzes at recitation, at magaling sa basketball. Samantalang ako, eh ulikba, kulot at walang kwenta sa basketball pero mas matangkad ng kaunti kay Sherwin.

Mukhang simula 'ata noon ay kami ang matutuksong magkaribal ni Sherwin. Si Liza ang aming premyo na ang turing ng lahat sa aming klase ay diyosa. Kamukha n'ya si LJ Moreno, maputi, mala-anghel ang mukha, pointed nose, makipot ang bibig at napakaganda ng buhok. Walang effort sa pag-aayos si Liza kung kaya ang kasimplehan n'ya ang nagbibigay ng impression sa kanya ng pagiging dalagang Pillipina. 'Di tulad ng mga nakikita kong mga estudyante sa eskwelahan na parang boyoyong sa kapal ng make-up.

Hanggang sa pagkain ko nga ay 'di na tulad ng dati na mabilis akong nakatatapos. Iba ang isang ito na tumagal 'ata ng kinse minutos ay 'di ko maubos ang isang plato kong kaka'nin.

Nasa isip ko pa din naglalaro ang lahat...

Nung matapos kasi ang PE namin ay muling nagkausap kami ni Liza at may kaunting kiliti ang isang iyon. Muli ay sinamahan ko si Liza na magpalit ng kanyang damit. Sa pagkakataong iyon ay wala na'ng naging aberya.

"Akala mo mauulit yun a!", bungad ni Liza sa akin na pangisi-ngisi na nakakaloko. Wala akong naiganti sa mga pakara n'yang yun. 'Di ko alam kung paano sisimulan ang banat.

"Okay lang, nakita ko na naman eh.", di ko alam kung bakit may apog akong makaganti ng ganu'ng linya, pero sa palagay ko eh, dahil feeling ko sobrang secured na ng pakiramdam sa akin ni Liza.

"Bastos!", 'yun ata yung naulinigan kong reaksyon n'ya at ang mga sumunod nga ay hinampas hampas n'ya ako sa balikat na alam ko namang dala lang ng kilig at hiya.

"Sorry. Joke lang! Ito naman o!", pero kada sorry ko eh, hampas din n'ya. Hanggang sa umiba ng tono ang pagso-sorry ko na seryoso.

"Okay lang... Sorry", nagso-sorry s'ya dahil sa paghampas-hampas nya.

Napansin ko din na nakakapit na s'ya sa itaas na bahagi ng aking braso habang naglalakad kami ng marahan sa mabatong daanan ng aming paaralan. Siguro eh, kung anung haba ng mabatong daan na iyon ay s'ya ding pananahimik naming dal'wa.

At nang may madaanan kami ni Liza na upuan ay nag-anyaya s'yang maupo muna.

Bago pa man kami makaupo ay ramdam ko n'ang may nais pag-usapan si Liza. Maaaring yun eh, may kinalaman sa pangyayari sa CR, o kaya ay ang tungkol sa kanya at kay Sherwin. 'Yun pa lang naman kasi ang alam kong parehas naming alam at pup'wede pang palaliming pag-usapan.

"Mamaya na tayo maglakad uli, ta baka makita tayo ng mga classmate natin tapos tuksuhin tayo"

ang "ta" ay expression sa Pangasinan na ang katumbas ang "kasi"

"O, sige..."

"Eh, ano naman kung manukso sila?"

"Wala lang", hindi ko maintindihang sagot niya.

"Nahihiya ka?"

"Oo. Ta, nakakabad trip naman 'pag ganun.", mas lalong 'di ko naintindihan pero mukhang ang tinutukoy n'ya eh, ang panunukso sa kanya tungkol kay Sherwin.

"You mean, si Sherwin? Yung pambubuyo nila sa inyo?"

"Oo.", payak n'yang sagot habang nakatitig sa mata ko.

Dama ko ang animo'y pagka-insulto n'ya sa bahaging iyon ng paksa. Pero sinamantala ko na ding mang-usisa.

"Eh, sino bang gusto mo sa mga kaklase natin? Hindi si Sherwin, 'di ba? Kasi, sabi mo nga nababad trip ka sa ganu'n", tipong banat kong nagmula sa ka-engengan ko mag-isip.

"Huh? Wala ah...", malabo na namang sagot n'ya.

"Gusto ko si Sherwin kasi matalino s'ya... Pero yung sabihin mong crush talaga, hindi... namimis-interpret ata 'niya, pati ng mga classmate natin"

"Wag mo na lang kasing pansinin..."

"'Di mo rin masisisi mga kaklase natin kasi ikaw ang alam nilang pinaka-maganda sa klase, tapos si Sherwin naman ang pinaka-magaling. Mina-match lang kayo, sakyan mo na lang siguro."

"Eh, minsan kasi parang non-sense na 'di ba?"

"Pa'nong non-sense?"

"Wala... parang nakaka-insulto na din, kasi siguro..."

"...uy wag mo na lang sasabihin kahit kanino, ah?", paalaala n'ya bago magpatuloy..

"'Di ko gusto si Sherwin... 'Di ko s'ya type."

"Bakit pinopormahan ka na ba ni She?"

"Hindi naman, parang nagpapapansin..."

"Eh, di wag mong pansinin."

"Pilosopo naman ito! 'Wag na nga!", ewan ko kung bakit nagalit bigla si Liza.

"Uy, 'sensya na... 'Di kita pinipilosopo... Ang ibig kong sabihin kasi, parang wala ka namang dapat kasing gawin eh. 'Yun eh, kung affected ka na din ng pagpapapansin n'ya?"

"Sorry."

"Okay lang.", sabay tahimik kaming dalawa.

Bago pa man din kami magkawalay ni Liza papauwi eh, may mga naiwang katanungan sa aking puso at isipan. Gaya halimbawa ng mga pahayag niya, na "Chris, sana ikaw na lang." At nung mangusisa ako tungkol sa ganung mga linya n'ya... Animo'y tahimik siyang tubig na sa bawat pagkanti mo ay gumuguhit ang mumunting alon na nagpapalabo sa kapayapaan nito. Hindi na lang din ako nag-usisa at hinayaang kami'y magkahiwalay sa paguwi. Subalit may naiwang bakas noon sa aking isipan at damdamin.

Sa oras naman ng aking pagtulog ay 'di ko magawang makapikit at makahuli ng antok. Walang ibang dumadalaw sa akin kundi ang alaala niya. Tipong yung gunita na ipipikit mong husto ang iyong mga mata upang mas mabuo mo sa iyong sapantaha ang hubog niya.

Parang naaamoy ko pa nga ang pulbos na gamit niya kahit pa may panghi sa paligid. Yung pagkakalapit namin ni Liza ay may maligamgam na pakiramdam at may amoy na nakapagduduyan sa pantasya. Wala akong naaalaalang nakasusuya... 'Di na ko magtataka kung datnan ako ng tilaok ng manok o kaya ay pagsikat ng araw bago ako tablan ng antok. Tiyak na kagagalitan na naman ako ng Tita ko dahil hindi ko magagawang magwalis ng bakuran, makapagpakain ng baboy at maghugas ng kinainan noong gabi.

Lunes, matapos ang dalawang araw na pahinga ay muli kaming magkikita ni Liza subalit may pakiramdam ako na may naiba. Madali kong nagawa ang lahat ng inuumpisahan ko bawat umaga. Mula sa pagpapaningas ng lutuang de kahoy, pagsasalang ng sinaing, paglalaga ng itlog o kaya pagpiprito ng tuyo o kaya pagiinit ng ulam kagabi, ang pagpapakain sa baboy at paglilinis na rin ng koral nito, at siyempre ang pagwawalis ng tuyong dahon sa bakuran dahil laging nalalaglagan ng mga dahon ng chico, abokado, kaimito, papaya, duhat at bayabas. Matapos ang lahat ng iyan ay saka lang ako maliligo at mag-aalmusal.

Ilang minuto akong maglalakad upang makarating sa hi-way kung saan ako sumasakay ng jeep. Mararaanan ko muna ang ilang bahay ng mga kapit bahay at lalagos sa isang kulos o bukirin ng palay at mais, o pagkaminsan ay munggo. Ang kulos na iyon ay mababa ng mga apat na metro mula sa daanang aspalto kung kaya sa tuwing tag-ulan ay napupuno ang mga ito at nagsisilbi naman itong palaisdaan ng gurami, hipon, tilapya, hito at kung minsan pa nga ay bangus.

Dalawampu at limang piso lang ang baon ko sa inaraw-araw. Ang limang piso dito ay nakalaan na sa pamasahe papasok sa eskwelahan. Mga nasa sampung kilometro ding lakbayin iyon, at kung sa pag-uwi naman ay naglalaan naman ako ng isa pang limang piso, ay ginagawa ko'ng sumasabit na lang sa jeep para makapag-wantutri.

Mararaanan ng jeep ang campo santo kung tawagin ng mga tagaroon, o ang semeteryo, sunod ay ang Pangasinan State University, Bayambang Campus na may triple ang lawak at laki kumpara sa aming paaralang Bayambang National High School. May 36 na section sa bawat year level, p'wera sa 4th year na labingwalo na lang. Totoong sa mga taong ito, year 1997 ay mataas ang bilang ng drop-out at mababa ang graduate rate kahit pa sabihin mong libre ang mag-aral sa public. Sa ganitong rural na paaralan, tampok ang maagang pagkabuntis, pagkapariwara o pagkawasak ng buhay ng mga estudyante dahil sa pagsali sa mga fraternity o pagkalulong sa droga. Ang ilang balakid pa sa pag-aaral ay ang katotohanang madami ang mga anak ng mga maralitang magsasaka ang mga magulang. Malaking bagay ang bawat sentimo para lang sabihin ko ng payak.

Nang makapuno ng pasahero ang jeep ay agad itong nagpakaripas ng takbo. Akala ko ay aabutin kami ng siyam siyam dahil sa madalas nitong pagtigil sa mga kanto upang makasipat ng mga pasahero. Sa daan ay kaylamig ng hangin na humahampas sa aking mukha at dahilan upang mawala sa ayos ang buhok ko na panay brush-up lang naman ang ayos. Kulot ako, may kaitiman at hindi pa gaanong tinutubuan ng bigote, at ang patilya ko na magkagayong mahaba ay wala pang durugtungang balbas. Kahit papaano ay kyut naman ako nang panahong ito na ako'y binatilyo.

Inaalaala ko pa din ang pangyayari sa amin ni Liza noong Biyernes, sana ay magkausap kami at malinaw ang mga bagay. Sasamantalahin ko ang pagkakataong kami'y nagiging malapit.

Mga ala-sais pasado ay narito na ako sa aming eskwelahan, 6:30 ay flag ceremony. Tuwing Lunes lang naman ito. Makikita mo sa malawak na quadrangle ng paaralan na may sukat ng isang football field ay may mga naglalaro ng sipa, tayaan at kung anu-ano pa. May nagba-basketball sa outdoor basketball court at mayroon ding naglalaro ng lawn tennis sa pelota court kung tawagin. Sa lawak ng eskwelahan namin eh, 'di mo aakalain na mayroon din kaming Multipurpose Gymnasium, cafeteria, Little Baguio at botanical garden. At kung may ganito kalaki ang aming eskwelahan ay ano pa ang Pangasinan State University, Bayambang Campus kung tatlong ulit nito ang BNHS?

Kalaunan nga ay nagsimula na ang flag ceremony. Kanina pa ako 'di mapakali dahil sa pag-uusisa kung nasa paligid na si Liza. May pagkaminsan pa ngang bumabalik-balik ako sa entrance ng eskwelahan at balak sanang doon antayin si Liza, pero nararamdaman kong mukha akong tanga sa ginagawa ko.

Hanggang sa matapos ang flag ceremony eh, hindi s'ya dumating kung kaya nagtuloy na lang din ako agad sa unang subject period. Nagpaanod ako sa daloy ng mga estudyante na patungong main building. Tila nga kaybigat pa ng bawat hakbang ko at parang layag ng bangka ang ulo ko na panay ang pihit sa aking likod para lang matanaw kung may isang Liza na aking inaalaala. Pero wala talaga.

'Yun pala ay nasa room na namin siya at 'di na pala nag-flag ceremony. May ilang ulit na nagtangka akong pumasok sa silid pero natitigilan ako at pinauna muna lahat na makapasok. Hindi ko alam pero parang may hiya ako na makaharap si Liza sa kahit anumang dahilan. Mabuti na lang at may ilang nakaumpukan ako sa labas na mga kaklase kong lalake at may kung anong napaguusapan. Nabaling doon ang aking atensyon at nawaglit sa isip si Liza. Pero nang dumating na nga ang guro namin sa unang klase na iyon sa umaga ay saka ko pa lang naalaala na si Liza pala ang nasa unahan ng aking upuan. Magkasunod kami at marami nang pagkakatoon na nahahawakan ko ang kamay n'ya pag nagaabutan ng test questionnaire sa tuwing may long test o major exam. Sa halos tatlumpung minutong sandali ng aming klaseng iyon ay hindi kami nagkikibuan. Wala kaming maitugon sa pagtatama ng aming mga mata. Nangungusap man ay inililigaw iyon ng aming pagkahiya sa isa't isa... o baka ako lang ang may ganu'ng pakiramdam at hindi siya...

Sunod naming klase ay Science na, at kaming mga mag-aaral ang lumilipat ng silid-aralan, ganito talaga 'pag pampublikong paaralan... Sa lawak pa naman ng eskwelahan na ito at kung matataong ang klase mong magkasunod ay magkalayong building ay malas mo na lang at tiyak tutubuan ka ng kalyo sa paa.

Mas nauna akong lumabas ng silid kaysa kay Liza para sana tuluyang makaiwas pero hinahanap ko siya ng tanaw na'ng nasa tapat na 'ko ng science room. Nagkatamaan kami ng tingin nang halos isang yarda lang ang layo ko sa kanya. Hindi ko siya mabati man lang... matalas ang mga mata niya na nakatitig sa akin at may katagalan din. Buti na lang ay kusa akong napangiti ng bahagya at sinang-ayunan din iyon ng kanyang mga labing napaka-tamis dahil sa kanyang mga ganting ngiti. Nagliwanag ang mukha niya. Sa palagay ko ay kaya ko na siyang kausapin mamayang tanghalian matapos pa ang dalawang klase, Filipino at Social Studies.

Karaniwan nang kumokopya na lang kami ng lecture mula sa pisara o kaya sa visual aides na gawa sa manila paper at naka-compile sa mga patpat ng kawayan. Para siyang napakalaking notepad na pang grade four. Mahahalata mo rin na napakaluma na nito dahil sa naaagnas na nitong mga laylayan. Hindi ako masipag magsulat lalo pa at napaka-pangit ng penmanship ko. Alam lahat ng mga kaklase ko 'yun gayon din ni Liza. Lumipas lang ng ganoon ang dalawang klase namin na kumokopya ng lecture. Kaunti lang talaga 'yung mga nagti-tyagang guro na magsalita sa harap at mag-anyaya ng katanungan naming mga nais matuto.

Hindi uso ang magbatingaw ng bell para mag-hudyat na ng tanghalian. Sa tuwing flag ceremony at flag retreat lang 'yun ginagawa. Alam nang hilab ng tiyan ng mga estudyante kung kailan sila kakain. Kami nga ng mga kasama kong lalakeng kaklase ay nagtungo ng school cafeteria, kahit may kamahalan ang pagkain doon ay pinipilit kong doon kumain dahil kay Liza. Mas malaki kasi ang tsansa na magkausap kami ng kahit anumang bagay man lang 'pag sa cafeteria ako kumakain. Kakaiba nga ito sa mga nakaraang panananghalian ko sa labas ng eskwelahan. Mas murang 'di hamak ang tigli-limang pisong mangkok ng ginisang munggo at tigta-tatlong pisong bagong saing na kanin sa labas, kumapara dito sa canteen na siyete pesos ang munggo o kaya ay ginataang kamansi, at limang piso ang kanin.

Nagalangan ako na umupo sa umpukan nila Liza kasama ang mga kaklase naming babae. 'Di naman 'to gaya ng dati eh. Ibang-iba talaga sa mga nauunang mga araw na pagkaabot naming dalawa ng tray ng aming pagkain mula sa counter ay sabay kami na 'di namamalayang mauupo sa mesa. Kasalo ko siya sa mesa na kakain. Parang ang pagtatangka kong pag-upo sa mesa kung saan si Liza ay hindi magiging kaaya-aya. Malamang magkahiyaan kami.

Hanggang sa matapos ko ang kinakain ko na nasa hiwalay na mesa at mag-isa. Nang maka-order na kasi ako at mabayaran ang aking kakainin ay bigla na lang nagdesisyon ang mga kaklase kong lalake na sa labas kumain kung saan mas mura. Parang nakalukot ang mukha ko sa nararamdamang pagkayamot. Nakatalikod ako sa direksyon na matatanaw ko si Liza, 'yun ang naisip kong gawin upang walang mag-udyok sa akin maya't maya ay usisain siya ng tingin. Nang matapos ko na ang aking tanghalian ay nagtagal akong nakaupo upang magpababa ng pagkain. Hindi pa ako naninigarilyo ng panahong ito; kaunting mumog at lagok lang ng tubig ay ayus-ayos na 'ko.

"Hindi ka sumama sa kanila Bernie kumain?" wika ng nasa likod ko'ng tinig. Si Liza iyon, hindi ako maaaring magkamali.

Nilingon ko siya sa aking likuran na naghihimagas ng ubeng pastilyas. Nag-alok siya ng isa na hindi ko natanggihan kaya pumihit ako ng ayos-pagkakaupo upang makaharap sa kanya.

"Ang layo kasi nu'ng kinakainan namin eh."

"Bakit, sa'n ba 'yon?"

"Du'n pa sa palengke 'yun. Kung minsan d'yan malapit kina Mr.Gozum"

"Tara, du'n na tayo sa room. Ta, ang init..."

Talagang weird sa akin ang mga ganu'ng kilos ni Liza. Bakit kaya nadadalas na ako ang lagi niyang kinakausap? O nabibigyan ko lang ng malisya ang kaniyang kababaang loob?

Niyaya din ni Liza ang mga babaeng kasamang nananghalian na magtungo na rin ng room. Sumabay ako sa paglalakad nila. Nang malampasan namin ang gilid ng gymnasium at ang isang bahagi na parang park ay napansin kong pantay na kaming naglalakad ni Liza.

"Nakagawa ka ng assignment sa Values, ah?"

"Huh? Meron bang ibinigay si Ma'am? E 'di, ba babasahin lang 'yung tungkol sa Eros, Agape... Ano ba 'yung mga 'yun, types of love ba o types of suicide?"

"Ta, hindi ko pa nagagawa."

"Sige sasabihin ko 'yung tatlo na alam ko. Agape, Eros tsaka Philia. Ang alam ko ang Philia, d'yan nagmula 'yung salitang Philosophy eh. Philia means, Love at Sophia means, Wisdom. Ang Eros, non-sexual love, at ang Agape selfless love naman."

Hindi umimik si Liza.

"Mag-cutting na lang tayo." Nakakagulat na anyaya ni Liza. Napakunot na lang ako at iniisip kung tatango sa kanya bilang pagsang-ayon sa anyaya nya.
 
may part 2 po ba? hehe nakaka adik mag basa :pacute:
 
Back
Top Bottom