Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Short Story Tempo Insa

"Kamusta po? Kwentuhan niyo naman po ako"

Siya si Abby, 19yrs old. Psychology student sa Letran. Nagkakilala kami sa isang event kung saan sila ang nag host at nag sponsor ng event. Habang masaya ang lahat noong may event, nasa sulok ako at nagmumukmok. Nakaupo malapit sa bintana at umiinom ng kape. Lumapit siya at nagtanong kung ano daw ba ang klase ng kape na gusto ko. Alangan pa ko sumagot pero makulit siya at mukha namang mabait kaya sabi ko "black". Ngumiti siya at sinabing "Pareho po pala tayo!"

Simula noon ay madalas na kaming magusap at magkwentuhan, kasalo namin ang black coffee na pareho naming paborito. Kahit Kopiko Black lang solb na.

"Okay naman ako Abby, wala naman bago, medyo namimiss ko lang yung mga masasarap na pagkain na madalas ko kainin noon"

"Gaya po ng?"

"Medyo madami Hija, pero totoong masarap talaga at mura lang!"

"Gaya nga po ng ano?"

"Uhmmm.... Lugaw ni long hair!"

"Ano po yun?"

"Lugaw yun sa Kalentong, sa tabi ng Marketplace"

"Ano pa po?"

"Madami pa Hija, ihaw ihaw sa tawiran ng bangka sa poblacion makati papuntang Hulo, sobrang sarap ng BBQ doon at mga lamang loob!"

"Totoo po? Parang na-try ko na yun."

"Tsaka yung Palabok sa Tonang's! Tsaka yung Siomai sa tapat ng dati kong school sa Taguig. Tapos dati pagkatapos namin maginom ng mga kaibigan ko trip namin yung Java rice malapit sa bahay ng isa kong kabarkada, masarap talaga. may libre pang sopas."

"Grabe mukha nga pong masarap ha"

"Oo kaso malabo ko na ulit matikman dahil bawal na ko, tsaka wala na kong time masyado akong busy"

"Ah... Oo nga po pala, ano bang pinagkakaabahalan niyo ngayon?"

"Nakalimutan mo na agad Hija??? May sinusulat akong libro na base sa buhay ko, yung hindi ko matapos tapos? Tanda mo?"

"Ah Oo nga po pala. Pwede niyo po ba ikwento yung natapos niyo na?"

"Pwede naman Hija, pero gaya nga ng sabi ko, hindi pa 'to tapos"

"Okay lang po!"

"Sandali Hija, iinom lang ako ng gamot. Gusto mo pa ng kape? ikukuha kita."

"Hindi na po, salamat"

"Okay sandali lang ha"

// Makalipas ang ilang, minuto pagtapos kong uminom ng gamot at magtimpla ulit ng kape, nakita ko si Abby na tahimik at nakatingin lang sa akin. //

"Anong meron Abby? Bigla atang nagiba ang mood mo"

"Hindi naman po, medyo kinakabahan lang po ako sa storya niyo"

"Huwag kang kabahan Hija, lahat ng naisulat ko sa kwento ay pinaghalo kong imahinasyon at nangyari sa buhay ko, ikaw nalang ang pumili kung ano ang paniniwalaan mo"

"Okay po"

"Sa totoo lang wala naman naniniwala sa kwento ko eh, kung sakali ikaw palang"

"Bakit naman po?"

"Hindi ko din alam Hija, ikaw nalang ang humusga"

"Sige po

// Tinignan ko si Abby mula sa bibig niya papunta sa kanyang mata, mga ilang segundong katahimikan. Yung ika-lima niyang hinga ang hudyat ko para magumpisa //

~~~

// Tandang tanda ko pa kung paano ako nabighani kay Rea mula sa likod mapalit sa mga basurahan ng classroom namin. Malambot na buhok na hanggang balikat lang, kung paano ito bumabagsak at dumadampi sa pisngi niya, at kung paano niya rin ito marahang isabit sa tenga niya. Wala pang apat na segundo pag nasusulyapan ko ang singkit niyang mata pag lumilingon siya sa likod para tignan ang mga nagrerecite namin na ka-klase. Tanda ko din ang matamis niyang ngiti at nakakaakit na pagpigil ng tawa pag may nagjojoke sa mga kaklase namen. Mabilis akong nahulog kay Rea. //

"Hi classmate! Alam mo ba kung saan yung Canteen?"

// Nagdalawang isip akong sumagot, baka kasi mapahiya ako. Bakit naman ako ang tatanungin ni Rea? Pero inulit niya ang tanong. //

"Classmate!"

"Ako?"

"Oo ikaw, alam mo kung saan yung canteen?"

"Oo... ata." Nahihiya kong sagot

"Samahan mo naman ako, hindi ko kasi alam kung saan yung canteen tsaka hindi ako sanay kumain magisa"

// Seryoso ba 'tong babaeng 'to? Hindi ko papalampasin 'to. //

"Sige samahan na kita"

"Yehey! Thank you. Ano nga pala name mo?"

"Jay.."

"Ako nga pala si Rea"

"alam ko.." pabulong kong sagot

"ha?"

"wala, nice meeting you kako"

// Tahimik lang akong tao, hindi kita kakausapin kung hindi mo ko kakausapin. Mas madalas ko pang kausap sarili ko. Mahiyain ako, madalas magisa lang ako, nasa bahay, naglalaro ng video games oh di kaya naman ay nanonood ng Anime. Sa totoo lang, weakness ko ang tulad ni Rea. Maingay, makulit, walang arte sa katawan, at higit sa lahat... singkit. //

// Simula noong unang yaya niya sa akin sa canteen sabay na kami lagi kumain, Sabay pumasok sa mga subjects namin, sabay umuwi, magkasamang gumagawa ng assignment, nagrereview sa library, sabay gumagawa ng mga project, sabay lahat. Sa bawat free time namin sa school madalas kaming tambay sa walls ng Intramuros at nagku-kwentuhan lang. Madaldal si Rea at maraming kwento. Saktong sakto sa ugali kong tipid sa laway at mas gustong nakikinig lang. //

// Umabot kami ni Rea ng 3rd year na laging magkasama, halos lahat nagsasabi na kami na daw. Pero ang totoo, hindi. Dalawang rason, Takot ako sa rejection at hindi ako marunong mag 1st move. Pero umpisa palang, 1st day ng klase palang, unang kita ko palang sa kanya. Alam ko na sa sarili kong gusto ko siya. Hanggang sa lagi na nga kaming magkasama, napamahal na ko sa kanya. Pero hanggang doon lang ako, hanggang titig lang sa mukha niya habang masaya siyang nagkukwento ng kung ano anong nangyari sa araw niya. Pag badtrip siya sa isang prof, pag nagaway sila ng tatay niya, pag malungkot siya, pag masaya siya, pag nababaliw siya isang beses sa isang buwan dahil sa paiba iba ng mood, lahat kinukwento sa akin ni Rea. Samantalang ako, Tahimik ko lang siyang minamahal habang nakikinig sa mga kwento niya. Nagbago lang ang lahat ng isang beses niya akong biniro habang nakaupo kami sa walls ng Intramuros at nakatingin sa malaking orasan ng munisipyo. //

"Jay, hindi ka ba nagsasawa?"

// Nagulat ako at kinabahan sa tanong ni Rea.. //

"Nagsasawa saan?"

"Sa ganito, sa kung anong meron lang tayo."

"Hindi, bakit naman ako magsasawa?"

"Wala naman Jay, para kasing..."

"Parang ano?"

"Tulungan na kita" sabi ni Rea

"Ha?"

"Mahal mo ko diba?"

// Literal na parang may dumaan na malamig na hangin mula sa tenga ko papunta sa batok ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. //

"Rea..."

"Ano ba naman yan Jay, isa pa. Mahal mo ba ko?"

"Oo Rea, mahal kita" Mahina at takot kong sagot

// May biglang mabilis na halik na dumapo sa noo ko, Tangina! Baligtad. Hanggang dito ba naman olats ako? Nagipon ako ng lakas ng loob, tinitigan ko siya sa mata, hinawakan sa leeg at hinalikan sa labi. Inulit ko yung sinabi ko... //

"Mahal kita Rea, Noon pa"

~~~

// Batid ko ang nagtatagong ngiti sa mga labi ni Rea kasabay ng malungkot na mata, Hindi ko na talaga maintindihan ang maga kabataan ngayon //

"Ang saya naman po pala ng umpisa ng love life niyo"

"Sobrang saya Hija, Iba pa ang ligawan noon. Hindi tulad ngayon"

"Oo nga po eh, ibang iba na ngayon, ano na pong nangyari pagkatapos?"

~~

// Hindi perpekto kung ano ang relasyon namen ni Rea, Pero masasabi kong totoong mahal namin ang isa't isa. Hindi ko kasi inexpect na magiging mas mahirap sa amin na nanggaling kami sa pagiging mag kaibigan. Dalawang bagay pala ang epekto 'non, una sobrang kumportable niyo sa isa't isa na tipong minsan eh nakakalimutan niyong hindi lang kayo magkaibigan. At syempre yung magandang part eh dahil nga sa magkaibigan kami bago naging kami, madalas masaya. Pero dumating ang unang dagok sa relasyon namin, Nabuntis ko si Rea.

Blessing sa blessing Oo, pero sa katulad namin na hindi pa handa, sobrang hirap. Si Rea lang ang may trabaho 'non. Ako tambay palang, hindi ko alam kung paano haharap sa magulang niya at kung ano ang isasagot ko sa mga magiging tanong nila tulad nalang na kung ano ang ipapakain ko sa mag-ina ko.

Magulo ang isip namin ni Rea, pero ni minsan hindi pumasok sa isip namin na ipalaglag ang bata. Oo mahirap, pero kakayanin. Walang solusyon sa ngayon pero hindi namin susukuan. Kakayanin namin ng magkasama, walang iwanan. //

"Jay, anong plano mo?"

"gagawa ako ng paraan, malalampasan naten 'to"

"ano nga Jay? anong plano mo? sabihin mo sa akin kung anong plano mo, bigyan mo ko ng kahit anong naiisip mong plano. Kailangan ko yun, please"

// Sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay Rea pero alam ko kailangan kong sumagot para gumaan ang loob niya, kailangan kong magbigay ng solusyon oh plano para sa magiging pamilya namin. //

"kung magaabroad ako Rea, papayag ka ba?"

// Hindi sumagot si Rea, umiyak lang ito at niyakap ako. Noong mga oras na 'yon, abroad lang ang tanging solusyon na naiisip ko. Alam kong hindi madali pero para sa magiging pamilya ko kakayanin ko. //



~~~



"Nag abroad po kayo? Sa anong bansa po?"

"Oo Hija, sa Korea. Machince Operator ako noon, wala talaga akong choice. Kailangan kong kumita ng malaking pera para sa mag-ina ko.

"Pero paano po si Rea? Pumayag po ba siya? hindi po madaling magbuntis ng magisa."

"Alam ko yun Hija pero kailangan eh, walang ibang sinabi si Rea sa akin. Siguro kasi naiisip din niya na 'yun lang ang tanging solusyon para guminhawa ang buhay namin."

"Naiintindihan ko po kayo, pero nagtataka lang din po ako. Wala naman po kasi akong narinig na may asawa kayo at anak."

"....."

"Kung ayaw niyo po ikwento maiintindihan ko"

"Hindi sa ayaw ko ikwento, Ito kasi yung parte ng storya na hindi ko alam kung panano tatapusin. Pero sige, ikukwento ko narin sayo"


~~~


// Hindi naging madali ang lahat, halos dalawang taon kaming magkalayo ni Rea, Hirap ako sa trabaho ko sa Korea at hirap din siya sa pagiisa sa pinas. Naiintindihan ko kung gaano kahirap magbuntis ng walang katuwang at walang kasama. Kung paano nanganak si Rea ng wala ako, yung mga unang gabi na kasama niya ang anak ko at siya lang magisa. Lahat ng hirap ni Rea naiintindihan ko.

Pero masakit din sa akin ang lahat, hindi naman ako nag-abroad para mag lakwatsa. Masakit sa akin na wala ako sa tabi niya kung kailangan niya ko. Masakit sa akin na hindi ko man lang siya mayakap kung kailangan niya ng yakap ko. Ni hindi ko nahawakan ang kamay niya habang nasa delivery room siya. Hindi ko nakita ang unang ngiti at iyak ng anak ko. Hindi ako ang unang naka karga sa anak ko. Mahirap, malungkot at masakit. Pareho kaming nahihirapan kapalit ng magandang buhay para sa pamilya ko.

Lumipas ang isang taon pagkatapos manganak ni Rea, nagdesisyon akong umuwi ng Pinas. Mababaliw ako sa lungkot kung hindi ko makiktia ang mag-ina ko. Sabi ko sa sarili ko may naipon naman na kong kaunti pwede ko na iyon ipang tayo ng negosyo at maghanap ng ibang trabaho. Hindi ko sinabihan si Rea na uuwi ako ng pinas, gusto ko siyang surpresahin.

Lahat na ata ng pwede kong maramdaman ng mga oras na 'yon naramdaman ko na, excitement, kaba, saya at takot dahil sa magiging panibagong yugto ng buhay namin. Hindi ko alam, hindi ko kayang maipaliwanag kung anong pakiramdam ang meron ako. Gustong gusto ko nang yakapin ang mag-ina ko. Dumerecho kagad ako sa bahay namin, tanda ko parin kung saan nakalagay ang extra naming susi na nasa ilalim ng paso na malapit sa pintuan ng bahay.

Hindi ko na nga ipinasok yung mga bagahe ko sa sobrang saya ko, dahan dahan ako sa loob ng bahay namin, pasilip silip sa bawat kanto kung nasaan ang asawa ko. Habang papalapit ako sa hagdan unti unti akong nakakarinig ng mahinang iyak ng bata. Ang sarap sa pakiramdam, alam kong anak ko 'yun. Iyak ng anak ko yun. Sa wakas mayayakap at makakarga ko na ang anak ko, sulit lahat ng pagod at paghihirap ko sa abroad.

Dahan dahan akong humakbang sa hagdan naming kahoy, Unang pinto sa kanan ang kwarto namin ng asawa ko at doon din nanggagaling ang iyak ng anak ko. Nakita kong hindi nakasarado ng husto ang pinto ng kwarto namin kaya dahan dahan akong sumilip para malaman kung paano ko susurpresahin si Rea. Tipong bigla ko ba siyang yayakapin? Hahalikan? bubulungan ng I love you?

Kaso bigla akong may narinig na matining na tunog na dumaan sa kanang sintido ko at lumabas sa kaliwa. Kasabay ng nakikita ng mata ko eh tila mabagal ang pagsunod ng tunog. Sa sahig ay mga damit na nagkalat, sa kaliwa ay ang crib nang anak kong may kung ano anong laruan na nakasabit at tumutunog habang siya ay umiiyak, sa kama naman ay isang lalaking nakatalikod habang ang asawa ko naman ay halos hindi magkanda ugaga sa sarap na nararamdaman niya bawat kayod ng lalaking hindi ko kilala.

Kitang kita ko kung paano humampas sa pader ang pisngi ni Rea sa bawat pwersa ng tulak ng lalaki. Hawak ng tarantado ang buhok ng asawa ko na tila isa siyang hinete ng kabayo. Naglalaban sa loob ng kwarto naming magasawa ang iyak ng anak ko at ungol niya. Nasa langit ang dalawa. Ito pala yung mga oras na lahat ng demonyo lalapit sayo, yung tipong biglang wala kang maririnig, biglang nakakabingi ang katahimikan, parang kusang gagalaw ang katawan mo at mawawalan ka ng kontrol sa sarili. Parang hihiwalay ang kaluluwa sa katawan.

Lumulutang ako sa ere habang nakikita ko ang anak kong umiiyak, ang asawa kong kinakangkang at ang sarili kong nakatayo malapit sa pinto at hindi gumagalaw.

Nagbago lang ang lahat ng tila bigla akong nagising habang natutulog ng hindi nakapikit. Wala akong naririnig, walang ungol ng asawa ko at walang iyak ng anak ko. Nakita ko ang bakal na candleholder sa isang kanto ng kwarto namin, agad ko itong kinuha at inihampas sa ulo ng lalaki. Isang hampas lang ang kinailangan para mawalan ng malay ang lalaki, lalong nagdilim ang paningin ko ng namukaan ko na kaabigan ko ang kumakangkang sa mahal ko. Nagulat si Rea sa nakita niya nang lumingon sa akin.

"Jay....?"

Hindi ko pinansin ang asawa ko, patuloy kong hinampas sa ulo ang kaibigan ko, paulit ulit na hampas sa ulo. Kahit wala na 'tong malay ay hindi ko parin tinigilan ang paghampas sa ulo niyang halos nagtatalsikan ang dugo at utak. Kada hampas ko sa ulo niya ay tila anong sarap ang nadudulot nito sa pagkatao ko. Nakita ko ang asawa kong hubo't hubad na tila tatakas sa kung ano mang kasalanang meron siya.

Hinabol ko si Rea, halos makalabas na siya ng pinto pero nahablot ko ang buhok niya at kinaldkad siya pabalik sa kama, ang sarap sa mata makitang magkatabi ang kaibigan ko at asawa kong nakabuhad. Hinampas ko sa paa ang asawa ko para hindi na sya muling makatakbo, Apat na magkakaasunod na hampas.

"Jay maawa ka saken Jay, maawa ka sa amin ng anak mo"

Pinagmamasdaan ko ang hubad na asawa ko at ang kaibigan kong durog na ang mukha. Habang nagmamakaawa si Rea ay lalo namang lumalakas ang iyak nag anak namen. Hawak ko sa buhok ang mahal ko, nakatitig ako sa maganda niyang mukha habang hinahaplos ang malambot niyang pisngi.

"Maawa ka saken Jay. maawa ka sa amin ng anak mo..."

Paulit ulit na sinasabi ni Rea habang nagsasagutan sila ng iyak ng anak ko

"Rea, bakit mo nagawa sa akin 'to?"

"Patawarin mo ko Jay, hindi ko sinasadya maawa ka samen Jay maaawa ka"

"Bakit mo nagawa sa akin 'to?"

"Jay maawa ka please maawa ka, parang awa mo na"

"BAKIT MO NAGAWA SA AKIN 'TO REA SAGOT!!!!!!!!!!!!"

Nagflashback ang lahat, lahat ng alaala naming dalawa simula 1st yr college. lahat ng masasaya at malulungkot, lahat lahat. Wala akong marinig, nakikita kong may sinasabi si Rea pero wala na kong marinig. hawak ko parin sa buhok si Rea, kinaladkad ko ito papunta sa uluhan ng aming kama. Gamit ang kanang kamay ko na nakasabunot sa buhok ni Rea, buong lakas kong inihampas sa pader ang ulo niya. Isang hampas na halos narinig kong nawasak ang bungo ng mahal ko, pero hindi paren ako tumigil. Patuloy kong hinampas sa pader ang ulo ng mahal ko sa kung saan siya kanina nakaharap habang nagpapasarap kasama ng kaibigan ko--Kaparehong pwesto. Halos maligo ako sa dugo ni Rea habang nagtatalsikan ito mula sa ulo niyang walang tigil kong hinahampas sa pader.

Hindi ko na makilala ang mukha ng mahal ko, Basag ang bungo at halos labas na ang buong utak. Napatigil ako at napaupo sa kama, unti-unti kong narinig ang kanina pang malakas na iyak ng anak namin ni Rea na nasa Crib. Dahan dahan kong nilapitan ang anak ko, tinitigan ko ito at muli kong naalala ang ganda ng mahal kong si Rea na ngayon ay wasak na ang mukha. Patuloy parin ang pagiyak ng anak ko. Nakakabingi, nakakainis, nakaka tuliro, nakakalito, hindi ko alam ang gagawin, kinuha ko ang unan sa kama na puno ng dugo ng asawa ko. Nakahawak ang kaliwa kong kamay sa pisngi ng aking anak, dahan dahan itong hinahaplos at habang unti unti ding napapasa ang dugo sa kamay ko papunta sa mukha niya. Habang sa kanang kamay ko naman ay hawak ko ang isang unan na puno ng dugo at nagaantay sa utos ni satanas. //

~~~

"Okay ka lang ba Hija?"

"....."

"Masyado ka atang nabigla sa kinahantungan ng storya"

"....."

"Hija, 'wag kang magalala, kung apektado kay ay ibig sabihin lang niyan ay magaling akong manunulat"

"....."

"Alam mo Hija? Yung sa dulo ang problema ko, lahat ng nangyari sa amin ng mahal ko ay tandang tanda ko. Maliban lang sa dulo, hindi ko matandaan kung anong nangyari sa anak namin."

"...."

"Hindi ko alam kung pinatay ko din ba siya, basta may hawak akong unan 'non at alam kong sinasabi ng utak ko na takpan ko ang bibig ng bata para hindi makahinga"

"Hindi niyo ho tinakpan..."

"Ha?"

"Hindi niyo po pinatay ang bata...."

"Anong sinasabi mo Hija? Anong alam mo?"

"Tumawag kayo ng pulis"

"Ako tatawag ng pulis? Bakit?"

"Tumawag ka ng pulis, sinabi mo na pinatay mo ang asawa mo at ang matalik mong kaibigan"

"Hindi kita maintindihan Hija, Paanong....?"

"Base sa report ng pulis labing siyam na taon na ang nakakaraan, nadatnan ka nilang nakaupo at nakasandal sa kama kung saan naka handusay ang mga katawan ng pinatay mo"


"....."


"Nakaupo ka habang nagaantay sa pagdating ng mga pulis, kalong kalong mo 'ko, pinapatahan sa pag iyak,habang pareho tayong naliligo sa dugo ni nanay"
 
Last edited:
Back
Top Bottom