IT'S QUITE A LONG READ BUT IT'S WORTH IT...
Ang kwento ni Pareng Homer sa Stock Market.
Alay para sa mga nasunog nung 2015
Kayo yung mga nangarap, nagtiwala, nasaktan, at bumangon muli.
Isa na ako dun. ahahahaha
Ito ay tulong ko para sa baguhan sa stock market na nagnanais magkaroon ng magandang buhay. Para din sa aking mga kaibigan na gustong sumubok tahakin ang stock market at upang makatulong ito sa kanilang pagsisimula. Paalala, huwag tularan.
Ang Kwento
CHP 1000 at AEP 11.5339 P/L: -136.85php, -1.19%
Total investment = P11,533.93
Current Value = P11,397.08
Nangarap si pareng Homer na magkaroon ng magandang buhay at nakita na ang stock market ang isa sa maganda pwedeng makapag-umpisang mag-invest na mababa ang puhunan sa halagang P5,000 lamang. Pinagaralan niyang maigi kung anu-ano ang mga stock broker na pwede niyang pag-pilian at anu-anu ano ang pwede niya din bilihin. Nag-join din siya sa mga facebook stock market group. Nag-register, naglagay nadin ng pera at ready ng mag-invest.
Nung nag-simula si pareng Homer napakasaya niya kasi “INVESTOR” na siya. Yehey! Palagi siyang nag-kukwento sa mga kaibigan niya at napakapositibo niya sa buhay. Dahil si pareng Homer ay walang gaanong nalalaman pa sa Stocks madalas siya nagbabasa sa mga social media katulad ng facebook. Sinusundan niya ang mga yapak ng mga binibili at sinasabi ng mga nagrerekomendang stock guru sa kanya.
CHP 2000 at AEP 11.2330 P/L: -851.19php, -3.83%
Total investment = P22,466.08
Current Value = P21,604.89
Bumaba ang presyo ng binili niyang stock na CHP at dahil positibo si pareng Homer bumili ulit ito para siya makamura. Masaya ang kanyang pakiramdam kasi nagagawa niya ang sinasabi ng mga nasa social media “Buy low” tapos “Sell high”.
CHP 2000 at AEP 11.2330 P/L: -464.77php, -2.07%
Total investment = P22,466.08
Current Value = P22,001.32
Araw-araw pinapanood niya ang galaw ng stocks at kampanteng kampante ito na nasa tamang landas siya. Iniisip niya na dahil maganda ang kumpanya at malakas gumamit ng semento ang mga tao tatas talaga ang presyo ng CHP.
CHP 3000 at AEP 11.0458 P/L: -1,503.15php, -4.54%
Total investment = P33,137.47
Current Value = P31,634.32
Habang lumilipas ang araw may mga pababang nagaganap sa presyo ng stock. Positibo parin si pareng Homer na tataas parin ang halaga nito at ang mga pababa ng mga presyong ito ay panandalian lamang. Bibili at mag-iipon lamang siya habang ang bumababa ang presyo at kapag tumaas na siya ulit ay mababawi niya din ito.
CHP 3000 at AEP 11.0458 P/L: 2.243.02php, 6.77%
Total investment = P33,137.47
Current Value = P35,380.49
Dumaan ang ilang linggo at tumaas na nga ang presyo ng stock ni pareng Homer. Naniniwala na siya na tama ang kanyang mga desisyon at kumita na nga siya. Sa panahong ito, lumakas pa lalo ang loob niya at naniniwalang eto na ang umpisa ng kanyang pagyaman.
CHP 4000 at AEP 10.8168 P/L: -3,228.84php, -7.46%
Total investment = P43,267.26
Current Value = P40,038.42
Oops! Biglang lumagapak yung presyo! Mapapamura ng konti si pareng Homer sa mga panahong ito at nagdali-daling titignan ang social media para makakuha ng ideya kung ano ang nangyari. Mag-kakaroon ngayon ng ideya si pareng Homer sa kung anu-ano ang mga ginagawa ng investor at kanya itong gagayahin. Bibili ulit siya dahil may mga ibang investor na bumibili sa mga ganitong pag-bagsak dahil “DIPS” ang mga tawag dito.
CHP 5000 at AEP 10.4949 P/L: -6,985.15php, -13.31%
Total investment = P52,474.34
Current Value = P45,489.20
Magsisimula ng mag-init ang ulo ni pareng Homer dahil bumaba nanaman ulit ang presyo ng CHP. Dahil mainit ang kanyang ulo bibili ulit ito dahil alam niya na bibili parin yung iba at si master kasi “Buy on Dips” at “Average down” ang ginawa daw niya. Lalo pang nagpatibay ng loob niya ng mabasa niya ang “Be greedy when others are fearful”. Saktong medyo nininerbyos na si pareng Homer nito, fear eh, takot siya, kaya bibili parin siya.
CHP 5000 at AEP 10.4949 P/L: -3,912.89php, -7.46%
Total investment = P52,474.34
Current Value = P48,561.45
Ayun! Biglaang tumaas si CHP. Masayang masaya si pareng Homer kasi nakabili siya sa pinakababa. Sa sobrang saya niya minsan ay mapapatayo pa ito at mag-raRock & Roll! Makakaramdam nanaman siya ng panibagong saya at maniniwalang ito na talaga ang simula!
CHP 6000 at AEP 10.1298 P/L: -11,543.41php, -18.99%
Total investment = P60,778.77
Current Value = P49,235.36
Biglang may hindi inaasahang balita at bumaba nanaman ang presyo ni CHP. Makakaramdam ng panlalabot si pareng Homer dahil hindi niya inaasahan ang nangyari. At dahil nasa isip na ni pareng Homer ang mga katagang “Buy on dips”, “Averaging down”, “Buy low, Sell High”, “Bodega”, “Accumulation”, “Buy on Fear”, at “Demand ng semento”, bibili parin siya dahil napakamura na talaga ng CHP. SALE! SALE! SALE! Alam niya din sa isip niya na marami silang may hawak pati si master at pareparehas sila ng ginagawa dahil kung sila “OKAY” parin magiging okay parin ako.
CHP 6000 at AEP 10.1298 P/L: -9,640.59php, -15.86%
Total investment = P60,778.77
Current Value = P51,138.18
Magsisimula ng magdadasal sila pareng Homer at manlilisik pa minsan ang mga mata niya habang pakonti konting tumataas ang presyo ni CHP. Taas na, let’s go!, larga!, Lipad!, eto nah!, Boarding time!, in 3-2-1! Okada Bomba!, ilan lamang ito sa mga salitang nabibigkas ni pareng Homer habang pinapanood ang mga nagaganap bawat minuto.
CHP 12000 at AEP 8.4248 P/L: -21,416.94php, -21.18%
Total investment = P101.097.36
Current Value = P79,680.42
Sa biglang paglagapak ni CHP, hindi makapaniwala si pareng Homer. Manlulumo ito sa kanyang makikita at matutulala. Lalakas ang pintig ng kanyang puso at titingin uli ito sa social media upang makibalita kung ano ang naging kaganapan. At muli, kakalma lang siya kapag nakakita ulit ng kakampi sa social media na ipinagtatanggol ang CHP. Strong balls, isang katagang patutunayan niya sa kanyang sarili na isa siya sa mga “Strong balls” ng stock market. Oversold, isa ulit panibagong katagang nalaman ni pareng Homer at tutulong sa kanyang pagkalma sa mga nangyari. Lalakas nananaman ang kanyang loob at dahil “Oversold” ang CHP, bibili nanaman ulit ito ng karagdagang shares PERO sa puntong ito hindi lang basta isang libong shares, DOBLADO NA! Eto na talaga! Surebol, Dobol na! Naniniwala siya na mas mabilis niya itong mababawi at lalaki pa ang potensyal na kanyang kita.
CHP 12000 at AEP 8.4248 P/L: -3,340.19php, -3.30%
Total investment = P101.097.36
Current Value = P97,757.17
Ayun! Tumpak! Feeling Ginyus si pareng Homer! Sa wakas natapos nadin ang paghihirap ni pareng Homer, sabi niya sa kanyang sarili. Dito mo makikita na napatunayan na si pareng Homer na stong balls nga talaga siya. Makikita niya din na madaming mga naging kasama niya sa pagbili kay CHP ay nagpupunyagi. Napapa-Yehey! Yehey! na si pareng Homer! Papasalamatan niya si master dahil kung hindi sa kanya ay malamang hindi siya nakabili sa pinakamurang halaga. Pakonting ngiti ang makikita sa mukha ni pareng Homer na para bang isa siya sa mga matitinding investor ng stock market na nakabili sa pinakamurang presyo at ginyus sa stock market!
Sa pagtaas at pagbaba ng presyo ni CHP, naging manhid at nabawasan na ang pakiramdam niya sa kanyang perang inilaan. Nagtiwala si pareng Homer kay master at hinayaan ang kanyang investment na maging longterm. Naging busy nadin si pareng Homer at lumipas ang mahigit isang taon.
CHP 12000 at AEP 8.4248 P/L: -57,808.30php, -57.18%
Total investment = P101.097.36
Current Value = P43,289.06
……na..su..nog si pa..reng Ho…mer.
Nakakalungkot isipin na sa bandang huli mag-isa siyang umiiyak at walang karamay. Ang kanyang pinaghirapan ay nawala. Hindi niya rin kayang sabihin sa kanyang asawa dahil natatakot siyang malaman niya ang kanyang pagkakamali. Mawawala na ang dating pareng Homer na positibo at mapapalitan ng matinding awa sa sarili.
Pagkatapos ng kumulang dalawang taon eto ang resulta ng kanyang investment ay naging P43,289.06 na lamang sa original na halangang P101.097.36. Nasunog ang mahigit kalahati ng kanyang investment. Para mabawi ni pareng Homer ang kanyang investment kailangan sa P8.45 or 232% increase.
kung ikaw si pareng Homer tutuloy ka pa ba at babangon muli?
Tapos ang kwento.
Kung ikaw ay nakakaramdam ng pagkakahalintulad kay pareng Homer mabuti sigurong tanungin muna ang sarili at magdahan-dahan, huwag magpadalus-dalos. Huwag basta makinig sa sinasabi ng iba at araling mabuti ang mga minumungkahi ng mga guru sa social media. Pag-aralan din mabuti ang bawat desisyon dahil hindi lang basta pera ang nakataya dyan kundi pati pangarap. At importante sa lahat “Huwag hahayaan lumobo ang Losses” o maubos ang inyong capital. Nandyan naman si stock market palagi at hinding hindi ka mauubusan ng stocks na pag-pipilian. Kaya aral-aral muna para hindi magaya kay pareng Homer.
Aral muna, bago invest.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay gawa gawa ko lamang at walang katotohanan. Ito ay para magkaroon lamang ng ideya ang mga nagnanais magsimula sa stock market kung ano ang maaaring mangyari sa kanila.
Credit to:
NEO GAMBIT
https://stockgambit.wordpress.com/