Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story Sino si superwoman?

“Tao po! Tao po! Wala yatang tao. Pero sigurado raw ang taong napagtanungan ko na matatagpuan dito ang taong hinahanap ko. May tao kaya?” tanong ko sa aking sarili.
Nilakasan ko pa ang pagtawag ngunit wala talaga. Paalis na ako nang mapansin kong nakabukas nang kaunti ang pintuan ng barong-barong na iyon. Maya-maya’y may narinig akong mahinang tinig. Masama mang pumasok sa bahay nang may bahay ay nabuksan ang aking kuryosidad na pumasok. Dahan-dahan kong itinulak ang pinto.
Tumambad sa aking paningin ang tagpi-tagping dingding mula sa mga piraso ng plywood, karton, at tarpaulin. Wala halos laman ang bahay na iyon. May iilan kang makikita na mga nakakalat na damit sa sahig. Wala sa ayos ang iilang mga kasangkapan. Ang tanging nakatawag sa akin ng pansin ay ang bagay na iyon. Isang bagay na hindi ko aakalaing mananatili pa sa taong aking pinagbigyan. Bakas sa kupas nitong kulay ang kalumaan niyon. Nakasabit ito sa bandang hilaga ng bahay. Bagamat luma na ito ay mababakas mo pa rin ang larawang pilit na ipininta ng isang batang munti. Mga hugis na halatang pinilit na magmukhang mga tao. Apat na taong magkakahawak-kamay. Hindi man kasinggaling ng isang pintor ay mapapantayan naman nito ang lalim ng kahulugan na nais nitong sabihin: kasiyahan, kapayapaan, at pag-ibig. Ang mga mukha ng mga tao’y pawang nakangiti.
Ah, naalala ko pa, parang kailan lang…
“Nathan! Nathan! Nasaan ka bang bata ka? Pinagtataguan mo na naman ako,” bahagyang malakas na sabi ni Yaya Rosa.
Lalo ko pang pinag-igihan ang pagtatago sa may likuran ng pinto. Gugulatin ko siya. Natutuwa ako sa reaksyon ni Yaya tuwing nagugulat siya. Lumalaki ang mga mata niya at parang aatakihin na sa puso.
“Ba!” panggugulat ko sa kanya.
“Ay! Naku namang bata ka! Ginulat mo naman ako,” ang pahayag ni Yaya.
“Hahaha! Kahit kailan talaga, Yaya, magugulatin ka,” tatawa-tawang sabi ko sa kanya.
“Halika na at paliliguan na kita,” ang sabi ni Yaya.
“Ayoko nga! Be-be-bebe!” ang pang-aalaska ko sa kanya. Naghabulan muna kami bago niya ako naabutan.
“Sandali lang, Yaya.” hinihingal na sabi ko.
“May ibibigay po ako sa iyo,” nakangiting sabi ko.
“Ano iyon?” tanong nito nang may pagdududa. Minsan kasi ay inabutan ko siya ng laruang ahas. Takbo nang takbo si Yaya. Tumigil lamang siya nang mapansing hindi naman gumagalaw ang ahas. Kaya alam kong naniniguro lamang ito ngayon.
Mula sa aking likuran ay iniabot ko sa kanya ang isang larawan na naka-frame. “Superwoman” basa niya sa nakasulat. Agad na namasa ang mga mata ni Yaya. Para na siyang maiiyak. “Maraming salamat, Nathan. Ito na yata ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa buong buhay ko.”
Ang larawang iyon ay proyekto namin sa Art, isa sa mga asignaturang paborito ko. Ang paksa nito ay “Sino si Superman o Superwowan sa iyong buhay?”
Iginuhit ko si Yaya na parang si Superwoman. Nakataas ang kanyang kanang kamay habang hawak-hawak ng kaliwa niya ang aking isang kamay. Kasama ko naman siyempre ang aking ama at ina. Para kaming isang masayang pamilya na may kasamang superhero.
Kahit na palagi kong pinagkakatuwaan si Yaya ay mahal na mahal ko naman siya. Mula noong sanggol pa lamang ako ay siya na ang nag-alaga sa akin. Para ko na siyang pangalawang ina. Palagi ko siyang kalaro, kakuwentuhan, at kakulitan. Palaging may nakahandang ngiti sa akin si Yaya. Kapag nadadapa ako ay tinutulungan niya akong tumayo. Pinatatawa niya ako sa oras na nalulungkot ako. Ginagamot niya ako sa tuwing nasusugatan ako. Para talagang Superwoman si Yaya!
Sampung taong gulang na ako ngunit parang bata pa rin ang trato niya sa akin. Kung tutuusin, kaya ko nang maligo mag-isa. Katulad ng dati ay tinutulungan niya pa rin ako.
Aaminin ko na may katigasan ang ulo ko. Isang araw habang naglalaba si Yaya, pasimple akong lumabas ng bahay. Pinagbilinan niya ako na huwag lumabas lalo na kapag wala akong kasama. Ngunit dala ng katigasan ng ulo ay tumuloy pa rin ako.
Abala ako sa paglalaro nang maya-maya’y may tumulak sa akin. Tumalsik ako sa damuhan. Pagbangon ko ay nakita kong duguan si Yaya Rosa. Sa harap nito ay may isang sasakyan na nakahimpil. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nasagasaan si Yaya nang dahil sa akin. Kung hindi niya ako tinulak ay tiyak ako ang nasa kalagayan niya ngayon.
Kaagad namang isinugod sa ospital si Yaya. Iyak ako nang iyak. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama kay Yaya. Dahil sa katigasan ng ulo ko ay napahamak siya. Dumating naman kaagad si Mama sa bahay pagkatapos malaman ang nangyari. Samantalang si Papa ay kaagad na dumiretso sa ospital kung saan isinugod si Yaya.
“Huwag ka nang umiyak. Makakaligtas ang yaya mo. Magdasal lamang tayo,” pagpapatahan sa akin ni Mama.
“Kasalanan ko. Kung hindi dahil sa katigasan ng ulo ko ay hindi sana napahamak si Yaya,” umiiyak na sabi ko.
Biglang kumuriring ang telepono. “Kumusta? Sige, pupunta kami kaagad diyan,” ang naririnig kong sagot ni Mama sa kausap.
“Nathan may magandang balita ako sa iyo. Ligtas na si Yaya Rosa. Magbihis ka at pupunta tayo sa ospital.”
Pagkatapos kong magbihis ay dali-dali na kaming umalis. Sa ospital ay naabutan kong gising si Yaya. Umiyak akong muli pagkakita sa kanyang kanang kamay na nakabenda. “Yaya, pasensya ka na, nang dahil sa akin ay napahamak ka.”
“Nathan, tumigil ka na sa pag-iyak. Mabuti na ang lagay ko. Galos lamang ang mga ito,” ang nakangiting sabi ni Yaya. “Di ba sabi mo Superwoman ako? Kaya hindi ako basta-basta masasaktan,” dagdag pa nito. Ito ang mga alaala sa akin ni Yaya na hindi ko makakalimutan.
Nasa unang taon ako ng high school nang magpasiya ang aking mga magulang na manirahan na kami sa Hong Kong sapagkat doon na sila madedistino. Ayaw ko man ay kailangan kong sumama sa kanila. Iyon na ang huling pagkikita namin ni Yaya.
Pagkatapos ng dalawampung taon ay napagdesisyunan kong magbalikbayan. Kaagad kong hinanap si Yaya. Sa bandang timog-silangan ng isang barangay matatagpuan ang bahay ni Yaya. Hindi madaling hanapin ang tirahan niya. Napakaraming pasikot-sikot. Mula sa kalye ng Sta. Rita ay kakanan papuntang Kalye Sto. Tomas. Pagkatapos ay kakaliwa sa Kalye San Agustin.
Maya-maya pa ay lalong lumakas ang mga munting tinig na kanina ay parang bulong lamang. Hinanap ko ang tinig na aking narinig. Isang matanda ang aking nakita. Kahit na kulubot na ang kanyang mukha ay kilalang-kilala ko pa rin ito, si Yaya Rosa. Kaagad ko siyang nilapitan at nagpakilala ako sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan nang makilala ako. Napag-alaman kong may kanser sa atay si Yaya. Nahihirapan itong tumayo kaya hinayaan ko na lamang siyang nakahiga. Sabi ni Yaya, kasama niya sa bahay na iyon ang kanyang nag-iisang apo sa pinsan. Ulila na umano ito kaya kinupkop niya. Ang kanyang apo ang siyang nag-aalaga sa kanya ngayon. Inalok ko siyang sumama sa akin.
“Yaya Rosa, sumama na kayo sa akin. Ipagagamot ko kayo. Isasama rin natin ang inyong apo,” pagyayaya ko sa kanya.
“Huwag na, Nathan. Mahihirapan ka lang sa akin. Matanda na ako at nararamdaman kong malapit na Niya akong kunin,” mahina nitong sabi sabay taas ng kamay sa langit.
“Si Yaya naman. Hindi kayo mamamatay. Si Superwoman kaya kayo!” pang-aaliw ko sa kanya.
Biglang napatingin si Yaya sa larawang nakasabit sa dingding ng bahay. “Salamat, Nathan, at kahit sa ganitong kalagayan ko ay binalikan mo ako. Kahit kailan ay hindi kita kinalimutan. Kasama ka palagi sa mga dasal ko,” halos pabulong nitong sabi.
Dahil ayaw umalis ni Yaya sa bahay na iyon ay ako na lamang ang palaging pumupunta. Dinadalaw ko siya at dinadalhan ng mga pagkain at mga kailangan niya. Palagi ko rin siyang kinukuwentuhan. Alam kong kahit nahihirapan na itong magsalita ay naririnig pa rin niya ako.
Hanggang isang araw ay tuluyan nang binawian ng buhay si Yaya Rosa. Binigyan ko siya ng maayos na libing. Kinupkop ko ang kanyang apo. Alam ko, kahit hindi sabihin ni Yaya, ay nag-aalala pa rin siya para rito. Hindi ko man nasuklian ang lahat ng sakripisyo ni Yaya para sa akin ay maaari ko naman itong maibigay sa kanyang apo. Magiging Superman ako, tulad ni Yaya Rosa na isang Superwoman.
 
nice! keep sharing kapanalig :salute:
 
Salamat po :) sana po nagustuhan ninyo

yep! very interesting yung flow ng kwento, medyo nahilo lang ako sa format. i assume sa cp ka nagta-type, maybe next time try mo yung mga writing app para 'di nakakahilo basahin :salute:
 
yep! very interesting yung flow ng kwento, medyo nahilo lang ako sa format. i assume sa cp ka nagta-type, maybe next time try mo yung mga writing app para 'di nakakahilo basahin :salute:

sir actually sa MSWORD ko to tinype tapos copypaste na lang ndi ko alam na magiging ganito format
 
Back
Top Bottom