Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story Earphones - Isang Kwento ng Pag-ibig

Magtatatlong oras ng nakadikit ang puwet ko sa isa sa mga mahahabang upuan ng simbahan, hinuhubaran ng tingin ang imahe ni Jesus, ngunit kahit kapirangot na dasal ay walang mausal ang bibig ko. Nakalutang lamang ang aking mga mata sa naghihikaos na hitsura ng statwa, paulit-ulit siyang tinatanong kung "Bakit?"

Limang araw na ang nakakaraan ng maka-receive ako ng text sa mahal ko. Nakikipagkalas, dahil may iba ng nagpapasaya sa kaniya.

"Pang-apat ng beses to Lord." ramdam ko ang mainit ngunit marahan na agos ng luha sa aking pisngi. "Bakit ba ako laging niloloko at pinagpapalit?"

May anong kirot akong naramdaman sa aking dibdib, dahilan para maputol ng panandalian ang hiniga ko at padaanin ang isang mahabang hikbi. Sinapo ko ang aking bibig, nag-umpisang manginig ang labi ko. Nag-uunahan ng magpahulog ang mga luhang mahapding dumadaloy sa aking paningin.

When you want it the most there's no easy way out
When you're ready to go and your heart's left in doubt
Don't give up on your faith
Love comes to those who believe it
And that's the way it is


Bigla akong kinabahan nang may marinig akong musika na nanggagaling sa aking likuran, sa huling tanda ko, ako lang ang laman ng simbahan. Mabilisan kong kinuskos ang aking mga mata at sumingha sa tangan kong panyo. Dahan-dahan kong piniit ang aking leeg at tinapunan ng tingin ang lalakeng nakaupo sa may gilid, isang upuan ang layo ng agwat namin sa isa't-isa. Nakasuot ng kulay tsokolateng jacket, naka-bonet, nakangiting nakatingala sa may krus sa harapan.

Napalunok ako ng 'di sadya nang bigla niyang salubungin ang aking titig. Lalayo na sana ako ng tingin, ngunit nagpakawala ito ng mahabang ngiti, na sa hindi malamang dahilan ay ginantian ko rin naman ng matamis ngunit tipid na ngiti.

"Ano pangalan mo?"

Napataas ako ng kilay, malamig ang tinig niya.

"E-Edu." nag-aalangan kong sagot.

"Ano?"

"Edu!" napalakas ata ang pag-ulit ko, nagawa ko kasing paatrasin ang noo niya.

"Teka." kinalkal nito ang hawak na cellphone at mabilis na hinubad ang nakasalpak na earphones. "Kaya pala hindi kita marinig." tumawa siya, malusog na tawa, iyong tipong mapapailing ka at mahahawang tumawa din. "Ano pangalan mo ulit?"

"Edu."

"Ako si Kris." tumayo siya sa kinauupuan nito at lumapit sa akin. "okay lang ba kung makikitabi ako? malungkot ang magisa eh."

Ngiti ang sinagot ko sa kaniya, na agad naman niyang sinalo at inilapag ang puwet malapit sa akin.
"Kanta ni Celine Dion iyon diba?" usisa ko.

"Ang alin?" pagtataka niya ng hindi inaalis ang tingin sa may krus sa harapan.

"Iyong pinapakingan mo."

Sumibol ang gulat sa kaniyang mukha. "Paano mo nalaman iyong pinapakinggan ko?"

"Naka-loud speak yata cellphone mo."

"Tinamaan ng lintik!" muli siyang tumawa at binusisi ang telepono. "Kailangan ko na talaga palitan 'tong earphones ko."

Hindi ako umimik, bagkus tinuon ko ang pansin ko sa aking mga kamay. Nalala ko bigla ang mga panahong kahawakan ko ng kamay ang Ex ko. Parehas kaming pasmado, kaya ganon nalang kung magsabaw ang aming mga palad kapag nagkakadaupa ang mga ito. Pagkatapos ay pagtatawanan namin, at lalong hihigpitan ang kapit sa isa't-isa. Ramdam ko ulit ang pagdaus-dos ng luhang kumawala sa aking mga mata.

"Iyong sa iyo, ayaw mo palitan?" abala parin niyang binubusisi ang cellphone nito.

"Huh?" pagpahid ko sa tubig na kasalukuyang nagpapadulas sa aking pisngi.

"Iyong earphones mo kako, ayaw mo ba palitan ng bago." tumingin siya sa akin. Hindi parin binubura ang ngiti.

"Wa-wala akong earphones."

Umiling siya, at dahan-dahan niyang pinatong ang kamay nito sa balikat ko. "Alam mo Edu, and pag-ibig ay parang musika. May maingay, may solemn, may klasiko. Pero ano man 'to, merong isang tunog ang magugustuhan natin at paulit-ulit itong papakinggan. Pero darating iyong panahon na may bagong musika tayong maririnig at magugustuhan. Hanggang sa makalimutan mo na iyong una mong pinapakinggan. Ang importante, kahit ilang musika man ang dumahan sa iyong tenga, at nakabisang lyriko, magmamarka ito sa iyong puso. Masarap itong sariwain sa tuwing maririnig mo sa radyo, sa bus, sa palenke, sa telebisyon. Mapapangiti kanalang at masasabi mo sa sarili mo na, 'paborito ko dati iyan!'"

Muling humagos ang isang linya ng luha sa aking mukha. "Ang sakit kapag iniwan ka ng mahal na mahal mo."

"Bili ka ng bago mong earphones kapag nagkapera ka." mabilis niyang tugon.

"Kung ganon lang sana kadali." hikbi ko.

"Madali lang naman iyan." sumipol siya. "Tumayo ka, lumabas ka ng kuwarto mo, mag-hanap ka ng trabaho hangang sa mapagod ang mga paa mo. Huwag kang titigil hanggang wala kang nahahanap. At kapag meron na, mahalin mo at yakapin 'to. Maniwala ka, magkaka-earphones ka kapag nagawa mo na ito."

Gusto ko sanang umimik, kwestyunin siya, napakababang katwiran para salbahin ang problema ko. Ngunit nasukol ako ng hikbing sumasakal sa aking puso.

"When you want it the most there's no easy way out." nagsimula siyang humimig, sinapulan ng tingin ang krus sa may harapan. "When you're ready to go and your heart's left in doubt
don't give up on your faith love comes to those who believe it and that's the way it is."

Hikbi, at garagal na iyak ang sumabog sa loob ng malawak na simbahan.

"May dahilan kung bakit nalalaos ang isang gamit, ito ay para palitan ng bago." tumayo siya at nagsimulang tumulak palabas ng simbahan. "Huwag mong kalimutan ang natutunan mo sa luma mong gamit, aralin mo ito sa bago mo para hindi ito masira."

Napasinghap ako nang bumukas ang mga mata ko. Madilim. Umaalingawngaw ang ingay ng ikot ng electricfan. Ilang minuto ang lumipas bago ko napagtanto na nasa loob ako ng aking kuwarto. Nakabaluktot sa kama at katatapos lang managinip. Nagsimulang magpakawala ng ulan ang aking paningin. Marami, parang bagyo. Sinasabayan ng kulog na yumayanig sa aking dibdib. Mahaba pa ang gabi, mahaba-habang unos ang yayakapin ng aking kaluluwa.



+++++++++++++++++



"Sir." napabalikwas ako ng tingin sa harap ng computer dahil sa tawag ng sekretarya ko. "Nasa meeting room na po iyong bagong kliyente natin."

"Okay, Thank you." pag-ayos ko sa aking kurbata. "Sabihin mo papunta na ako."

Mabagal na tinahak ng mga paa ko ang kuwarto, parang naririnig ko pang tumatambol ng pang-martya ang aking dibdib, na sinundan ng panga-ngalambot ng aking tuhod. "Ngayon ka pa ba maduduwag Edu? dalawang taon mo na 'to ginagawa." bulong ko sa aking sarili.

When life is empty with no tomorrow
and loneliness starts to call
baby, don't worry, forget your sorrow
'cause love's gonna conquer it all, all

when you want it the most there's no easy way out
when you're ready to go and your heart's left in doubt
don't give up on your faith
love comes to those who believe it
and that's the way it is


Isang pamilyar na kanta ang humahalik sa bawat sulok ng meeting room. Sa dulo ng mahabang mesa, nakaupo ang isang babaeng mahaba ang buhok, nakayuko at tila abala sa binabasa nito.

"Good Morning." pagbati ko.

Agaran niyang itinaas ang tuon nito sa akin, napamura ako sa ganda niya!

"Ano iyon?" wika niya.

"Good Morning!" pag-ulit ko.

"Wait." kinalkal nito ang hawak na cellphone, at tinanggal ang suhot na earphones pagkatapos. "Kaya pala hindi kita marinig." ngumiti siya, muling nanghina ang aking tuhod. "Ano nga ulit iyon?"

"Kanta ni Celine Dion iyon diba?" biglang umagos ang diretsong linya ng luha sa aking pisngi, dahilan para yumuko ako para hindi niya makita.

"Excuse me?" tanong niya.

"Iyong pinapakinggan mo."

"Paano mo nalaman?"

"Naka-loud speak ata cellphone mo." Sinilip ko siya, kinakalikot nito ang saksakan ng earphones niya.

"Hay nako, sira nanaman 'tong earphones na 'to!" pagmaktol niya, subalit hindi nabubura ang liwanag ng ganda sa kaniyang pisngi.

"Kailangan mo ng palitan." ngiti ko.
 
Bukod sa nakakaaliw na kwentong duma-damoves sa soundtrip,napansin kong pampangueño ata ang author ahaha. Hindi lang pala sa pagluluto magaling ang mga kabalen.
 
Back
Top Bottom