“Kailangan ngayon na mabawasan ang tensiyon at huwag hayaang lumala pa ang sitwasyon. Kailangan ngayon nang matinding pagpipigil,” ang sabi ng United Nations Secretary-General na si António Guterres tungkol sa direktang pag-atake ng Iran sa Israel noong Sabado, Abril 13, 2024.
Ang labanan sa Middle East ay isa lang sa maraming labanang nangyayari sa buong mundo.
“Ngayon lang ulit nagkaroon ng ganito karaming mararahas na labanan sa buong mundo mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at 2 bilyon katao—isa sa bawat apat na tao—[ang] apektado.”—United Nations Security Council, Enero 26, 2023.
Kasama sa mga lugar na may mga kaguluhan o labanan ang Israel, Gaza, Syria, Azerbaijan, Ukraine, Sudan, Ethiopia, Niger, Myanmar, at Haiti. a
Kailan kaya tuluyang matatapos ang mga labanan? May magagawa kaya ang mga lider ng mga bansa para maging payapa ang mundo? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Isang mundong may mga digmaan
Ang mga labanan ngayon ay senyales na malapit nang matapos ang lahat ng digmaan sa buong mundo. Ang mga digmaang ito ay katuparan ng hula sa Bibliya tungkol sa panahon natin. Tinatawag iyon ng Bibliya na “katapusan ng sistemang ito.”—Mateo 24:3.- “Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. . . . Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.”—Mateo 24:6, 7.
Isang digmaang tatapos sa lahat ng digmaan
Inihula ng Bibliya na matatapos ang lahat ng digmaan ngayon. Paano? Hindi mga tao ang makakagawa nito. Mangyayari ito sa Armagedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Pagkatapos ng digmaang ito, matutupad na ng Diyos ang walang-hanggang kapayapaan na ipinangako niya sa mga tao.—Awit 37:10, 11, 29.Para matuto pa tungkol sa digmaan ng Diyos na tatapos sa lahat ng digmaan, basahin ang artikulong “Ano ang Digmaan ng Armagedon?”
a ACLED Conflict Index, “Ranking violent conflict levels across the world,” Enero 2024