Re: Kuya PaBug Naman Po, Please? (Teka, Love Story 'to!) (30/07/2013)
Part 26: "Fading Fireworks"
Panandaliang natigil ang kasiyahan sa enteblado. Na-udlot ng ilang sandali ang pagtatanghal muli sana ng grupo ni Mister Taiwanese. Lahat kasi ng mga mata ay lumanding kay Bakulaw, na kasalukuyang ini-escort ng mga guwardia patungong ikalawang palapag ng mall. Dumikit ang tuon ko sa mukha nito. Para tuloy akong nakakaramdam ng pagpilipit sa puso, habang pinagmamasdan mula sa malayo ang walang kaemo-emosyon nitong hitsura. Tahimik lang siyang naglalakad, habang ang leeg nito ay parang 'di mapakali. kaliwa't kanan niyang ibinabaling ang titig, wari'y may hinahanap. Kutob ko, ako ang hinahagilap niya. Ilang sandali pa, sumipa muli ang tugtog ng musika sa stage, kasunod ang hiyawan ng mga nanonood nang sumayaw ulit ang lima. Parang coincidence naman nang mahanap ni Mister Taiwanese ang pares ng paningin ko. Nagkatitigan kami ng ilang segundo. Nginitian ko siya kasabay ang pagtango, bago ako dalhin ng mga paa ko sa direksyon kung saan naroon si Bakulaw.
+++
Sa bilang ko'y may labin-limang minuto na simula nang ihalik ko ang aking puwet sa silyang 'to, malapit sa opisina ng mga security personel ng mall. Malakas parin ang sigawan sa ibaba, at kumakanta parin ang banda ni Mister Taiwanese. Hindi ko tuloy maiwasang ma-imagine ang ilang steps na isinasayaw niya. Ang ilang linyang inaawit nito, at ang maya't-mayang pag-apir niya sa mga tagahanga. Habang ako naman, ay hindi maunawaan ang sarili kung bakit ako nagtitiis maghintay sa taong tinuldukan ko na ang ugnayan namin. Sa totoo lang, maka-ilang ulit ko nang minura ang aking pangalan, at mahigit sa sampung beses na akong sumubok umalis sa puwestong 'to. Subalit sa tuwing gagawin ko iyon, sumasagi sa isip ko ang hitsura ni Bakulaw. Ang mukha nitong walang habas ang pagtalunton sa akin, at ang huling isinigaw nito na labis na pumipiga sa aking dibdib. "I love you Lyka!" dahilan tuloy para magkasundo ang utak at puso ko, na hintayin siya at kausapin.
"Kanina pa kita hinahanap, Kuya."
Pakiramday ko'y tila pumutok ang lobong kinapapalooban ng samu't-saring ideya at imahe sa aking tuktok, nang marinig ko ang boses na iyon. Bumalikwas ako ng tingin sa pinanggagalingan ng tinig, at saktong dumikit na parang magnet sa mga mata ni Bakulaw.
"Narinig mo ba ang lahat ng sinabi ko sayo kanina?" pagdugtong nito sa winika niya, kasabay ang pag-upo malapit sa akin.
"Kamusta? Anong nangyari?" ang pagbalik ko sa kaniya ng tanong, inaalam ang pinagsapit nito sa loob ng opisina.
"Wala." isinandal nito ang ulo sa dinding, nagbulsa ng kamay at nag dekuwatro. "Nawarningan lang ako."
"Lasing ka ba?" pagdagdag ko ng usisa, sa paraang inaamoy-amoy ang hininga nito nang hindi nagpapahalata.
"Huh? Hindi, bakit?" gumilid ang tingin nito, isinentro sa akin.
"Paano mo nasikmurang gawin ang magkalat sa harapan ng maraming tao? Hindi ka man lang ba nakaramdam ng hiya?"
"Hindi kailangan naka-inom para magkalakas ng loob, Kuya." ngumiti siya, at agad 'tong kinulong ng mga mata ko. Ngunit sa buong talambuhay ko, iyon ang pinakamapait na ngiting nasilayan ko. Para bagang tubig na inalukan ng pinturang itim, wala kang maaaninagang iba, kundi kawalan lang at dilim. "At saka, walang nakakahiya kapag nagsasabi ka ng totoo. Kasi, hindi bibig mismo ang nagsasalita, kundi ito." dahan-dahan niyang ipinatong ang kamay niya sa kanang dibdib. "Ang puso, na siyang dahilan kung bakit tayo nakakagawa ng mga bagay na hindi mo maimagine na kaya mo palang gawin. Nagbibigay sayo ng lakas ng loob, at extra thick na kapalmuks, para lagpasan ang hiya. Lahat gagawin ng puso, mailabas lang nito ang pumupuno sa kaniyang damdamin."
Natameme ako. Tila huminto saglit sa lahat ng bagay ang aking utak, at itinuon lang ang buong presensiya nito sa mga winiwika ni Bakulaw. Inabsorb ang bawat letrang pinakawalan niya, nginuya ang mga salitang nabuo, at ninamnam ang mga nutrisyong nakapa-inloob mula dito. Sa unang pagkakataon, umukit ng respeto ang pagkatao niya sa kaluluwa ko. Ang dating akala ko'y puro yabang at barumbadong siya, ay mayroon din palang puting budhi ang humahalo sa dugo nito. Nakakalungkot nga lang, kung kailan napagdesisyunan kong magsimulang umiwas sa kaniya, saka ko lang 'to napansin.
"May sulat akong inilagay sa loob nung stuffed toy na binigay ko sayo." lumihis siya ng tingin, ipinukol sa mga taong nagdaraan. Gusto ko sana siyang sagutin ukol dito, at sabihing alam ko ang tungkol doon, pero nanatili nalang akong tikom, sa kadahilanang hindi ko parin naman iyon nababasa ng buo. "Nakita mo na ba iyong sulat?"
"Hindi." tipid kong usal.
"Kaya siguro naguguluhan ka tungkol kay Erika, dahil hindi mo pa iyon nababasa." huminga siya ng malalim, sabay tapon ng tingin sa akin. "Ang tanga mo naman."
Parang may kung anong sumipa sa normal na daloy ng dugo ko, dahilan para sumirkulo ito ng mabilis! "Bakit ako naging tanga?!" pagbaluktot ng mga kilay ko.
"Bakit 'di mo alam ang tungkol dun sa sulat? Ang obvious na nga na may laman iyung stuffed toy e."
"Bugok ka ba?! Sino bang mag-aakala na may laman ng sulat iyong lintik na gorilyang iyon?!" pagsigaw ko sa kaniya, na tila napalakas, nakakuha kasi ako ng iilang atensiyon mula sa ibang tao. "At una sa lahat, FIGURINE iyon! Hindi stuffed toy!"
"Kung sa bagay. Hindi ka nga pala babae. Kasi, kadalasan ang mga babae ay mapanuri. Alam nila kaagad kung anong meron sa binibigay naming mga lalake." ngumisi siya, na lalong nagpakulo sa dugo ko.
"May sira ba talaga ulo mo?! Paano ko naman malalaman kaagad na may laman iyon?!"
"Kasi nga hindi ka babae. Bakla ka."
"Nang-aasar ka ba?!" pagkuwelyo ko sa damit niya. "Suntukan na lang!"
"Mahal kita." sumeryoso ang tikas ng aura nito, kumabog tuloy ng isang napakabigat ang dibdib ko! "Alam mo ba, kinikilig ako ngayon."
Nataranta ako! Dama ko pa ang pagpupula sa pisngi ko!
"May 50 percent possibility na mahahalikan kita sa harap ng maraming taong 'to kung hindi mo ako bibitawan." humarap siya sa akin, at inilapag nito ang dalawang kamay niya sa bewang ko! "At 50 percent possibility na yakapin ka ng mahigpit habang hinahalikan."
"Huh?!" pagbitaw ko sa damit niya at unti-unting lumalayo sa kaniya.
"Mamili ka sa dalawa kung anong gusto mo. Dahil hindi ako mahihiya na gawin sa iyo 'yun. Utos kasi ng puso eh."
Nanlaki ang mga mata ko ng inilapit niya ang labi niya sa akin! Tila umusok naman ang tuktok ng ulo ko! Iyong tipong binuhusan ng malamig na tubig ang kawaling sobrang init! "FUCK!"
Dumikit ang mukha ni Bakulaw sa ding-ding, nang tumalbog sa kaniya ang nangangalit kong kamao! Parang nai-stuck naman sa kanilang puwesto ang mga taong nagdaraan, gulantang na nakatitig sa aming dalawa!
+++
"Puwede bang mag-request?" usal ni Bakulaw, habang iniinom ang binili naming buko juice.
"ANO?!" pandidilat ko sa kaniya ng tingin. Sa totoo lang kasi, umaapoy parin ang mga mata ko sa tuwing nasusulyapan ko ang labi nito, na muntikan ng magnakaw ng halik sa akin.
"Puwede ba kapag mag-asawa na tayo, bawas-bawasan mo ang pang-aabuso sa akin."
"SAWA KA NA BA SA BUHAY MO?!" napatayo ako mula sa pagkaka-upo, tumilapon tuloy ang iniinom ko sa sahig. Dinuro ko siya, at kung may kakayahan lang ako na maglabas ng laser beam sa mga daliri, kanina pa 'to napugutan ng ulo! "ANONG ASAWA ANG PINAGSASABI MO?!"
"Hindi pa ba tayo? Ang labo mo naman."
"NAMBUBUWISIT KA BA TALAGA AH?!" lumangit-ngit ang mga ngipin ko, nais ko sana siyang paulanin ng suntok, subalit pinipilit ko paring kontrolin ang aking sarili.
Hindi siya sumagot, bagkus, sinayad nito ang laman ng iniinom at initsa ang botelya sa basurahang malapit sa amin.
"Ang bilis kong tumanda kapag kasama kita, alam mo ba iyon?!" pagbuntong-hininga ko at pag-ekis sa aking mga kamay. "Hindi magiging tayo. Tandaan mo iyan, okay?"
"Okay." mabilisan nitong sagot, na hindi man lang nag-abalang tumingin sa akin.
"Mabuti na iyong maliwanag." nag-umpisa akong tumulak papalayo sa kaniya. "Uwi na ako."
"Sa palagay mo, maganda kayang pangalan ang Cheska sa baby natin kung magiging babae 'to?"
Dumilim ang paningin ko. Kasabay nito, ang sunod-sunod na pagpitik ng mga ugat sa aking sentido. Hinawakan ko ng mahigpit ang bitbit kong shoulder bag, kumuha ng puwersa, at agad na ibinato ito sa mukha niya pagpiit ko sa kaniyang direksiyon! Sapul! Tumalbog ang noo nito at napatingala sa kisame! Sumirit ang dugo sa ilong niya! Napatili pa ang ilang kababaihan malapit sa kaniyang puwesto! Dahilan upang kaladkarin ko siya palabas ng mall. Mahirap na, baka maka-agaw nanaman siya ng atensiyon mula sa mga romorondang guwardya.
"Manhid ka ba o bobo?!" habol-hininga kong singhal sa kausap nang maka-abot kami sa plaza. "Hindi mo ba maintindihan, suklam na suklam ako sayo. Hindi kita gusto."
"Hindi ako naniniwala. Dahil hindi 'yan ang pinapahiwatig ng mga mata mo." hinawakan niya ng mahigpit ang aking kamay, at dahan-dahan niya itong inilapit sa kaniyang labi. "Sabihin mo ng diretso sa mga mata ko, Kung hindi mo ako gusto."
Sinubukan ko siyang barilin ng tingin, subalit sa tuwing aakamain ko 'to, tila may kung anong puwersa ang pumipigil sa leeg ko na humarap sa kaniya!
"Kitam." hinalikan niya ang kamay ko, dahilan upang maramdaman ko ang parang pagtunaw sa aking puso! "Iba ang nais mangyari ng puso mo sa sinasabi ng isip mo."
Hindi ako maka-imik! Nanlalambot ang mga tuhod ko, animo'y lalagapak ako sa sahig ano mang oras! Nanatili lang nakadikit sa damuhan ang mga paningin ko!
"Sabihin mo, Lyka." hinawakan niya ang aking baba, at unti-unti niya akong hinarap sa direksyon ng kaniyang mukha. "Na gusto mo ako."
"O..Oo..." sa kabila ng mga ilaw na nagpapaliwanag sa kadiliman ng paligid, galing sa mga poste ng parke, malabo parin ang tanglaw ko sa hitsura niya. Dahil sa luhang muling nagtatampisaw sa aking mga mata. "O..Oo...Siguro nga gusto kita..."
Tinabig ko ang kamay nitong nakakapit sa aking baba. "Pero sinusumpa ko ang sarili ko dahil hindi ko maintindihan kung bakit gusto kita!" paulit-ulit kong dinikdik ang aking hintuturo sa dibdib niya. "Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito! Sobrang apektado ang puso ko sayo! Pilitin ko man ilayo ang isip ko sayo, lalo lang ako napapalapit! And i hate my self for that!"
Hindi ko lang alam kung may ibang tao sa plaza, nakatuon kasi ang buong pansin ko kay Bakulaw. At wala akong paki-alam kung may makarinig man sa palahaw ko, dahil ang gusto ko lamang gawin ngayon, ay isabog lahat ang sama ng loob ko.
"Alam mo ba, first time kong naramdaman 'to! Sabi nila masarap ang feeling..." hagulgol ang kumakawala sa bibig ko. "Pero bakit ang sakit?! Ang sakit mong mahalin!"
"Tama na." pagyakap sa akin ni Bakulaw. Kasabay nito, ay ang biglang pagsabog ng langit, ng iba't-ibang uri ng paputok!
"Ang mas masakit, ay ang malaman kong nakikita mo ako bilang ibang tao!" pagpupumiglas ko sa kaniya, ngunit lalo lamang humihigpit ang pulupot nito sa akin tuwing magtatangka akong kumawala sa kaniya. "Hindi ako si Erika!"
"Tama na." nakadama ako ng maligamgam na patak ng tubig sa aking batok.
"HINDI AKO SI ERI.."
"TAMA NA!"
Napasinghap ako. Nasulyapan ko pa ang ibang tao na lumayo sa paligid namin, marahil natakot sa sigaw na iyon ni Bakulaw.
"Mahal kita bilang ikaw." dahan-dahang lumuwag ang hagkan niya sa akin, hanggang sa tuluyan niya akong bitawan at harapin muli. Sa pagkakataong 'to, parang sasabog na ang puso ko sa tindi ng pag-dribble nito, nang makita ko siyang umiiyak! "Bakit 'di mo ako pagbigyang patunayan 'to sayo!"
Bukod sa pagwawala ng puso ko, nakikisabay sa rindi ng aking damdamin ang ingay na ginagawa ng mga fireworks sa itaas. Hindi ko tuloy mai-focus ang tingin ko sa kaniya, ninanakaw ng mga pailaw sa langit.
"Nakiki-usap ako Lyka, big---"
"Pupunta ako ng Japan." pag-udlot ko sa kaniya. "Doon na ako titira."
Natahimik siya. Napako ang tingin sa akin.
"Kasama ko si..." umiwas ako ng titig, at tila hirap ko 'tong banggitin sa kaniya. "Willy."
"Suko na ako." tumalikod siya sa akin, dahilan upang magsumikip ang aking dibdib. Parang sinakal at ginapos ng tanikala ang puso ko! Kung pupuwede lang, nais kong bawiin sa kaniya ang mga huli kong nasabi! "Sa palagay ko, hindi talaga tayo ang dapat sa isa't-isa."
No comment na naman ako sa pagkakataong 'to. Tameme sa kaniyang likuran. Gusto kong ibuka ang bibig ko, pero wari'y napagod na ang katawan at isip ko, sa sobrang dalamhating natatamo nito.
"May isa akong paki-usap." pagbulsa niya sa kaniyang kamay, na tila may hinahanap sa loob. "Kung sakaling magbago man ang isip mo." muli niya akong hinarapan, nandoon parin ang pamumugto ng mga mata. "Buksan mo 'to." inabot niya sa akin, ang maliit na kahong nakabalot ng palara, at may lasong nakatali sa kabuoan nito.
"Ano 'to?" ang tanging naisambit ko, na sinagot lamang niya ng iling, kasunod ang pagtulak niya papalayo sa akin. Naiwan akong nakatitig sa likuran niyang unti-unting naglalaho sa paningin ko, sa gitna ng mga makukulay na paputok na kasalukuyang binubulabog ang langit.