Dilim
Prologo
Prologo
Sa isang sulok sa may kadilimang iskinita sa Ciudad Endra sa San Antonio, sa may kalayaun sa mga tao ay may isang babaeng lakad-takbo ang ginagawa. Bagamat isa itong ciudad, alas nwebe palang ng gabi ay mapapansing kakaunti na ang mga tao.
Tagaktak ang pawis ng babae kung kayat nagkalat sa kanyang mukha na parang mantsa ang itim nyang make-up.
Palingon-lingon ito sa kanyang likuran. Nang mapansing wala na ang anino na kanina pa sumusunod sa kanya, isang maluwang na paghinga ang kanyang pinakawalan. Ang takot na namuo sa kanyang dibdib ay unti-unting napawi.
“Hayyyyy, salamat” sambit ng kanyang mga labi.
Ilang saglit lang ang nakakaraan ng may isang lalaki ang lumitaw sa kanyang kaharapan. Nagulat ang babae at napaatras sa takot kasabay ng nag-uunahang pagtunog ng kanyang pulso pero para syang nabunutan ng tinik nang makilala ang lalaki.
“Kala ko kung sino na. Ikaw pala yan kuya…”
Pero hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin nang isang matigas na bagay ang tumama sa kanyang ulo na naging dahilan ng pagkawala ng kanyang malay.
Nagising ang babae nang maramdaman ang malamig na likido na tumama sa kanyang mukha at sa kanyang hubad na katawan. Hindi na nya alam kung ilang beses syang hinimatay sa sakit na kanyang dinanas sa taong naaninag nyang nakatayo sa kanyang harapan. Ang mga sugat nya na dahilan ng pagtama ng latigo na animo isang kutsilyo na humihiwa ng laman at ang hapding dulot nito na parang sa bagang ng apoy.
“Kuya, parang awa mo na, pakawalan mo ako dito,” ang sigaw ng babae sa lalaking nakatayo sa kanyang harapan na nakasuot ng itim na roba. Ang mukha nitoy natatabigan ngunit kilala nya ang lalaki sa pustura palang nito.
“Parang awa mo na please,” muli niyang sigaw pero tanging ungol lang ang lumalabas sa kanyang bibig dahil sa telang nakapasak sa kanyang bibig. Tiningnan nya ang kanyang kaliwang kamay na sa bandang pulsuhan ay nakagapos sa isang kahoy. Pilit niya itong pinapakawalan pero sa kanyang ginagawa ay nararamdaman niya ang kakaibang sakit na dulot ng pako na nagdikit sa kanyang palad at sa poste. Nakadipa sya sa isang poste na parang sa agila. Maging ang kanyang mga paa ay nakapako din.
Muli tumulo ang kanyang mga luha at humalo sa kanyang sipon. Awang awa sya sa kanyang sarili pero wala syang magawa.
“Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig,” narinig nyang sambit ng lalaki. At mula sa lupa ay yumuko ang lalaki at pinulot ang isang sibat.
Lumaki ang mata ng babae. Lumakas pa lalo ang kanyang ungol. Hanggang naramdaman nya ang pagtama ng sibat sa kanyang puso kasabay ng pagdilim ng lahat.