Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story E.J.K. (Literati Challenge)




Hello sir,negative. Wala ang pera dito!”









Namimilog ang mga mata ni Pisyang,namamangha ito habang pinapasadahan ng tingin ang malaking bahay. Magarbo at detalyado. Halatang pinag-isipan ng maige ang disenyo. Hindi nya napigil ang sariling hawakan ang nakaukit sa entrada ng malapad na pintuan nung mapagmasdan ito sa malapitan.

“Nagustuhan mo ba?”


Dahan-dahang pumanaog sa hagdanan si Ute upang salubungin ang mga bisita.

Dito na kayo titira.” ang sabi ng makalapit sa babae at kinarga ang batang lalaki na katabi nito.

Ang bigat ah,malaking bulas din ito. Mana kay pare!”

Napansin nya ang tila pagkalungkot ng biglang malukot ang magandang mukha ni Pisyang. Tinapik nya ang balikat nito’t iginiya papasok. “Wag ka’ng mag-alala,nangako ako kay pare na hindi ko kayo pababayaan.”


ii






Halos magunaw ang mundo ni Pisyang,isang gabi nang matagpuang walang buhay ang asawang si Islaw. Nakagapos ng alambre ang mga kamay at paa nito. May busal sa bibig at nakabalot ng masking tape ang mukha. Nauna pa'ng magpyesta ang mga usesero kesa langaw sa bangkay nitong nakahandusay sa madilim na kanto ng Tejero. Mababakas sa katawan ang hirap na dinanas,bukod sa mga pasa at sugat sa katawan,dalawang tama ng bala sa dibdib,balakang at ulo mula sa hindi matiyak na kalibre ng baril ang tumapos sa hininga nito. Sa tabi ng bangkay ay may karatulang "Wag tularan drug pusher!"

Blangko ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente sapagkat kailanma'y hindi nasangkot sa anumang kasong may kaugnayan sa droga ang lalaki. Wala din'g ebidensya man lang o di kaya'y testigo. Madilim at walang cctv ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay ni Islaw. Kung may nakakita man sa pangyayari,siguradong walang magnanais magsalita dahil sa takot. Sunod-sunod na ang patayan sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na gawain,isang guhit lang kung tutuusin ang kaso ni Islaw sa lumolobong bilang ng mga napapaslang,dahil yan sa pinaigting na kampanya ng bagong Pangulo laban sa droga at katiwalian. Hati ang reaksyon ng publiko dito,maraming natutuwa sa mahigpit na polisiya ng matikas at matapang na dating alkalde ng Dabaw,sa loob lang ng iilang buwan nito sa katungkula'y daang libo na ang sumukong adik at kriminal ngunit madami din ang dismayado. Maraming umaalma sa nais nitong ipatupad na istriktong patakaran at pailan-ilang nababahala sa mga inosenteng nadadamay sa patayan.

Mabuting tao si Islaw,kung ang mga kapitbahay ang tatanungin. Ni minsan ay hindi ito napaaway o nagpasimuno sa gulo. Tahimik ngunit maalam rumespeto. Wala din ito sa drug watchlist ng barangay,kaya laking gulat ng lahat nang mabalitaang pinatay si Islaw at nakuhanan ng droga sa bulsa. Ang buong pagkakaalam ni Pisyang,drayber ito. Kahit na nga ni minsan ay hindi naman nya nakita ang minamaneho nitong sasakyan. Binata ang pakilala ni Islaw sa kanyang amo,yan ang tanging alibi nito sa kanya kapag mapapag-usapan nilang mag-asawa ang tungkol sa trabaho. Mapagmahal na asawa't ama si Islaw, sa buong pagsasama nila ay hindi ito tumingin sa ibang babae kung kaya't malaki ang tiwala ni Pisyang dito at hindi na sya nag-uusisa pa. Ayaw niyang ito ay maging sanhi lamang sa hindi nila pagkakaunawaang mag-asawa.

Dahil wala namang perang magagasta sa paggulong ng kaso,idagdag pa'ng wala naman silang kamag-anak sa Maynila. Ipinagpasa-Diyos na lang ni Pisyang ang lahat. Kasamang nabaon sa libing ng asawa ang inaasam ni Pisyang na hustisya. Ang totoo nyang ala-alahanin ay kung paanong magsisimulang muli,o kung saan hahagilap ng kahit katiting na lakas ng loob upang magpatuloy sa buhay. Mag-aapat na taon pa lamang ang kanilang kaisa-isang anak at hindi naman siya nakatapos ng pag-aaral. Nagtanan sila ni Islaw at nagsama,isang buwan na lang sana at magtatapos na sya nuon ng sekondarya. Hindi na din nya naipagpatuloy ang pag-aaral na binabalak dahil walang magbabantay sa maliit nilang anak. Pinaplano na nyang umuwi ng probinsya sa magulang nang biglang magpakita sa kanya si Ute,tatlong buwan matapos ang libing ni Islaw. Nung una ay nagdadalawang isip siya sa alok nitong kupkupin silang mag-ina,ngunit dahil paubos na din ang kaunting naitabing pera at wala ng malalapitang iba. Napagpasyahan niyang tanggapin na lamang ang tulong na inaalok ng kaibigan,may tiwala naman siya dito. Sa tagal ng pagsasama nilang magkakabata nuon ay nananatiling magaan ang loob nya sa lalaki. Halos apat ng taon ang lumipas na hindi sila nagkasama at tila lihim din'g sumigla ang puso nya nang muli silang magkita.








iii







“Iwan mo na ako!!”


Nilingon ko si Islaw,pilit na inaaninag ang kanyang kalagayan sa madilim at masukal na aming nasu-utan. Nakangiwi ito habang sapo-sapo ang kanyang tagiliran. Sumubok tumayo ngunit natumba.

Tara pare,dali!!”

Nakulapol ng malagkit at maligamgam na likido ang aking palad nang alalayan ko itong tumayo. Papalapit ng papalapit ang nadidinig ko’ng yabag at halos tila isinisigaw lamang sa aking tainga ang kahulan ng mga aso sa may di-kalayuan. Parang magigiba ang aking dibdib mula sa hingal at kaba,ang lakas ng kabog nito at uhaw na uhaw. Pilit akong lumulunok ngunit said sa laway ang bibig. Malayo-layo na din ang aming natakbo at pakiramdam ko ay ako’y mahihimatay. Basang basa ang buong katawan ko sa pawis. Naghalo ang dugo at luha ng tangkain ko’ng ipunas ang laylayan ng kamiseta sa aking mukha. Lumanit ito sa aking labi,nalasahan ko ang naka-ambang peligro na sa isang iglap lang ay hindi ko alam kung paano kinasangkutan. Hindi ako makapag-isip ng mabuti. Hindi ko malaman ang gagawin,kung alin ang tama at mali o kung anong halaga ng alinman sa mga ito.

Putang-ina!!! Iwan mo na sabi a-koo!”



iv






“Malalim ata ang iniisip mo Jose?!”

Napatigil sa pagmumuni si Ute ng makaramdam ng mahinang tapik sa kanyang braso. Hindi nya naiwasang mapatitig sa mukha ng kaharap nang unti-unti siya ay magdilat.

Ang ganda mo talaga Simplicia!” bulong nya sa isipan. Mapalad ang kaibigan niyang si Islaw at ito ang napili nyang mahalin. Kay dalisay at maliwanag ang aura ng pagmumukha,maamong pagmasdan at hindi nakakasawa. Pag-ibig na kung maaangkin ay tatam’hin din ang sanlibo’t isang kaligayahang pinapangako ng angking ganda at maalindog na pangangatawan. Ngunit marupok at mahina si Pisyang,nababakas sa nangungusap nitong mga mata ang hirap na nadarama. Sa murang edad na dal’wam-pu ay heto at dinaranas ang malaking pagsubok sa kanyang buhay.

Patawarin mo ako Pisyang,ngayon lang ako dumating.”

“Hala! Ako ang dapat humingi ng paumanhin. Di yata’y malaking kabigatan kaming mag-ina sa iyo.”

“Sshh! Hindi,hindi. Wag na wag mo’ng iisipin yan!”


Magkababata si Ute at Pisyang. Sa isang maliit na bayan,sa probinsya ng Batangas ay sabay silang nagkaisip at lumaki. Sa iisang tambayan nagpapalipas ng maghapong paglalaro. Iisang paboritong pagkain. Iisang hilig at gusto. Sabay din nilang nilikha ang isang munting pangarap,isang ambisyong bunga ng musmos na imahinasyon,ang lumipad. Hawakan ang mga tala, magtatakbo sa ibabaw ng ulap at maglakad sa buwan. Kalagitnaan sa ikalawang taon ng elementarya,biglang dumating sa kanilang lugar si Islaw at ang kanyang ina. Sila lang dalawa at isang gusgusing tuta ang tanging dala ng tumira ang mga ito sa naiwang bahay ng namatay na lolo ni Islaw. Patpatin ngunit maputi at gwapo ang batang si Islaw. Sam-buong dipang kasalungat sa kulay ng kanyang inang pumuputi lamang pagkatapos maligo at ang bilugang mukha ay wangis ng espasol na pinagulong sa isang bandehadong harina. Madalas itong ngumunguya ng babol-gam at tila puputok ang makapal na nguso nitong pulam-pula kahit babagong silay ang umaga. Nabuntis daw ng amerikano ang nanay ni Islaw,pagerper ang ginang sa Ermita,tinanong ni Ute ang ibig sabihin ng pagerper sa ina,imbes na sagot ay kurot ang inabot nya. Madalas niya kasi itong madinig sa mga nanunuksong kalaro. “Islaw anak araw! Pagerper si nanay!” Dalawang taon ang tanda ni Islaw sa kanila ni Pisyang,ngunit dahil mabait naman ito at makwentong kasama,naging kaibigan na din nila ito’t nakapalagayan ng loob.

Bata pa lang si Ute ay dama na niya ang pagtangi ng puso sa kaibigang si Pisyang. Hindi nga lang maamin sa kababata ang nadarama,kapatid kasi ang turing ni Pisyang sa kanya. Malapit na silang magtapos sa hay-iskul ng kanyang matiyak na hindi lamang isang simpleng paghanga ang nararamdaman. Ilang magdamag siyang nag-ipon ng lakas ng loob upang magtapat. Ngunit nahuli na ang lahat.

Nagtanan si Simplicia at Estanislao!”

Lumilipad sa kawalan ang isipan ni Jose habang kinakausap ng mga magulang ni Pisyang. Tinatanong kung may nalalaman daw ba siya sa relasyon ng mga ito. Bawat katanungang patungkol sa pag-iibigan ng dalawa’y tila matulis na punyal na isinisibat sa sugatan niyang puso. Ramdam na ramdam ni Ute ang kirot at hapdi. Ang sakit na dulot ng pagkabigo. Ang panghihinayang.

Ngunit pinilit nyang ngumiti kahit napapaiyak. Kaya pala parang nagbago ang lahat. Hindi nga lang nya binigyan ng malisya ang pagkakalapit ng dalawa dahil sadya namang magiliw si Pisyang,maging sa kanya. Tinanggap niya ng maluag sa dibdib ang naganap. Kaibigan nya si Islaw at nababatid nyang mabuting tao ito,alam niyang hindi nito pababayaan si Pisyang. Tatlong taon ang lumipas ngunit madalas ay naiisip pa din niya ang mga ito. Si Islaw.. Si Pisyang.. At ang ang pag-ibig nyang ukol dito na hindi nagawang pawiin ng panahon. Mahal pa din nya si Pisyang,sa kabila ng lahat. Kung kaya’t hindi sya nagdalawang isip nang isang araw,ay makatanggap ng hindi inaasahang tawag.

“Ute,si Islaw ito. Kailangang kailangan ko ang tulong mo.”



v








Dinatnan ni Ute si Islaw sa lugar na napag-usapan nila sa telepono. Nahihiwagaan man at nalilito,agad syang tumalima sa hinihinging pabor nito sa kanya. Nais niyang makamusta ang kaibigan. At syempre.. Nasasabik syang makitang muli ang kababatang si Pisyang.

Nakaupong palu-page sa isang luma at animo'y abandonadong bahay si Islaw,madilim at mabigat ang itsura’t kung kaya't kinamusta na lamang nya ito imbes na itanong kung nasaan si Pisyang. Ngumiti lamang ito ng bahagya at inalok siyang tumagay sa hawak-hawak na bote ng alak at baso na magalang naman nyang tinanggihan. Makaraang lagukin ang laman ng baso ay nagsimulang magkwento si Islaw.

Pasensya ka na,wala akong maisip na lapitan. Alam ko’ng ikaw lang ang makakaintindi sa akin,di ba?”

Tumango si Ute. Pilit hinahagilap sa mukha ng kaharap ang kung anumang bagay na nagpapabigat sa kalooban nito,

“Napanuod mo sa balita ‘yung nangyari kay Mrs.Hong? Iyong negosyanteng intsik,drayber ako nuon. At hindi totoong nagpaputok kame sa checkpoint dyusko! Ni hindi nga namin alam na may checkpoint pala dun ang mga putang-ina! Mabuti na lamang at nagawa ko’ng makatakas. Nasa pinakahuli kasi ng convoy ang minamaneho ko’ng sasakyan. Patay na si Mrs.Hong! At malamang… Ako na ang susunod. Mamaya.. Bukas… Hindi ko alam! Puking-ina dahil dito!!”

Tumayo si Islaw at lumapit sa dalawang may kalakihang bag na nakapatong sa lamesa. Binuksan nya ang mga ito at ipinakita kay Ute ang laman. Bandel-bandel na kwarta at sangkaterbang tawas na nakabalot ng maganda sa bulto-bultong pakete ng plastik.

Hindi tawas yan!!” paglilinaw ni Islaw.

Alam ko,hindi ako tanga” tugon ni Ute “Araw-araw ‘yang laman ng balita sa tv at dyaryo. Bakit mo pinasok ang gan-to Islaw?!!”


Humugot ng malalim na buntong-hininga si Islaw at bumuga. Pagkatapos ay isinabunot ang mga kamay sa kanyang ulo.

“Hindi ko naman alam na druglord yan’g si Mrs.Hong,may matino namang negosyo! Ano ba’ng malay ko na front lang pala nya ang putragis na gasolinahan sa Marcela. Drayber lang naman ako,kahit minsan ay hindi ako nagbenta. Maganda pati ang sweldo,malaking bagay para sa mag-ina ko.”

Mag-ina ko.. Malinaw pa sa aandap-andap na bumbilya ang huling kataga sa tinuran ni Islaw.
Kahit hindi nakainom ay pinamulahan ang kanyang mukha. Pakiramdam ni Ute’y nanariwa ang sakit ng nadama nyang pagkabigo noon. Ngunit hindi siya nagpahalata.

Buntis si Pisyang noon,kaya ipinasya naming magtanan na lang. Nangangamba akong baka ipalaglag ng mga magulang ni Pisyang ang bata. Mahal namin ang isa’t isa Ute ngunit hindi naman namin inaasahang magbubunga kaagad ang aming kapusukan. Nag-iipon nga ako,at kayod kalabaw. Ibig ko sanang pakasalan si Pisyang,at iparehistro sa apelyedo ko ang bata.”

Pinilit na lang ngumiti at tumango ni Ute.

Yan ay kung maliligtasan ko ito.” itinaas ni Islaw ang suot na jacket at itinuro kay Ute ang dumurugong tagiliran.



vi









Tandaan nyo,dating gawi. Malinis!! Mauuna na ako sa presinto,mahirap na. Paplantsahin ko na anuman ang dapat plantsahin duon!” tila batas at may diin ang utos ng matabang alaki na sumungaw lang sa bahagyang nakababang bintana ng sinasakyan.

Yes sir,areglado!” sumaludo pa ang tatlong lalaking armado ng baril nang mag-umpisang umandar ang sasakyan.



“Putang-ina!! Natunugan ata tayo. Sa likod,tignan nyo baka may lusutan sa likod!! Habulin nyooo! Tang-ina!!”
nang-gagalaite sa galit ang lalaking unipormadong pampulis,labas ang gilagid at halos pumutok ang litid sa leeg pagkatapos maghihiyaw.





Takbo pre,bilis!!”

“Iwan mo na ako,hindi ko na ka-yaa!”


Nilingon ni Ute si Islaw,ngumingiwi ito habang sapo-sapo ang sugat na dulot ng tama ng baril sa tagiliran. Nakulapol ng malagkit at maligamgam na likido ang palad ni Ute ng alalayan nya itong tumayo.

Putang-ina iwan mo na sabi a-kooo!!”

Papalapit ng papalapit ang nadidinig ni Ute na kalabugan ng nagtatakbuhan,maging ang kahol ng mga aso sa hindi-kalayuan ay tila isinisigaw lang direkta sa kanyang tainga. Parang magigiba ang kanyang dibdib sa paghingal at kaba. Ang lakas ng kabog nito at siya’y nauuhaw. Malayo-layo na din ang kanilang natakbo at sa pakiwari nya’y para syang mahihimatay. Tagaktak ang pawis sa kanyang likod at tuyong tuyo sa laway ang bibig. Pinipilit niyang lumunok ngunit parang siya’y nabubulunan. Ipinunas nya ang laylayan ng kamiseta sa kanyang mukha. Naghalo ang dugo at luha. Damang-dama nya ang napasok na peligro at hindi nya malaman ang gagawin.


I-wan mo na a-kooo!! Kunin mo itong pera. Sa bulsa ng bag ay may papel,nakasulat duon kung saan mo matatagpuan ang mag-ina ko. Ikaw na ang bahala sa kanila.” naghahabol sa hininga ngunit malinaw na bilin ni Islaw. Nanghihina na ito dahil sa pagod at napakaraming nawalang dugo mula sa katawan. Sinusubukan niyang labanan ang antok,ngunit kusa nang sumasara ang kanyang mga mata.

Gamitin mo ang pe-raa. Bigyan mo ng magadang buhay ang mag-ina ko. Nababatid ko’ng mahal mo si Pisyang, Ute wag mo silang pa-baba-yaan.”


Walang nagawa si Ute kundi ang tumayo,dala ang pera’y nagmamadaling tumakbo papalayo. Ayaw niyang iwan si Islaw,ngunit ayaw nya din’g mamatay. Malaki pa kesa sa sariling katawan ang nadarama niyang takot at pangamba,na sa buong buhay nya’y hindi inakalang mararanasan. Kakaiba ang hatak ng napipintong kamatayan,hindi na siya nakapag-isip kung tama ba ang desisyon.

Bahala na.

Gumagapang si Islaw sa maputik na talahiban ng abutan ng dalawa sa tatlong armadong kalalakihan. Umulan ng araw na iyon. Ang maliit na tila hukay at lubak sa lupa ay may tumining na tubig-baha.

Sige gapang kolokoy!! Bwahaha hihi!! Ang lakas naman ng loob mo bata!! Ha!! Puking-ina ka,anong akala mo, matatakasan mo kame ha?!”

Sinabunutan si Islaw ng isa sa lalaki at iningudngod ang kanyang mukha sa lupa,habang walang kalaban-labang nakadapa at nanghihina. Kumaskas ang namamanhid nyang mukha sa naglalatiting buhangin at maliliit na bato. Malaki ang kamaong gigil na sumakmal sa kanyang ulo,matigas at may kalyo. Sa hinuha nya’y madami na itong pinadugong nguso sa suntukan. Umisod ito’t naupo sa kanyang ulunan.

Nasaan ang pera?!” tanong nito kay Islaw. Nakangisi at tila dyablong nang-aasar.

Hindi ko alam ang sinasabi nyoooo!!” nanginginig ang mga labing sagot ni Islaw. Ramdam nya ang nalalapit na kamatayan ngunit naihanda na niya ang sarili dito,alam nyang hindi na sya magtatagal. Kung maari nga’y siya pa mismo ang bumaril sa sentido at ng matapos na ang paghihirap na kanyang nararadaman. Pumikit sya’t ang magandang mukha ni Pisyang ang kanyang nakita. Ngunit agad din itong naglaho sa nagdidilim na paningin. Dahil bigla siyang napadilat.

Arggghh!”

Bulwang ang bibig at dumaloy ang dugo sa magkabilang butas ng ilong ni Islaw, nang tumama sa kanyang mukha ang pinakawalang sipa ng isa sa lalaking kanina’y abala lang sa pagtipa sa kanyang telepono. Muli syang sinabunutan ng lalaki sa ulunan at itinaas ang mukha nyang duguan.

Wag na kasi tayong maggaguhan dito!! Sabihin mo na kung nasan ang pera!!”

Hindi pa man nakasasagot ay ingunodngod nitong muli ang mukha ni Islaw sa putikan.

Hin-de-ee ko ta-la-gaaa a-lamm!!”

“Matigas ka ha!!”

Isang malakas na sipa sa noo,at tuluyang nawalan ng ulirat si Islaw.

Psst! Tama na yan!” senyas ng isang kanina pa tila may kausap sa telepono.

Hello sir,negative. Items lang ang nandito!!”

Hindi na kailangang umimik ng nasa kabilang linya upang madama nyang dismayado ito. Agad naputol ang tawag. Wala man’g sinabi kahit isang salita ang tinawagan,batid ng lalaki kung ano ang nararapat niyang gawin.

Ayusin nyo na yan,baka may maligaw pang miron.” utos ng ikatlong lalaki at naunang bumalik sa naghihintay na sasakyan sa labasan. Bitbit ang isang bag.



vii


Estanislao Julian Kerr
Feb. 02,1994 July 25,2016
“in loving memory of”


Tara na.” yakag ni Ute sa kasama pagkatapos ayusin ang bulaklak at masindihan ang kandila. Anibersaryo ng kamatayan ni Islaw ngayon. “Baka masaraduhan tayo ng civil registrar at gagabihin din pauwe sa Batangas,matrapik ngay-on!”

Sigurado ka’ng sa apelyedo ni Islaw mo ipaparehistro si Stanley ha?” may bahid ng agam-agam ang tanong ni Pisyang. Magsasalita pa sana ang babae,nang pigilan siya ni Ute.

Sshh! Ayos lang saken,pangarap ni Islaw yan eh. Sa ngayon edi iyan muna,palitan na lang natin ang apelyedo nya kapag kagaya na rin ng apelyedo ko ang apelyedo mo.”

“Ha??”


Tila nabigla at napaluha,ngunit kaagad din'g ngumiti si Pisyang. Lumitaw sa magkabilang pisngi ang malalim na biloy.

“Hinding-hindi ko pababayaan ang mag-ina mo Islaw,pangako."


Dahan-dahang lumuhod si Ute sa harap ni Pisyang,at dinukot sa bulsa ang isang singsing.

"Will you marry me Simplicia?”








Wakas
 
Last edited:
Back
Top Bottom