Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story Bahay Krayola

Gamit ang kulay Pulang Krayola taimtim na iginuhit ni Ging-Ging ang hugis tatsulok sa isang puting banner. Sa harap ang mukha ni Mayor Abalos na hindi naman naging hadlang para pigilan ang pagiging malikhain ng sampung taong gulang na bata. "Bu--bong, bubong ito," bulong nya sa sarili.

Paborito nya ang kulay pula. Simbolo ng pag-ibig. Pagmamahalan. Pagnanais. Ngunit kay Ging-Ging, ang pula ay isang malaking larawan ng kanyang pamilya. Masaya, simple, at may malaking pusong nagmamahal sa bawat miyembro. Gusto nya din ang pula para sa kanyang damit. Sa kanyang gamit. Maging ang lumang manika nya'y may pulang bestidang pitong taon na nitong suot. Pula din ang gusto nyang kulay ng kanyang sapatos sa tuwing sasapit ang panahon ng tag-lamig. Paborito nya ang kulay pula.

"Ito naman ang haligi. Brown.." Parisukat ang sumunod na hugis. Na'sa ibaba ito ng pulang tatsulok. Hindi pantay ang sukat. Mas lamang ang pagiging parihaba. Hinawi ni Ging-Ging ang buhok na humaharang sa kanyang paningin. Isinabit iyon sa kanyang tainga. Kaliwa't kanan, tsaka muling itinuloy ang pag-guhit. Nagdugtong na ang apat na sulok ng tahanan. Mukha na itong bahay. Sumisilip na din ang ngiti sa labi ng paslit.

Sinunod nya ang bintana. Na'sa kanang parte sa itaas ang pwesto nito. Asul ang napili nyang kulay. "Ito ang kwarto ni Kuya Ronald," nangingiti nyang wika.

Panganay sa magkakapatid si Ronald. Lamang ng dalawang taon ito kay Ging-Ging. Tatlo lamang silang supling. Sa lahat ng pagkakataon palagi nyang kakampi ang kanyang kuya. Madalas sya nitong ipagtanggol sa mga kalaro sa tuwing sya'y inaasar, nililibak, at sinasaktan. Mabait, masipag, at may pagkapilyo ang kanyang Kuya Ronald. Noong limang taon pa lamang si Ging-Ging, madalas sya nitong isama sa malapit na perya. Maaga nyang nakilala ang dambuhalang gulong na umiikot na naglululan ng mga taong naka-ngiti. Doon nya din nalamang si Dyesebel ay nagtatanggal ng buntot sa tuwing walang nakakakita. Natuklasan nya ding may babaeng payaso pala. Malaki ang paggalang nya sa kanyang kuya. Palibhasa'y bata palang ay malaki na ang tulong sa kanyang mga magulang. Maagang namulat sa pagbabanat ng buto dahil sa hirap ng kanilang buhay. Paborito ng kanyang Kuya Ronald ang kulay asul.

Hinukay, nilamutak, at ikinalat ni Ging-Ging ang mga krayola. May hinahanap ang kanyang mga mata. Isang natatanging kulay na alam nyang nararapat lamang sa kanyang Ate. Kay Roselle. Dilaw ang kulay ng krayolang kanyang inilaan para sa kanyang Ate Roselle. Isang banayad, payapa, at puno ng pag-asang kulay. Simbolo ng bagong araw. Bagong umaga. Bagong buhay na may bagong pag-asa. Katabi ng asul na bintana ni Ronald itinabi nya ang dilaw na bintana.

Walang pinagkaiba ang dilaw kay Roselle. Napaka-masayahing bata. May umaapaw na ngiti na hindi nya nasaksihang napawi. Idolo nya ito. Palagi silang may sikreto. Laging may kwento. Tungkol sa panaginip ang iba. Pangarap at mithiin. Tuwing linggo lagi syang isinasama ng kanyang Ate sa simbahan. Pagkatapos nilang makinig sa sermon agad silang tutungo sa maliit na bakuran ng simbahan kung saan may munting hardin. Masaya ang lugar na iyon. Para bang walang problemang umiikot. Natabunan ng mga bulaklak ang lungkot at panandaliang inaaliw ang kanilang imahinasyon. Sumasalamin ang hardin sa pagkatao ng kanyang Ate Roselle. Paborito ni Roselle ang kulay dilaw.

"Berde naman ang kay Papa at Mama," excited na binuo ni Ging-Ging ang berdeng pinto. Nagsilbing daanan ang pinto na tumutukoy sa kanyang mga magulang. Silang nagbigay daan sa kanilang magkakapatid para masilayan ang ganda ng mundo. Silang gumagabay, nagtuturo, nag-aalaga, at nagmamahal ng walang katapusan. Silang nagdurusa sa tuwing may nasasaktan. Silang nagdidiwang sa tuwing may inilalaman sa mga mumunting tiyan kahit pa ginigiling ang sa kanila sa gutom. Silang handang salubungin ang matinding sikat ng araw, malalakas na hangin at ulan, at kahit pa sa napipintong kamatayan. Hindi alam ni Ging-Ging kung gusto ng kanyang mga magulang ang Kulay Berde. Basta ang alam nya'y nababagay sa kanila ang kulay na sumisimbolo sa katatagan.

Tapos na ang obra ni Ging-Ging. Yari na ang Bahay Krayola. Masaya syang idinikit iyon sa malaking pader. Gusto nya sanang gisingin ang kanyang Ina na tahimik na humihilik para ipagyabang ang kanyang likha ngunit mas pinili na lamang nyang damputin ang iilang baryang inihagis ng isang binatilyong nagdaan. Nalibang sya sa pagdampot. May muling naghagis ng barya. Magkasintahan. Dampot. May muling naghagis. Dampot. May muling naglimos. Dampot. Dumaan ang nagmamadaling tren na nagbigay liwanag sa kanilang tinutulugan. Nagliparan ang mga karton, tagpi-tagping plastik, at bahagyang nabuwal ang maliit na plywood na nagsisilbing tahanan nila sa ilalim ng 5th Avenue Station sa LRT.

Niyakap ni Ging-Ging ang mga krayola sa kanyang pagtulog. Malikot at maraming umiikot sa kanyang isip. Napa-ngiti. May plano na sya kinabukasan. Iguguhit nya naman ang Paaralan. Ang silid-aralan. Pisara. Maging ang mga silya kung saan uupo ang kanyang mga kalaro at mga kamag-aral.

 
ang lungkot naman neto :(
 
para senti naman :lol:
 
:weep: gusto ko yung mga eye opener na ganito...
 
Unang una HUWAWW!! (Tagal na pala neto,bakit hindi ko ito nabasa nuon?)
Maganda,mahusay..
Epektibo - Yan yung tawag ko sa mga matindihang kwento,yung tipong napaluha ka,nainis,natawa,natakot at nalibugan!
Sa madaling salita,may direktang epekto sa aking pagkatao habang o pagkatapos ko'ng basahin.
Malinis at pulido,walang ligoy. Ang simple nga lang ng mga ginamit na salita ngunit andun na yung mensahe eh. Kumbaga sa tsiks,hindi na kelangan ng kolorete. Kartada-diyes-pangkaen-winner! (Aktwali,sinipat ko pa ulit kung ikaw ba talaga ang otor ahaha,hindi ako sanay na ganito ang paandar mo,maalam ka din pala manghila ng luha,akala ko ng panty lang!)

Habang binabasa ko ito ay wala akong naisip kundi ang sarili ko,ang aking nakaraan,ang aking pagkabata. Bilang tayong lahat naman ay dumaan sa pagiging bata,musmos at may kainosentihan,isang itong salamin ng kamusmusan,repleksyon at pagmumuni-muni at rebelasyon. Sabi nung ma'ma sa itaas ko,eye opener daw. Isang paalala o pagpapatunay na ang pangarap ay nagsisimula talaga sa pamilya. Pamilya ang inspirasyon at pundasyon ng kung anuman ang mimithiin ng isang tao at wala itong pinipiling pamilya,walang diskriminasyon ang ambisyon,walang limitasyon ang mangarap. Pamilya din ang magsisilbing motibasyon sa kung gaano kataas o paano nya nanaising abutin ang mga ito. Asa kwento na ang lahat eh,sa totoo lang sumasama ang pakiramdam ko habang sinusulat ko ang aking komento,palagay ko ay dinudungisan ko pa ang kalinisan ng kwento.

Para sa akin ang kwentong ito ay isang malaking salamin. Na ang babasa ay magkakameron ng pagkakataon na muli ay masdan ang kanyang sarili. Upang muli'y sulyapan ang nakaraan at gisingin ang kamusmusan sa ating mga sariling pagkatao,isipin kung saan ba tayo sumobra o nagkulang at kung may magagawa ba tayo upang maging isang mabuting repleksyon na nanaising masdan ng kapwa tao.
 
excited na akong e drawing ni ging ging ang kanilang paaralan.
 
Back
Top Bottom