Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Serial Story Parang Fairytale

Matagal tagal na din akong hindi nag post dito ah.

so eto muna ang ambag ko, isa sa matagal ko ng nasulat na kwento.

(May or may not be based on real life) :rofl:



Chapter 01

Parang fairytale. ang saya.​


'Di man naging maganda yung simula namin, naging sobrang saya naman. Naalala ko pa yung mga panahong di kami pwedeng magkita, sa totoo lang wala namang nagbago hangang ngayon. Pero dati para lang malabas ko sya, kailangan pa naming magsama ng iba. Di kasi kami pwede nun, kumplikado.

Alam ko na namin yun sa simula pa lang. Pero nagpatuloy na din kami.

Siguro nag simula yun nung nalipat sya sa may area namin, dun sa "Dream Team". Dream team kami kasi palagi kaming tulog. Buti nalang talaga nalipat sya samin. Kung hindi, di kami magiging close.

Pero dahil nga ba dun? Mali pala. Dahil pala yun sa mga mata mo. Di ko itatangi na nagandahan talaga ko sa kanya nung una kaming nag kita. Pero alam ko naman yung limitasyon ko, alam ko pa nun na di sya magiging sakin.
Dahil sa mata nya kaya kami naging close. Pansin ko sa likod ng maganda nyang ngiti na kahit pa nakakahawa, malungkot sya. 'Di ko alam kung pano ko nasabi pero nacurious ako kung bakit. Gusto kong malaman kung tama ba ko, at kung tama nga, baket?

Gusto ko syang mapasaya. Gusto kong makitang kuminang ang mga mata nya sa bawat ngiti at tawa. Siguro dahil ginagawa ko din yun. Yung tahimik ka lang tapos ngingiti ngiti, pero sa loob loob mo, gusto mo ng sumigaw. Sumigaw at humingi ng tulong. Pakialamero siguro ang matatawag mo sakin kasi di ako mapakali nung nakita ko syang ganun. Nakangiti, pero malungkot. Sabi nga ng ibang tao, "Di lahat ng nakangiti, masaya." at kung sa iba ay kaya nyang itago yun, sakin hindi.

Di naging madali bago kami maging malapit sa isa't isa. Alam nya kasing maiissue kami pag nagkaroon ng closeness saming dalawa. Kilala na nila ko bilang tahimik at uhm medyo suplado? Dahil lang yata dun. Anyway, di pwedeng makita ng ibang tao na close kami. Nakita ko kung pano sya dumistansya, kung pano sya umiwas at syempre makakalimutan ko ba yung napagusapan kami na di kami pwedeng maging close kasi nga bawal. Hehe. Pero dahil makulit ako, o kung ano mang rason nya. Hinayaan nya na ding lumalim pa yung pagkakaibigan namin.

Sabay na kami mag break at mag lunch. Magkatabi pa kami hangang sa office. Kapag free time nag kukulitan at nag tatawanan. Alam naming di pwede, pero pinagpatuloy namin. Ano mang sabihin ng iba, tuloy lang. Siguro dahil wala naman talagang namamagitan samin sa mga panahon na yun. Close lang talaga kami.

Lumipas yung mga araw, lalo pa kaming naging malapit sa isa't isa. Kung dati sa office lang kami nag uusap, naging hangang pag uwi magka chat pa din kami. Kaya nga siguro ko napupuyat at nakukulangan ng tulog dahil dun. Hehe. Dahil sa magdamag kaming nag uusap na parang walang katapusan. Simula "good morning" hangang "good night". Maski bago kumaen o pagkatapos.

Nakilala ko pa sya ng lubos, ang saya na nga nya kasama ang saya nya pa kausap. Kalog at mapag biro. Kayang kaya nya kong mapangiti at mapatawa kahit sa chat lang. Sa sobrang saya ko tuwing kachat sya, palagi ko ng inaabangan. Naadik yata ko sa mga biruan namin at mga topic na napaka walang kwenta. Walang kwenta, Oo, pero pag sya kausap ko, ang sarap pa din sa pakiramdam. Di ko lagi namamalayan yung oras kaya tuloy pinapagalitan nya ko.

Mas late sya pumapasok kaya mas kailangan ko ng tulog. Dapat 10am makatulog na ko para kumpletong 8 hours tulog ko. Pero simula ng magkausap kami kahit 2pm or 3pm na ko matulog, ok lang. Ang hirap din naman kasing putulin yung usapan at mag paalam sayo.

- - - Updated - - -

Chapter 02


Parang fairytale, kakaiba.​

Nakakapagtaka na kahit umuulan o napakainit, nagawa kong hintayin sya. Ako yung taong napaka lakas pag pawisan at napakabilis lamigin. Kaya nga halos lagi akong may dalang jacket pag shift namin na panggabi. Ang lamig kasi sa office, kumakapit sya sa mapayat kong kamay paakyat sa buong katawan ko. Pero matapos ang shift namin, umaga na. Ala-sais ng umaga natapos shift ko, at alas otso naman yung sayo. Ok pa sana yung mga alas sais na umaga e, may araw na pero hindi pa mainit. Sapat lang para liwanagan ang mga kalsada na kadalasan ding traffic. Pero pag lumipas na ang oras, kapag alas otso na, mainit na yun. At yung katawan kong balot ng jacket, mag sisimula ng magpawis. Para kong naligo kung di ko tatangalin yun agad.

Kapag umuulan naman, protektado ko ng payong kong kinakalawang. Matibay naman sya kahit papano kaya di ko pa pinapalitan, at isa pa kaya pa naman nya. Pabor sana kung ambon lang o mahina lang, gusto ko pa nga yun. Malamig ang panahon, rinig mo lang ang patak ng ulan, ang lakas makasenti. Ang mahirap lang ay kapag malakas at may kasamang hangin pa. Mahirap ng umuwi kapag ganun, kaya mas desidido akong maghintay para mahatid sya pauwi.

Nag simula ko syang hintaying nung pinaalam nya sakin na aalis na sya ng kompanya. Matagal ko ng gustong gawin yung pero di ako nagkaroon ng pagkakataong gawin. Siguro dahil may ibang nag susundo sa kanya o ayoko lang talagang ma issue. O pwede ding kasi tamad talaga ko sa ganun. Pero nung sinabi nya aalis na sya, binalewala ko yun. Siguro dahil na pressure ako o natakot. Natakot na baka pag alis nya pag sisihan ko na di ko yun nagawa.

Para sakin kasi, kahit ano pa yan. Kung gusto mo talaga, gagawa ka ng paraan. Kung wala kang oras para sa isang tao, gagawa ka ng paraan para magkaroon. At sa ganun nga pag iisip, hinintay ko sya.

Nag simula lang muna sa pag hihintay ko ng last break nya, bago ko umuwi. Hangang sa sinabi ko na hihintayin ko sya hangang umuwi.

Sa tapat ng building ako kadalasang naghihintay, dun naman sya madalas dumaan. Natuwa ko sa unang reaksyon nya nung nakita nya ko, kita ko yung mukha nyang nakangiti. Unti-unting papalapit sakin, dama ko ang pagkasabik nya kahit di nya mapakita. Lingon ng lingon sa paligid, takot na baka may makakita samin. Sabay hawak sa pisngi ko.

"Sorry." sabi nya.
"Oh, bat naman?" tanong ko
"Eh kasi late na ko bumaba." paliwanag nya.
Medyo late na ngang syang nakababa, 8:00am out nya, mula sa office di sya aabutin ng sampung minuto kung didiretso sya pababa at di naman sya aabot ng kinse minutos kung mag ccr pa sya.
"Ok lang, ano ka ba. maaga pa naman. 8:47am pa lang naman." sagot ko
"Akala ko kasi di ka seryoso na hihintayin mo ko, pero thank you ah. nasurprise ako." naka ngiti nyang pag papaliwanag

Di ko alam kung pano ko sya na surpresa e sinabi ko naman na maghihintay ako. Nasobrahan na yata sya sa mga biro ko sa araw na yun. Alam nya kasing di nga kami pwedeng makitang magkasama kaya akala nya di ko itutuloy.

Ilang araw pang lumipas at naging araw araw na din ang paghihintay ko sa kanya . Sa mga araw na yun ay naguguluhan na din ako sa nararamdaman ko. Eto na ba yung 'Love'? Ano nga ba yung 'Love'. Ang sabi sa Wikipedia:

"Love is a variety of different feelings, states, and attitudes that ranges from interpersonal affection to pleasure. It can refer to an emotion of a strong attraction and personal attachment."

"Strong attraction and personal attachment", love na ba talaga agad pag ganun? Pano kung masaya ka lang talaga pag kasama yung isang tao? Pano kung nasanay ka lang talagang sya kasama kaya ayaw mo ng humiwalay?

Ang dami kong tanong, pero isa lang ang napupuntahan. May nararamdaman na ko para sa kanya. Kung ano man yun, dapat ko munang siguraduhin bago ko gumawa ng hakbang.




- - - Updated - - -

Chapter 03


Parang fairytale, nakakakilig.​

Ang sabi ng iba, pag mahal mo yung isang tao, bale wala lang sayo yung mga kapintasan nya. Pag mahal mo yung isang tao, palagi kang masaya kapag kasama sya. Kahit pa nagkatampuhan kayo, o nagpakasaya. Ang importante, basta kasama mo sya, masaya ka pa din. Dun ko napag tanto na mahal ko na nga sya. Yung nararamdaman ko para sa kanya, di lang dahil masaya sya kasama. Di dahil sa maganda sya. Di dahil sa mabait sya. Kung di dahil kung wala sya, walang kahulugan yung salitang "mahal".

Sa bagong impormasyong nalaman ko, gumawa na ko ng hakbang. Kapag hinihintay ko sya, niyaya ko na syang kumaen muna bago ko ihatid. Sa ganung paraan, mas makakasama ko pa sya ng mas matagal. Mas matagal kong makikita ang mga mata at ngiti nya. Mas matagal kong mararamdaman kung pano maging masaya.

Pero dahil nga di lahat ng tao gustong makita na magkasama kami, halos kada araw na lalabas kami, o kakaen bago umuwi, yung lugar na pag kakainan namin yung kadalasang pinag tatalunan namin. Kung sang tatlo lang naman talaga ang mga pwedeng pag pilian. Mcdo, Starbucks o isa pang branch ng Starbucks.

Dumating yung araw na di ko na matago yung nararamdaman ko para sa kanya, at siguro sa mga araw na din namang yun, alam nya na yun. Kaya nung kumain ulit kami sa McDo, naisipan ko ng sabihin na sa kanya.

"Para sayo, ano yung love?" tanong ko

"Ewan ko, siguro kapag yung feeling mo secured ka sa isang tao." bigla nyang iniwas yung tingin nya sakin. Pero malikot naman talaga mga mata nya pag mag kasama kami.

"Tapos masaya ka kapag kasama mo sya. ikaw ba?" dagdag pa nya.

"Halos ganun din. Yung pag kasama mo sya may unexplained happiness na nakakabaliw. Yung parang ayaw mong matapos yung oras pag kasama mo na sya." Tumingin ako sa kanya, di pa din sya nakatingin kaya tumuloy na lang ako sa pag sasalita.

"Dati kasi nagugulohan ako tungkol sa definition ng infatuation tsaka love. para kasing madaling maconfuse sa mga yun e."

Tumigil ako sa pag sasalita. Hinihintay kong tumingin sya. at nung umangat ang ulo nya at nakita ko na yung mga mata nya, hinawakan ko yung kamay nya.

"..pero ngayon sigurado ako sa nararamdaman ko, mahal na kita. ay hindi, Mahal kita. Matagal na." Bumilis ang tibok ng puso ko. Para kong aatakihin sa puso. Naramdaman ko yung lamig ng aircon ng McDo at narinig ko yung katahimikan ng paligid. Halong kaba at pananabik sa sagot mula sayo ang naramdaman ko.

Ngumiti ka.

"Sure ka? Baka gutom lang yan?" biro nya.
Sabay subo ng french fries sa bibig ko.
Unti unti nakong nalungkot, inisip ko mali yata tong ginawa ko. Baka umiwas sya. Dapat naging kuntento nalang ako kung anong meron tayo. Ok na e. Ok na yung nag kikita tayo at lumalabas pa minsan minsan. Bat ko pa kasi kailangan gawing komplikado.

"Sorry ah. Di ko din pala naiwasang mafall sayo." sabi ko.
"Nung una kasi iniisip ko pa kung ano yung nararamdaman ko sayo. Di naman crush, infatuation o lust." napahinto ako.
"Paniguradong hindi lust." mabilis kong sinabi.
"Wala akong paki kung di kita pwedeng hawakan o lapitan. Makita lang kita o makasama, solve na ko." Pakiramdam ko nag mumukha na kong nag papaliwag kaya tumigil muna ko.

"Ang sweet mo. Baka maiyak ako." Bigla nyang sinabi.
Tumingin lang ako sa kanya. Nag luluha nga mga mata nya. Lalo tuloy kuminang.

"Sorry talaga. Wag ka sanang umiwas, please?" pagmamakaawa ko.

"Ok lang. Di ako iiwas no. Ako din naman e." sabi nya.

Lumipas muna ang mga ilang segundo bago kong naintindihan yung mga sinabi nya. "Ako din naman.." Tama ba yung narinig at iniisip ko. Naramdaman kong unti-unti akong napapangiti.

"Teka, ikaw din?" tanong ko. Halata sa boses ko ang tuwa at pagkabigla.

"Oo e. kaso alam mo naman yung sitwasyon natin." sabi nya.

"Oo nga e. Ok lang yun."

Nabalewala ko ang mga sunod na sinabi nya. Oo komplikado kung magiging kami. May mga magagalit pero kung malalaman mong mahal ka din ng taong mahal mo, maiisip mo pa ba yun.


- - - Updated - - -

Chapter 04



Parang fairytale, magical..​



Ano bang handa mong gawin para sa taong mahal mo? Handa ka bang lumaban para sa kanya? Handa ka bang masaktan? Handa ka bang umiyak? Kasi ako, Oo.

Ang sarap ng feeling pag inlove ka. Kapag kasama mo yung taong mahal mo. Parang wala ng makakasira ng araw nyong dalawa.

Naalala ko yung huling araw mo sa office. Matapos kitang hintayin araw araw bago umuwi, ng walang palya. Wala ako nun. Kung kailang huling araw mo na sa office, wala naman akong pasok. Pero syempre bago yun, bago ako magrestday, di ko hahayaang hindi mag paalam sayo. Kahit pa alam kong magkikita pa tayo at alam ko din naman yung sa inyo. Gusto ko pa ding bigyan ka ng "farewell gift" o remembrance man lang.

Bago ko pumasok dumaan muna ko sa isang mall. Bumili ng bulaklak, papel at glue. Di ko alam kung pano ko ipapasok sa office yun ng walang nakakakita pero yun yung gusto kong ibigay. Gusto ko syang bilhan ng bulaklak. Wala pa kasi akong nabibigyan ng bulalak buong buhay ko. At kung meron man, gusto ko sya yun.

Dinikit ko na yung mga cut out na nauna ko ng ginawa sa bahay. Dinikit ko sya sa isang Greeting Card ng masasalamat. Isa isa kong dinikit ang bawat linya ng mga salita na gusto kong sabihin. Matapos nun ay binalot ko na kasama ng isang libro. Di lang basta libro, eto yung unang binili kong mamahaling libro at naging paborito ko din. Nilagay ko sya sa isang paper bag tapos dinikit ko na din gamit yung glue.

Nang pumunta nko sa office, nilagay ko nalang yung bulaklak sa loob ng bag ko. Isang piraso lang naman yun at wala namang masyadong laman bag ko. Kinailangan ko nga lang bitbitin ng maingat yung bag ko.

Walang nakakita sakin na kakilala namin, inagahan ko din kasi para makasigurado. Tinago ko na agad sa locker ko lahat ng ibibigay ko, sabay siksik ng bag ko para di nya makita kung sakaling mapatingin sya sa locker ko pag binuksan ko. Balak ko kasing ibigay to pagtapos ng shift. Handa na ang lahat. Sya na lang ang kulang.

Nang matapos ang shift natin, nagkita na tayo sa locker. Oras na sana, kaso dumating yung kaibigan nya na ayaw sakin. Panigurado kung ano nanaman iisipin nun pag nakita nya yung ibibigay ko.

Naghintay pa ko ng ilang minuto. Nandun pa din yung kaibigan nya, may kausap pa. Mukhang di sya aalis lahat. Di pwede to. Kailangan ko ng ibigay. Bahala na.

Pumunta ko sa locker ko at kinausap ka.

"Pauwi ka na?" tanong ko. Di ko kasi sya masasabayan ng uwi sa araw na yun.
"Oo, nag mamadali na nga e. Baka kasi makita pa ko ng iba. I hate goodbyes." sagot mo.
"Ah saglit.." habol ko habang kinukuha yung bulaklak at paper bag.
"Para sayo." sabay abot ko sa kamay nya.
"Seryoso? Para saken to?" excited na sagot nya.. Nakita kong napatingin yung kaibigan nya, pero sa ngayon wala na kong paki.
"Bat kulay blue?" tanong nya nung nakita nya yung kulay ng rose.
"Basta nasa loob nyang yung meaning. Tsaka may libro din. Maganda yun, basahin mo pag free time mo." sagot ko.

Kita ko sa reaksyon nya yung saya. Yung pagkabigla. Sulit ang pagod at gastos.

Lumapit ka sakin at isang mahigpit na yakap ang pinalit mo. Nalanghap ko yung pabango nyang parang candy sa tamis ng amoy. Kaso kinailangan nya ding bumitaw nung may sumita sa pagiging sweet namin.

Mabilis na kumalat yung balita. Mukhang di na mapagkakaila o matatago pa kung ano mang meron samin. At mukhang dapat ko na ding harapin ang katotohanan na hindi to pwede. Dahil may iba na sya.



- - - Updated - - -

Chapter 05

Parang fairytale, may ending.​

Ang akala ng iba ang "greed" ay para lang sa pera o estado. Dun sila nag kakamali. Pero di nating mapigilang may gustohin na bagay na wala satin.

Medyo tumagal din bago nabunyag ang sikreto naming dalawa. Ilang buwan ding tumagal yung kung ano mang meron samin.

Mahal ko sya.
Mahal nya ko.
Mahal nya din sya.
Mali.
Magulo.

Dumating na yung araw, o sa sitwasyon namin, yung gabi na kailangan nya ng mamili.
Ito na yung hindi maiiwasang konklusyon. Kailangan na nyang mamili saming dalawa.

Alam kong mababa lang ang tsansa na piliin nya ko pero sa kung anong rason, kumapit pa din ako.

"Alam na nya. Nagalit sya, pero tatangapin nya pa din daw ako."

Malungkot ang boses nya ng makausap ko sya sa cellphone. Pero kasabay ng magandang balita nya, nalungkot ako.

Matagal na din silang nag sasama, alam kong mali na makisali ako sa kanilang dalawa. Kaso di ko napigilang mahulog sa kanya. Di ko din masisi yung boyfriend nya kung ayaw nya syang pakawalan.

"Gusto mo pa din ba sa kanya? Akala ko di ka na masaya? 'Di ba nahihirapan ka na sa kanya?"

Sunod sunod kong tanong. Sinusubukang iangat ang mga ayaw nya sa boyfriend nya. Nagbabaka sakaling mabago ko ang isip nya.

"Sinubukan ko naman syang iwan e. Kaso pag iniisip ko, naawa ko sa kanya. Isa pa, sa tingin ko mas kaya mo ng wala ako. Mas malakas ka kesa sa kanya."

Sinubukan kong intindihin ang mga bawat salitang binangit nya. Napangiti lang ako. Hindi dahil may naisip akong magandang pangotra sa sinabi nya, kundi dahil alam kong wala na kong magagawa.

Naiisip ko na, bat mo nga ba pipiliin yung taong mas mahina? Hindi bat parang mas praktikal o logical na dun ka sa mas malakas. At kailan pa naging mabuting rason ang awa para manatili sa isang relasyon?

Marami mang butas yung rason nya, kitang kita ko kung ano ang ibig nyang sabihin.

Sadya lang na mas mahal nya pa din yung boyfriend nya kesa sakin. Nagpapalusot lang sya. Pero di nya na kailangang sabihin yun ng diretso. Tutal, sya na mismo ang lumalaban para sa boyfriend nya. Isang bagay na di nya kayang gawin para sakin.

"Ganun ba. Naiintindihan ko. Mali nga naman to sa simula pa lang."

Ramdam ko ang panginginig ng boses ko habang nag sasaita, kasabay nito ang pag tipon tipon ng luha sa mga mata ko.

Kailangan kong ngumiti, baka mahalata pa nya na umiiyak ako. Kailangan kong maging malakas para di ko sya mabigo.

"Salamat na lang din sa panahon na nagkasama tayo. Sobrang nasiyahan ako." pag patuloy ko.

At tuluyan ng pumatak ang luha ko. Dumaloy mula sa pisngi, diretso sa baba. Sinubukan kong tumingala pero dumaloy lang ito papuntang leeg. Matagal tagal din nung huli akong umiyak. Yumuko ako at pinunasan ang luha ko gamit ang kamay ko sabay huminga ng malalim.

Rinig ko ang pag hikbi at pag iyak nya mula sa cellphone. Gusto kong punasan ang mga luha nya. Gusto ko syang yakapin, pero malayo sya, at may ibang may mas karapatang gumawa nun sa kanya.

Masakit. Pero kailangan kong bumitaw, kailangan naming bumitaw. Hinanda ko man ang sarili kong masaktan nung nagdesisyon akong mag mahal, di naman ako handa nung nawala sya.

Masyado akong naging komportable sa sitwasyong dapat di ko sinimulan.


"Sorry. Di ko ginustong paasahin ka. Mahal kita tandaan mo yan. Sayo lang ako naging ganito. Mamimiss kita----"

Naputol ang linya. 12 minutes. Di ko man lang narinig lahat ng gusto nyang sabihin.

Tapos na.
Yung mga panahon naming masaya, tapos na.
Parang kailan lang kami nag simula, pero ngayon tapos na.

Napaupo ako mula sa kinatatayuan ko. Sinandal ang buong katawan. Para kong nag marthon sa pagod at bigat ng katawan ko. Mas maiinda ko pa ngayon kesa sa sakit sa dibdib na naramdaman ko.

At eto ako, nakasandal at nakatingala. Kita ko ang mga bituin pero ramdam ko ang pagkabasa ng pisnge papuntang leeg, dahil sa luha ko na parang ulan.

Ngumiti na lang ako. Baka pag pinilit kong ngumiti, makombinsi ko ang sarili ko na maging masaya. Hangang sa binalot ako ng katahimikan. Lalo tuloy nangibabaw ang tunog ng pag hikbi ko. Pero sa kalagitnaan ng lahat.

*ring* *ring* *ring*

Tumutunog ang cellphone ko.
At nandun ang pangalan mo.

- End-
 
Last edited:
Back
Top Bottom