Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story In Bloom

"Yayain mo na kasi." Untag ni Chelle sa akin.

Pasimple akong sumilip kay Willen na nakatambay sa Jail Booth kasama ang barkada niya. Maghapon ang daming babaeng kusang nagpapahuli basta si Willen ang may dala ng handcuffs at rumoronda sa school.

Napabuntonghininga ako, "Para namang pwede, e ni hindi nga ako pinapansin niyan."

Si Willen siguro ang pinakasikat na lalaki sa school namin na ayaw maging sikat, ang daming nagkakagusto pero walang nililigawan, ilang beses nang inalok mag-escort-escort hindi naman pumapayag, binoboto sa mga school organizations pero laging tumatanggi. Ang hindi niya lang natanggihan ay maging drummer sa banda at ang official drummer sa events ng Cheer Squad. Mahilig kasi siyang mag-drums at magaling siya doon, kaya ang lakas lalo ng dating kasi astig tapos suplado.

Lagi niya kasama ang mga friends niyang loko-loko, laging nangti-trip ng isa't isa, parating may pa-prank, nakakaaliw panuorin pero mga mahirap rin kausapin.

Last day na ng Foundation Week namin today, buong linggo akong nag-ipon ng lakas ng loob para kausapin manlang si Willen pero hindi ko talaga magawa. Kada makikita ko siyang nakatingin sa akin or magagawi ang mata sa kung saan ako nakapwesto iniiwas ko ang tingin ko, baka kasi mahalatang may gusto ako sa kanya, nakakahiya.

Kinurot ni Chelle ang tagiliran ko, "Bilis na kasi. Tapos kapag wala nang ganitong event sasabihin mo humahanap ka lang ng magandang pagkakataon."

Tumayo siya sa harap ko at namaywang, "Ang dami mo na pong pinalampas na pagkakataon, Sey."

Nagbilang siya sa mga daliri niya habang sine-sermunan ako, "Una, madalas mong nakakasabay sa trike sa umaga si Willen pero hindi mo naman kinakausap. Pangalawa, nagka-partner na kayo sa Lab last year pero mas pinagtuunan mo ng pansin ang bituka ng palaka. Pangatlo, kasali ka na sa Cheer Squad nang naging drummer siya pero laging may mas nauuna sa 'yo na kumausap sa kanya kapag tapos na ang practice niyo."

Napangiwi ako sa sinabi ni Chelle. Oo nga naman, ang dami nga naman na nasayang na pagkakataon. Feeling ko lang kasi hindi ko kayang ma-reject if ever ako ang unang kakausap sa kanya. Hindi naman pwedeng hindi na ako pumasok sa school kung reject-in niya ako, kasi feeling ko hindi ko na siya pwedeng harapin at wala na akong mukhang ihaharap sa kanya kung gano'n ang mangyari.

Baka ganito na lang talaga ako hanggang graduation, pasilip-silip sa malayo, kaunting kilig pwede na.

Pinitik ni Chelle ang ilong ko, "Hoy, kapag ikaw walang ginawa bago matapos ang araw, ako nang kikilos para sa 'yo."

Pumalatak ako, "Oo na. Tara na mag-ikot pa tayo sa booths, tingnan natin kung anong pwedeng gastusan nitong tickets natin. Kaunti pa lang nagagamit ko."

Required sa isang subject namin na ubusin ang mga tickets, tickets ang mode of payment namin sa buong Foundation Week. At para hindi masayang ang binayaran namin, dapat daw maubos, kapag hindi namin maubos, may penalty.

Nag-ikot kami ni Chelle, gumastos ng kaunti sa mga food stalls. Lalo na doon sa fishballs, kikiam at squid balls. Pero kapag buong linggo pala allowed kumain no'n nakakasawa rin.

Sunod kaming pumunta sa 'Spa', hindi naman talaga spa pero pwede na. Sa loob ng isa sa mga classrooms 'yon at pwede kang magbabad ng paa mo sa isa sa mga machine nilang parang mini jacuzzi. Pamatay oras na rin dahil halos 20 minutes kami nag-stay doon ni Chelle.

Nag-CR si Chelle at naglakad-lakad naman ako at narating ang DJ's booth na mina-manage ng 'Aces' sa Cheer Squad, ang mga co-Captains kong sila Alyson at Anica.

Ngumiti ako pagdating sa booth nila, "Hi A's. Musta ang booth?"

Sumimangot si Anica, "Eto, matumal. Paano lahat ng mga students may Spotify tapos naka-earphones, anong silbi nitong booth namin? Wala manlang nagre-request."

Nag-suggest ako, "Bakit kasi 'di niyo gawing podcast or something. Mag-chikahan kayo ni Alyson diyan parang tunay na DJ's, tapos magpa-contest kayo para dumami ang listeners."

Nanlaki ang mata ni Alyson at bumaling kay Anica, "Oo nga no. Bakit 'di natin naisip 'yan."

Sumimangot sa akin si Anica, "Bakit ngayon ka lang nag-suggest Sey? Sayang yung buong week namin."

Napangiwi ako, "Bawi na lang kayo today, I'm sure dadagsain yung booth niyo hanggang mamaya."

Nag-wave ng kamay si Alyson, "Anyway, dahil maganda ang suggestion mo, pwede kang mag-dedicate ng isang song," inabutan ako ng papel at ballpen.

Tumango si Anica, "Oo. Mag-dedicate ka na kay Willen alam naman naming crush mo siya."

Uminit ang mga pisngi ko, "Hoy, hindi ah."

Umirap si Anica, "Sus. Tigilan mo kami, alam naming crush mo 'yon dahil para kang pipi kapag nandoon siya sa practice. Hindi ka lang namin ina-out dahil alam naming mahihiya ka."

Lumapit ako sa kanila, "Sobrang halata ba?"

Ngumiti si Alyson, "Kay Willen? Hindi niya siguro napapansin kasi ang daming nagpapapansin sa kanya 'di ba? Para ngang indifferent ka kapag nandoon siya e."

Indifferent? Suplada gano'n?

"Sige na, isulat mo na diyan ang request mo. Hindi naman namin sasabihing sa 'yo galing." Ngumiti si Anica.

Napakagat ako sa labi ko, siguro pwede na ring masabi ito kay Chelle para may ginawa naman ako kahit na hindi ko directly kausapin si Willen.

Sinulat ko ang alam kong favorite song ni Willen, lagi kasing iyon ang pinapakinggan niya tuwing makakasabay ko siya sa trike kapag umaga. Ang cute niya lalo kasi nagd-drum siya sa hita niya using his thumbs. Minsan hindi ko mapigilan tingnan siya kapag may salamin sa loob ng trike.

Iniabot ko ang papel kay Anica, "Ito. Thanks. 'Wag niyong sasabihing ako ha."

Binasa ni Anica at sumimangot siya, "Ano 'to?"

Nginitian ko lang siya, "Basta."

Agad akong umalis bago nila patugtugin ang kanta.

***

"Hoy babae, mauubos na naman ang araw hindi ka pa kumikilos diyan ha," paalala ni Chelle habang kumakain kami ng ice cream.

Itinuro ko kay Chelle ang Ferris Wheel, "Ano? Ngayon talaga? Habang tirik ang araw? Wala ngang sumasakay sa Ferris Wheel oh. Magka-balisawsaw pa kami diyan sa init."

Tumigil si Chelle sa pag kain ng ice cream niya, "Ay wow. Sorry po ha, buong linggo pong lumulubog, lumilitaw ang araw pero wala ka pa rin namang ginagawa. Wag nga ako Sey. Buntalin kita e."

Ngumisi lang ako kay Chelle, "Wag mo kasi ako pressure-in, lalo ako kinakabahan."

Umirap si Chelle, "Paalala ko lang ha, last year na natin dito. Maglilipatan na tayo ng school sa susunod na pasukan, ayaw ko lang panghinayangan mo yung chance diyan sa iniirog mo nang ilang taon."

Bwiset. Iniirog daw.

Tumango ako nang paulit-ulit, sunod-sunod, "Oo na. Oo na. Gets ko na."

Sinabi ko naman kay Chelle na nagpa-dedicate ako sa DJ's booth ng A's, pero hindi raw counted 'yon. Ni hindi nga daw binanggit ang pangalan ko.

Nasa malayo ako nang tugtugin na ang "In Bloom" ng Nirvana. Nakita ko ang reaction ni Willen, napangiti siya tapos nag-drums siya sa table nila doon sa Jail Booth. At least napangiti ko siya.

"Ah... Sey..."

Napalingon ako sa likod ko at naroon ang isa sa mga juniors na alam kong may crush sa akin dahil madalas tuksuhin ng mga friends niya kapag dumaraan ako.

Nginitian ko siya, "Hi Pau. Ano 'yon?"

Napalingon siya sa kanan at sinundan ko ito ng tingin, nandoon ang mga friends niya at mga nagbubulungan.

So, hindi lang pala ako ang pine-pressure ng kaibigan. Ngumiti ako kay Pau, "Yes Pau?"

"Ah, may ticket kasi ako sa Ferris Wheel, baka pwede tayong sumakay do'n." Nagb-blush si Pau.

Alam kong mahirap lumapit sa crush mo para magbakasakali, ayaw ko namang sirain ang araw niya kaya ngumiti ako, "Sure. Now na?"

Nanlaki ang mata niya sa akin, "Talaga?"

Sasabat pa sana si Chelle pero iniabot ko lang sa kanya ang ice cream ko, "Oo. Tara habang hindi masyado mahaba ang pila."

Pumunta kami sa pila ni Pau at naghihiyawan ang mga kaibigan niya.

"Sorry ha. Ang gulo ng mga kaibigan ko." Aniya.

Ngumiti lang ako, "Wala 'yon. Walang problema."

Medyo lumalamlam na ang langit, bumababa na ang araw, mukhang hindi ko na talaga makakasakay sa Ferris Wheel si Willen. Isa kaya 'to sa mga pagsisisihan ko sa mga susunod na taon? Never pa akong nag-attempt na kausapin ang crush ko, siguro umaasa kasi akong things will fall into place naturally kung nararapat. Siguro walang pagkakataon, walang magandang timing dahil hindi dapat mangyari.

Medyo malapit na kami sa harap ng pila at nagpapasakay na sila Manong sa Ferris Wheel. Mga tatlong pair na lang ang nasa harapan namin nang may malakas na nagsalita sa speakers, "Hulihin ang lahat ng lalaking nakapila sa Ferris Wheel."

Bago pa kami maka-react ni Pau may humatak na sa kanya papalayo.

Naiwan ako sa pila at si Pau namumula habang bitbit ng dalawang bantay papuntang Jail Booth.

Kawawa naman si Pau. Paalis na ako ng pila at pumihit pabalik sa kinaroroonan ni Chelle nang matigilan ako dahil nasa harap ko si Willen. Hindi na siya naka-uniform ng pang Jail Booth.

Nakapamulsa siya at nakatingin sa akin sabay sabing, "Hi."

Hindi yata ako kumukurap kasi naluluha na ako. I blink fast, "Hello."

Itinuro niya ang Ferris Wheel, "Sasakay ka?"

Tumikhim ako, "Ah oo. Dapat. Kaso hinuli yung kasama ko, wala akong ticket."

May binunot siya sa bulsa niya at ipinakita sa akin, "Ako meron."

Kinagat niya ang labi niya at sinabi, "Gusto mo pa rin sumakay? Samahan kita?"

Feeling ko mapapatili ako kapag nagsalita ako kaya tumango lang ako.

Saglit lang kami pumila at sumenyas na si Manong para sumakay kami, nauna akong umupo at sumunod naman si Willen.

Sobrang awkward ko hindi ko alam kung saan ilalagay ang kamay ko, ayaw ko naman kumapit sa bakal dahil mamamawis ang kamay ko.

Ini-lock ni Manong at dahil hindi ako ready nang bitiwan niya ang tapakan napatili ako at napakapit sa braso ni Willen nang nag-swing ang kinauupuan namin.

Natawa lang si Willen, "Okay ka lang?"

Binitiwan ko agad ang braso niya, "Sorry. Ano kasi nagulat ako."

Natahimik kami habang umaandar ang Ferris Wheel at nagsasakay ng mga studyante si Manong. Nang nasa tuktok na kami nagsalita si Willen.

"Thanks sa song kanina ha."

Nanlaki ang mata ko at napatingin sa kanya, "Anong kanta?"

Ibinaling niya ang tingin niya sa akin, "In Bloom. Ikaw ang nag-request no'n 'di ba?"

Feeling ko nag-iinit na naman ang mukha ko so iniwas ko ang tingin ko sa kanya at tumitig sa mga puno sa paligid, "Ah 'yon ba? Narinig ko lang lagi mo pinapakinggan kapag nagkakasabay tayo."

"Paano mo nalaman yung kanta? Hindi naman 'yon sikat ngayon, favorite 'yon ng Daddy ko eh."

Nakakahiya man ni-research ko talaga 'yon kahit hugong lang ang naririnig ko mula sa earphones niya. Tinandaan ko yung tono at nagtanong rin sa mga kakilala kong mahilig sa lumang music.

"Ah, familiar lang yung kanta, pinapatugtog rin ng Tito ko." Palusot ko.

"Ah."

Umandar ang Ferris Wheel at nagsalita ulit si Willen, "Hindi mo ba itatanong kung paano ko nalamang ikaw ang nag-request kanina?"

Lumingon ako sa kanya, "Ah oo nga. Paano mo nalaman?"

Ngumiti siya, "Nakita kita."

Kumunot ang noo ko, "Nakita mo ako? Sa Booth?"

Siya naman ang umiwas ng tingin at lumingon sa paligid, "Oo. Sa DJ's booth tapos kumain kayo ng ice cream tapos nilapitan ka no'ng junior na may crush sa 'yo."

Tinitingnan niya ako?
Sinusundan?

Nang ibaling niya ang tingin niya sa akin, naglakas ng loob na ako magtanong, "So si Pau... Pinahuli mo?"

Lumapad ang ngiti niya at kumamot sa batok, "Hindi ako, yung mga barkada ko."

Lumabi ako, "Kawawa naman si Pau."

Sumimangot siya, "Sa akin 'di ka naawa? Buong linggo akong nag-iipon ng lakas ng loob tapos mauunahan ako ng junior na 'yon?"

Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang ngiti.

Siya rin nakangiti nang nakatitig sa akin.

Sabi na nga e. Hindi dapat madaliin. Timing lang kailangan.

Naming dalawa.
 
Ayieee akala ko sad ending ahihu
 
Masyado nang sad sa panahon ngayon kaya happy ending dapat. :)

Salamat sa pagbabasa. Stay safe!
 
Back
Top Bottom