Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Novel Sema: Ang Mago ng 88 na Konstelasyon

Hello po sa lahat! Ako po si Arvast isang baguhang kasapi ng Symbianize. Gusto ko lang po sana ibahagi itong kwento na ginawa ko. Maraming mga likha ang naging inspirasyon ko sa pagsulat nitong katha gaya ng Fairy Tail, Tales of Demons and Gods, at marami po pang iba. Huwag po kayong mahiyang magbigay ng feedback sa istorya na ito, makakatulong po iyon sa akin para mapaghusay ko pa ang aking kasanayan sa pagsusulat.

Prologue: Ang Katapusan, Sa Wakas...

Tinamaan ako ng isang kulay asul na liwanag kahit na hinarang ko ito gamit ang aking espada. Tumilapon ako ng halos sampung metro mula sa dati kong kinatatayuan. Agad kong naramdaman na hindi ko maigalaw ang ibabang parte ng aking katawan. Tiningnan ko ang lupang nilapagan ko.

May dugo.

Unti-unting nawawalan ng sensasyon ang ibabang parte ng aking katawan. Kahit namimilipit sa hindi maipaliwanag na sakit at paghihirap, ibinaling ko ang aking paningin sa aking harapan. Isang nilalang na naligo sa kasamaan at kasakiman, naligo sa dugo ng aking mga kaibigan at mga taong mahalaga sa aking buhay, hawak-hawak ang Holy Sword of the Twelve na nadungisan na ng kanyang kabuktutan.

Ang Lich King, ang pinuno ng mga Undead.

Agad naman nakuha ang aking atensyon sa isang pares ng binti na nakabalot pa sa itim na pantalon, na pagkakaalam ko ay pagmamay-ari ko.

"Guh...!"

Napasuka ako ng dugo mula sa aking bibig. Nakaramdam ako ng masidhing pananakit mula sa aking dibdib na tila'y pinipiga ng husto ang aking baga. Nawawalan na ng lakas ang kung ano pang natitirang buo sa aking katawan.

"Hangal na Hyur! Ipasakop mo sa akin ang iyong katawan at puso, at ibibigay ko sa'yo ang buhay na walang hanggan sa ilalim ng aking pamumuno...!"

Tangina mo...

Iyon ang mga salita na gusto ko isampal sa kanyang pagmumukha ngunit tanging hangin lamang ang lumalabas sa aking bibig sa tuwing pilit kong magsalita. Kahit anong alok ang ibigay niya sa akin, hinding-hindi ako magpapasakop sa isang katulad niya!

Iniling ko ang aking ulo bilang pagtanggi. Pinangalit niya ang kanyang nabubulok at naninilaw na mga ngipin sa sobrang galit. Ang kasamaan na bumabalot sa kanya ay nadagdagan pa lalo. Ang kulay ng lupa na kinatatayuan namin ay unti-unti naging kulay itim.

Kasing itim ng kanyang budhi.

"Bumigay na ang iyong katawan. Sumuko na ang iyong puso----pero bakit pilit pa rin lumalaban ang iyong isipan? BAAAKKKIIITTT!?"

Umaalingawngaw sa buong lugar ang kanyang nangangalit na sigaw. Nakita ko mula sa guwang niyang mga mata ang matinding galit. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin habang itinataas ang espada na buong pagsisikap na pinanday ng 12 nagkakaisang lahi.

Magkagayunman, wala akong naramdamang takot. Bago pa ako napasok sa sitwasyong ito ay naihanda ko na ang aking sarili sa mga posibilidad kabilang na ang kamatayan. Siguro ito na ang nakatadhana sa akin.

Pero hindi ko siya hahayaan na magtagumpay. Kung kinakailangan, isasama ko siya sa aking hukay!

Naghihingalo, isinagawa ko ang ipinagbabawal na mahika na nilikha pa ng mga First Generation noong unang panahon gamit ng nalalabi kong Magical Energy. Isang matingkad na kulay pulang Magic Circle ang pumaligid hindi lang sa aming dalawa ng Lich King, pati na rin sa lahat ng mga Undead Army na naroroon.

"RAARRGGHH!!!"

Tumalon paitaas ang Lich King mula sa kanyang kinatatayuan. Siguro naramdaman niya ang mapanganib na aura na dulot ng isinagawa kong Magic Skill. Nang nasa pinakatugatog na siya ng kanyang pagtalon, agad niyang itinuro sa akin ang dulo ng Holy Sword of the Twelve habang bumubulusok siya sa itaas papunta sa akin.

Ngunit nahuli na siya ng isang segundo. Gamit ang patay na wika ng mga First Generation, buong lakas kung sinigaw ang pangalan ng Magic Skill---

Shine, 88 Stars of the Heavens
"Urano Metria!"

Mula sa nagngingitngit na kalangitan, 88 konstelasyon ng kalangitan ang pumanaog at binalot ang buong lugar sa isang nakakasilaw na puting liwanag. Bigla kong naalala ang isang linya mula sa Holy Book of Cosmos na nakasulat sa patay na wika; a world shall emerge from the Light of Stars.

Ganito magtatapos ang lahat.

Sa huling sandali ng aking buhay, nasulyapan ko ang ibang bahagi ng aking buhay.

Ang aking panghihinayang. Ang aking karuwagan. Ang aking kabiguan.

Pagkatapos may nasulyapan pa akong iba. Isang mundo na kahalintulad sa mundong ito pero wala ni isa ang nagsasanay ng mahika.

Mayroon din isang mundo kung saan walang mga alipin. Mayroon din isang mundo kung saan lahat ng nilalang ay naglalakbay sa mga bituin at mayroon din mundo kung saan may nabubuhay sa ilalim ng dagat at sa ibabaw ng mga ulap.

Bawat mundo ay kakaiba sa nahuli. Pagkatapos isang liwanag ang lumapit.

Ang katapusan, sa wakas.
 
Back
Top Bottom