Sypnosis:
Naranasan mo na ba ma-transfer sa ibang school? Iyong tipong isang taon na lang ga-gradweyt ka na ng highschool, kaso kinailagan mo lumipat ng ibang eskuwelahan? Tapos iyong feeling na bago ang lahat ng umiikot sa paligid mo? Bagong classroom, bagong library, bagong uniform, bagong I.D., bagong desk, bagong canteen, Faculty, computer room, C.R., bagong gym? Higit sa lahat, bagong mukha, ngiti, luha, iyak o tawa na sasalubong sayo? Paano ka mag-aadjust kung wala kang kakilala ni isa sa mga estudyante, teacher o staff ng eskuwelahan?
Meet Maria Mayumi Santos, may simple at medyo corny na pangarap, ang maimpluwensiyahan ang mga taong nakapaligid sa kaniya in a good and positive way. Ang kaso, sa hindi inaasahang pangyayari, kinailangan niyang magtansfer sa ibang school. Sa lugar na wala siyang kaibigan, walang kakilala. Paano niya matutupad ang pangarap nito, kung sa unang araw palang niya sa bago nitong school ay sandamakmak na bully na ang inabot nito sa kamay ng mga kaklase niya? Humalo pa sa kaniyang sitwasyon ang pagkapasok niya sa St. Gregory, ang section kung saan pinagsama-sama ang lahat ng mga delingkuwenteng estudyante. Idagdag pa ang sikreto nito na kapag nabunyag, ay sigurandong mala atomic bomb na sasabog at siguradong magiging dahilan para iwasan siya ng mga tao.
Prologue: Mayu
“Yaaawnnnn~~~~~” Mag-iisang buwan pa lang simula nung mag-umpisa ang klase, pero bakit pakiramdam ko mahigit isang taon na ako sa fourth year highschool. “Ang boring!”
“Mayumi?”
Minsan, naiisip ko na parang aksaya lang sa oras at panahon ang eskuwela. Sabi nila, experience is the best teacher, kung ganon, bakit kailangan pa natin mag-aral? Kung puwede naman lumusob kaagad sa larangan ng buhay. Matuto habang humihinga at nilalasap ang bawat sandali ng buhay ng walang ginagawang assignment o sinasagot na test papers. For example, masosolve ba nang Algebra ang problema sa puso? Paano ako matutulungan ng Pythagorean Theorem sa paghahanap ng mga kaibigan? Alam ko importante at magagamit sa pang-araw-araw na buhay ang Scientific Method, pero paano ako matutulungan nito kung hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa ulit pagkatapos mabigo?
“Hayyy…” Nagpakawala ako ng mahabang buntong hininga, kasabay ang pagbagsak ng aking ulo sa lamesa. Mag-iisang oras na ako dito sa loob ng Jollibee, pero ewan ko ba, kahit nasimot ko na ang bawat butil ng french fries at nasayad ko na ang lamang softdrinks ng baso, tamad na tamad pakong umuwi. “Mag-aalas-siyete na, ano kaya ang ulam sa bahay?”
“Ma-ria Ma-yu-mi San-tos?!”
“Huh?” Natigilan ako sa pagmumuni-muni at sinundan ang boses na tumatawag sa akin.
“Mayu!” Bigla nitong yakap sa akin, napatayo tuloy ako sa kina-uupuan ko dahil sa gulat. “Kamusta ka na?!”
Kumawala siya sa pagkakayapos sa akin, nagnining-ning ang mga mata nito, iyong tipong habang naglalakad ka ay bigla kang nakakita ng isang-libong piso sa daan. Sabik na sabik at kitang-kita sa expression ng mukha niya ang pagiging excited.
“Ri-Rizelle?” Tanong ko sa kaniya, kasabay ang pagtagilid ng bahagya sa aking ulo, kinikilatis ng mahigi kung siya nga ba talaga ang Rizelle na kakilala ko na mahigit limang taon ko nang hindi nakikita.
“Yep!” Hinawakan niya ako sa magkabilaang kamay, lagpas tenga ang guhit ng ngiti nito sa kaniyang labi. “Kamusta na?!”
“Wooow! Pumayat ka at pumuti!” Hinaplos ko ang pisngi nito, kasabay ang mahinang pagtapik, na agad sinundan ng paulit-ulit na mahihinang kurot. “Namagkano ka?”
“Namagkano?” Pagtataka niya.
“Sa pagpaparetoke.”
“Retoke? Sira ulo!” Isang malakas na batok ang sinagot niya sa tanong ko, dahilan para mabaling ang tingin ko sa malulusog nitong dibdib.
“Wooow! Rizelle!” Mabilisan kong dinakma ang dibdib niya, nilapirot ng ilang beses bago ko tuluyang pinaglaruan. “Ang laki siguro ng ginastos mo!”
“HUH?! MAYU?!” Napatayo siya at agaran niyang tinapik ang mga kamay ko na busy parin sa paglulumikot sa hinaharap nito. Tumalikod siya sa akin, nagpamewang at nagpakawala ng buntong-hininga. “Hayyy…hindi ka pa rin nagbabago.”
“AH!” Dumikit ang mga mata ko sa kurba ng katawan niya na maihahalintulad sa bote ng softdrinks, pababa sa tila pares na lobo nitong puwet, na agaran din sinakmal ng aking mga kamay. “Whoaaa! Pati ito Pinaayos mo!”
“AHHH!” Gulantang niya, na tinernuan ng talon sa pusturang parang nakuryente. Isang malutong na suntok ang lumapag sa bunbunan ko pagkatapos! Kasabay ang pag-hila niya sa akin palabas ng nasabing fast food restaurant. “Ano ka ba?! Pinagtitinginan na tayo! Alam mo sana yung nakakahiya!”
“Pero ang laki ng pinagbago mo Rizelle.” Nilapit ko ng husto ang mukha ko sa kaniya, ilang centimetro lang ang layo, amoy na amoy tuloy ang matamis na pabango nito. Umatras siya at niyakap ang sarili, sa paraang parang nahihiya. Nag-umpisa pa siyang mamula. “Pumayat ka, pumuti, kuminis ang balat at sumeksi. Tapos, ang laki ng su---“
“STOP IT!” Biglang palahaw nito, habang tinatakpan ang magkabilaang tenga, lalo tuloy siyang nakahatak ng mga panibagong mata na nakiki-isyoso sa amin.
“Kurt?” Baling ko ng tingin sa grupo ng mga lalake na nasa likuran ni Rizelle, na saktong naglalakad palayo, at kung hindi ako nagkakamali, patungo sila sa likod ng isang abandonadong warehouse.
“Mayu?” Sabat ni Rizelle, lutang sa mukha ang pagtataka. “Bakit natulala ka na lang bigla, anong nangyari?”
“Rizelle, alis na ako. May gagawin pa ako! Bye bye!” Simula kong pagtakbo palayo sa kaniya habang sinusundan ng tingin si Kurt at ang mga kasama nito.
“Teka Mayu!”
Tumigil ako saglit at nilingon si Rizelle, na noo’y sumusunod sa akin. Nginitian ko siya na siyang nagpamakopa sa kaniyang mukha. “Gumanda ka Riz!, next time kuwentuhan mo ako sa salamat doc adventure mo!”
“SIRA ULO!” Muling sigaw niya, sinubukan pa akong batuin nito, pero hindi ko na siya pinansin, bagkus itinuon ko ang aking atensiyon sa paghabol kila Kurt. Hindi ko alam kung bakit, pero may masama akong kutob. May parte sa isip ko na nag-uudyok sa akin na kailangan ko silang sundan, may hula akong may hindi na magandang mangyayari.
Narating ko ang abandonadong warehouse, sakto lang para masilip ko ang nasa loob. Walang duda, si Kurt Limput nga ang isa sa kanila, na isa sa mga kaklase ko. Sa bilang ko, walo silang lahat, plus ang kamag-aral ko, pero anong ginagawa nila? Nakapaikot sa kaniya ang mga kasama nitong lalake, na sa tingin ko ay tila formation sa isang rambol. Ilang segundo ang lumipas ng walang nangyayari, nakatayo lamang silang lahat, nakikipag-patagalan ng titig kay Kurt, nang bigla nalamang sumugod yung isa sa mga lalake at sinuntok sa likuran si Kurt! Na agad naman sinundan nung isa pa ng tadyak sa sikmura, dahilan para mapaluhod si Kurt, sapo-sapo ang tiyan!
“Masama ‘to.” Bulong ko sa aking sarili, hindi ko tuloy maiwasang mapangisi. “Tignan nga natin kung totoo iyong tsismis na kaya mo magpatumba ng sampu kahit mag-isa ka lang.”
Bago lang ako sa eskuwelahang pinapasukan ko, nag-transfer ako dalawang linggo pagkatapos mag-umpisa ang panibagong school year, kaya ganon na lang ako ka clueless pagdating sa nasabing bagong paaralan. Zero knowledge ako tungkol sa mga estudyante nito, lalo na sa mga kaklase ko. Dahil sa puno na halos lahat ng section, sa St. Gregory ako pinatapon. Sapagkat bago lang ako dito, napagpasyahan kong gumawa ng iilan-ilang research ukol sa sa section na ito, at ayon sa mga tsismis na nasagap ko, may reputasyon ang klase na ito bilang pinaka-lowest na section sa buong fourth year level. Ayon pa sa kuro-kuro, dito pinagsasama-sama ang lahat ng mga fourth year student na may problema sa akademikal at pag-uugali. May mga bali-balita pa na bawat taon, hindi lalagpas sa limang teacher ang nag-reresign dahil sa natatamo nilang torture sa section na ito, mapa-physical man o emotional. Hindi rin matatapos ang isang buong taon na walang nababaldadong estudyante, gawa ng St. Gregory class. Ang klase rin ito ang may hawak sa pinakamaraming record na estudyanteng napatalsik dahil sa iba’t-ibang dahilan, magmula sa pakikipag-away sa kapwa mag-aaral, pagbastos sa mga guro, pagnanakaw sa eskuwelahan, paglabag sa alituntunin ng paaralan, hanggang sa mga maliliit na bagay na kapag nagpatong-patong ay lilikha ng malaking penalty na sapat para ma-expelled. Kagaya ng pagdaya sa exam, pag-absent, paninigarilyo at pag-inom ng alak sa loob ng campus o mga madalas na late. Natatandaan ko pa nung unang araw ko sa section na ito, doon ko narealize na ang lahat ng mga narinig at nakalap kong tsismis paukol sa kanila ay doble sa pagiging totoo, in short, lahat ng mga kaklase ko ay patapon ang buhay. Mga delingkuwente. Lahat ay maituturing na siga, mapababae man o lalake. Lahat ay abala sa kaniya-kaniyang pagiging papansin at pabida, saan man sulok ako tumingin sa loob ng bago kong classroom.
“Iyan ba ang sinasabi nilang genius sa away?” Usal ko, habang pinapanood kung paano lamugin ng mga grupo ng kalalakian si Kurt. Sa pagkakataong ito, nakahalik na ang mukha niya sa sahig, habang sabay-sabay siyang pinagtatadiyakan. Ang isa sa mga ito ay itinayo siya sa pamamagitan ng pagsabunot sa kaniya, na agad namang sinundan ng isang uppercut na muling nagpabalibag sa kaniya sa lupa.
Si Kurt ang kauna-unahang bumati sa akin pagdating ko sa St. Gregory, sa gagong paraan nga lang. Ayon sa mga nasagap kong balita, isa siya sa mga estudyanteng iniiwasan ng mga guro. Labas-pasok ito sa loob ng principal’s office, kung hindi lang daw dahil sa tatay niya, na titser din sa eskuwelahan, matagal na siyang buminggo at na-expelled. Marami siyang kaaway sa kabilang klase, sa dahilan nang pagiging hambog at mayabang nito. May isang pangyayari din ang muntik na nagpakulong sa kaniya, ayon sa tsismis, nakipag-away siya sa kabilang school, at ang malupit sa scoop ng balita, mag-isa lang daw siya laban sa lagpas sa sampu, na madali niyang di-umano napabagsak, at muntikan pa niyang mapatay sa bugbog ang isa sa kanila.
+++++++++
“Class! Please quiet!” hampas sa mesa ng Adviser namin, na siyang nagpatahimik sa loob ng silid-aralan na animoy dinaig pa ang loob ng sabungan sa sobrang ingay at gulo. Sabay-sabay na lumanding ang bawat pares ng mga mata nila sa akin. “This lady here, right beside me, is Maria Mayumi Santos, bago niyong classmate. Kaka-transfer lang niya. Say hello to her.”
Samu’t-sari ang naging reaksiyon nila, may mga sumipol, ang iba ay naulingan ko pang naghuhulaan kung ano ang vital statistics ko, may mga sumigaw at pumalakpak, habang ang iba naman ay nakatitig lang sa akin, na pakiramdam ko ay mahahati ako sa dalawa sa talim nilang makatingin. Namataan ko pa ang iba na nagbubulungan, kasunod ang hagikgik nilang nakakaloko.
“Dito ka na umupo.” Bungad ng isa sa kanila, habang tinuturo ang bakanteng upuan sa tabi niya. Sa ayos ng pananamit at hitsura nito, mapagkakamalan mo siyang mastermind sa mga nagaganap na holdapan sa mga bus at jeep. Hindi ko alam kug anong trip niya, pero masagwa sa mata ang kulay abo nitong spike na buhok. Hindi rin cool ang mga hikaw nito sa tenga na kasinlaki ng doorknob, at ang porma nitong maihahalintulad sa mga banda na ang tinutugtog ay punk-rock.
“Right, sige Mayumi.” Bahagyang tulak ng nasabing Adviser namin sa likod ko. “Doon ka na sa tabi ni Kurt.”
Tinungo ko ang tinuturo nitong upuan, at nagpasalamat kay Kurt. Subalit nang paupo na ako, bigla nalang niyang hinila ang silya, sanhi para masaldak at humalik ang puwet ko sa sahig. Sumabog sa tawa ang buong klase, naiwan akong nakatitig kay Kurt, iniisip kung paano ko pipilipitin ang leeg nito nang hindi ito mamamatay. Naging Kalbaryo ang mga sumunod na araw ko dahil kay Kurt. May pagkakataon na nilagyan niya ng chewing gum ang upuan ko, napabili tuloy ako ng bagong uniform dahil ayaw ng matanggal ang nakakapit na bubblegum. May isang araw naman na hinagisan niya ako ng uod, nag-halfday tuloy ako ng wala sa oras dahil namaga ang buong katawan ko. Hindi ko rin makakalimutan yung minsan na sinabutahe niya ang merienda ko nung recess, nilagyan niya ng bulate, buti nalang napansin ko kaagad, kundi siguradong hindi ko na mapipigilan ang sarili ko na pagbuhulin ang small at large intestine niya.
+++++++++
Hindi na makilala ang mukha ni Kurt, maliban sa nagkulay talong na ito, naliligo na rin ito sa sariling dugo. Wala namang tigil sa pagbugbog ang mga lalakeng nakapalibot sa kaniya, ang iba ay dinuduraan siya habang lumalagapak sa tawa. Isa lang ang nakakapagtaka at kanina pa gumugulo sa isip ko, kahit na gaano pa siya kabano sa pakikipagsuntukan, imposible naman wala siyang matatamaan maski isa sa dami ng kaaway niya. Pero ni isang suntok o sipa ay wala siyang pinapakawalan, hindi siya gumaganti!
“Nasaan na tapang mo kanina bata?!” muli nilang itinayo si Kurt, hinawakan siya ng dalawang lalake, habang binabatukan naman siya ng isa. “Ang lakas ng loob mong hamunin kami?! Lampa ka naman pala!”
Isang suntok sa sikmura ang nagpaluhod muli kay Kurt, kasunod ang isang sipa sa mukha na nagpabalibag sa kaniya ng ilang dipa. Pinagduduraan siya ulit bago siya tuluyang iwan ng grupo ng mga kalalakihan. Nasulyapan ko ang isa sa kanila na may binitawan na isang tuta, na agad namang kumaripas ng takbo palapit kay Kurt. Hirap man at halatang nanghihina dahil sa mga sugat at pasang natamo, sinikap nitong abutin at yakapin ang tuta, pinagdidilaan naman siya ng aso sa mukha.
“Dahil ba diyan kaya hindi ka lumaban?” Nagdadalawang isip man, lumabas ako mula sa aking pinagtataguan at lumapit sa kaniya.
“Hmn?” bakas sa mukha nito ang pagkagulat, humawak siya sa isang poste malapit sa kaniya at binuhat ang sarili upang makatayo. “A-anong ginagawa mo dito?”
“Tsk! Akala ko ba siga ka?” Hihimasin ko sana sa ulo ang tuta, ngunit mabilis niya itong nilayo sa akin. Nagsalubong tuloy ang kilay ko katerno sa paglobo ng aking pisngi. “Ang damot mo naman! Parang hahawakan lang!”
Hindi siya umimik, bagkus tumalikod ito at nagsimulang naglakad palayo ng paika-ika.
“Teka!” Habol ko sa kaniya, kasabay ang pagkalkal ko sa aking bag. “Gamutin natin ang mga sugat mo.”
Kagaya sa kanina, hindi siya sumagot, nagpatuloy lang ito sa paglalakad.
“Teka sabi!” Hinarangan ko siya bago paman ito makalabas ng bodega, kasunod ang pag-abot ko ng tatlong piraso ng Band-Aid. “Ito lang meron ako, sana makatulong.”
Tinitigan niya ako, matagal, sa tantiya ko lagpas isang minuto din iyon. Nginitian ko siya, kasabay ang paglagay ng mga Band-Aid sa bulsa ng polo niya nang hindi niya ito kinukuha. Sinubukan ko siyang akayin, ngunit tinabig niya lang aking kamay. Nagsimula ulit siyang tumulak palabas ng bodega, kabuntot ako.
“Pwede ba.” Mahinang sambit niya, kasabay ang pagsibat ulit nito ng tingin sa akin, pero sa pagkakataong ito, ramdam ko ang lamig sa bigat ng titig niyang iyon, matalas at seryoso, na agad ko namang naunawaan.
“O sige na nga, bye-bye na!” Pagbitaw ko ng peace sign sa kaniya, bago ko siya tuluyang iniwan at tumulak palayo sa abandonadong bodega. Habang naglalakad, bigla nalang pumasok sa isip ko yung matamis na ngiti niya kanina, pagkatapos nitong agkan at yakapin ang tuta. Hindi ko din tuloy maiwasang mapangiti. “Mabait ka naman pala.” Bulong ko sa aking sarilili, kasabay ang pagbato ng tingin sa direksiyon kung saan nakatayo ang bago kong eskuwelahan. “Mukhang mag-eenjoy ako sa St. Gregory.”
………… つづく
Pasuporta sa wattpad version niya mga kapatid, Tin'eijā Dātsubaggu,Thanks!
Last edited: