Symbianize Forum

Most of our features and services are available only to members, so we encourage you to login or register a new account. Registration is free, fast and simple. You only need to provide a valid email. Being a member you'll gain access to all member forums and features, post a message to ask question or provide answer, and share or find resources related to mobile phones, tablets, computers, game consoles, and multimedia.

All that and more, so what are you waiting for, click the register button and join us now! Ito ang website na ginawa ng pinoy para sa pinoy!

Novel Noong Bata Ako (On Going Horror Book 2) Update: Chapter3B

1170848_656475157697536_36278598_n.jpg

Book 1 (Naida): "Maganda ba ako?" tanong ng babae.

"Paano ko malalaman? Nakatakip ang bibig mo?" supladang sagot ng dalagang tinanong.

Tinanggal ng babae ang face mask at tumambad sa dalaga ang mukha ng babae. Kinabukasan, natagpuang patay ang dalaga, pugot ang ulo at may hiwa sa bewang. Pinaniniwalaang ginupit ito gamit ang grass cutter o anumang malaking gunting.

Noong bata ako, kinwento sa akin ni nanay ang kwento ni Cinderella at Snow White bago ako matulog. Napakaganda ng storyang iyon kahit na ang nakatuluyan nila ay parehong si Prince Charming. Kahit bata pa ako noon, gusto ko ng makilala ang prince charming ng buhay ko. Pero paano kung ang kwentong ito ang binasa ni nanay sa akin, makakatulog pa kaya ako?

Book 2 (Pido): Noong bata ako, pakiramdam ko sinusundan ako ng buwan kahit saan ako magpunta. Bawat tingin ko kasi sa buwan lagi siyang nandoon sa pwesto niyang yun. Mula noong makita ko ang Kalye 19, pagdating ng 11pm ay nagigising na lamang ako noon sa kalyeng yun at may hawak na patalim na puno ng dugo. Minsan may dugo ang damit ko at minsan may hawak pa akong putol na kamay. Mapapatakbo na lamang ako pauwi at hindi na makakatulog. Sana lang nababantayan ako ng buwan sa mga ginagawa ko para kapag tinanong ko ang buwan, masasagot niya kung ano ang nakita niya.



Book 1
Part 1
Part 2
Part 3
Part 4
Part 5
Part 6
Part 7
Part 8

Book 2
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3A
Chapter 3B


palimos naman po ng comments...
179.gif


http://acwrites.blogspot.com
 
Last edited:
Re: Noong Bata Ako Part 7

Muntik na akong hindi makatulog kagabi dahil sa mga huling kataga ni Ed sa'kin. Wala akong nareply kundi 'sige..gudnyt.' Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko kung nagta-tumbling ba ako o magpapagulong-gulong sa daan. Pilit kong pinakiramdaman ang puso ko kung kaya ko bang tapatan ang pagmamahal na ibibigay niya sa akin. Napangiti ako. Heto ako ngayon, nakahiga sa kama naghihintay ng text galing sa kanya habang nagmumuni-muni at nakikipagtitigan sa butiki sa kisame.

Tumayo ako at tinignan ang sarili sa salamin. "Ok naman ang figure ko at malinis naman ang mukha ko." sabi ko sa sarili at umikot pa ng isang beses sa harap ng salamin. Cute pa rin akong tignan kahit bagong gising, sabi nila ay kahawig ko si LJ Reyes. Napawi ang ngiti ko nang makakita ng imahe sa gilid ng salamin kaya agad ko itong nilingon pero wala naman akong nakita at pagbalik ng mga mata ko sa salamin ay wala na rin ang imahe. Napatigil ako sa pagpapantasya dahil dito at inasikaso na ang pagpasok sa eskwela.

Excited akong pumasok sa eskwela sa umagang iyon dahil natapos na ang katatakutang nangyari sa akin noong mga nakaraang araw. Tinigilan na ako ng babaeng may hiwa pero alam kong hindi ko malilimutan ang mga pangyayaring ito.

Tutut, tutut. One message received.

"good morning.." text ito galing kay Ed.

"morning din.." reply ko at muling naalala ang pag-amin sa akin ni Ed. Napapangiti ako mag-isa sa pag-alala lamang nito. Pinagtitinginan nanaman ako dahil dito pero kinapa ko na rin ang bandang pwetan ko para masigurong wala ng bubble gum dito.

"ingat sa pagpasok.."

"ako pa?:)" tipid kong sagot.

"bakit pala hindi ka dumalaw kahapon? akala ko kasama ka ni tina.."

Napaisip ako kung anong palusot ang isasagot ko sa kanya. "may inasikaso lang kasi.." pagsisinungaling ko. Alam kong gasgas na palusot na ito pero ito ang unang pumasok sa isip ko.

"pwede mo naman akong daanan dito kahit sandali lang.." pagtatampo pa niya.

Hindi ako nagreply hanggang makarating ako ng eskwela. Pagtingin kong muli sa cellphone ko ay three messages received. Tatlong 'ui' ang reply ni Ed kaya napilitan akong magreply muli.

"nasa school na ako..sori late reply.." ewan ko ba kung bakit ko siya binabalitaan ng nangyayari sa akin ngayon. Kataka-taka ring hindi ako ginugulo nina Gelo at Reden ngayong umagang ito.

"naida..may sasabihin ako.." aniya sa text.

"ano `yun?"

"pwede ba kitang ligawan? paglabas ko ng ospital, sa'yo ako unang pupunta.." nagulat ako sa sinabi niya. Liligawan niya ako?

"ehh bakit mo naman ako liligawan?" denial effect.

"obvious ba? kasi gusto kitang maging girlfriend.." oo nga naman tanga tanga talaga.

"wag mo munang isipin yan..magpagaling ka muna.." hindi ko alam ang sasabihin at ito na lamang ang natype ko sa reply ko. Sent.

"ewan ko kung kaya ko kasi puro mukha mo ang laman ng isip ko ngayon.."

"oa ka.." tipid kong reply. Hindi ko talaga alam ang sasabihin.

"parang sticker nga na nakadikit sa mga mata ko ang mukha mo.."

"nandito na si sir.." sabi ko na lang kahit wala pa.

"ganoon ba? sana maramdaman ko ang pag-aalaga mo naida..hihintayin kita rito mamaya.." may konting kirot sa dibdib ko ang sinabi niyang hihintayin niya ako. Magagawa ko bang suwayin ang ipinagbilin ni Aling Rina? Sana naman ay mapagbigyan pa niya ako kahit isang bisita na lang.

"sige..pahinga ka lang.." parang gusto kong dagdagan ng 'loveu' sa dulo ng text pero binura ko ito dahil hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko. Susubukan kong pumuslit at bumisita mamaya at kukuntsabahin ko si Tina. Kailangan kong makita ng personal si Ed. Kailangan.

>

Lumipas ang oras na wala ako sa sarili ko at hindi na yata mawawala ang panghuhusga sa akin ng mga tingin ng mga taong nakapaligid sa akin habang palapit ako kay Tina na kausap ang katabi. Mabagal akong lumapit sa kanya habang pilit pinipiga ang pasmado kong utak dahil hindi nagagamit.

"Ahm, Tina..." sabi ko habang nag-iisip pa rin kung paano sasabihin ng tama ang gusto kong sabihin.

"Oh Naida, bibisita ako mamaya kay Ed kasama sina Reden at Gelo. Gusto mong sumama?" sagot niya sa akin pagkakita sa parang hilo kong mukha kakaisip ng sasabihin.

"Hmm... Alam mo namang pinagbawalan akong bumisita sa kanya diba?" sabi ko.

"Sige Tina, bukas uli tayo magchikahan." sabay kaway ng katabi ni Tina.

"Sige, bukas." sagot naman ni Tina. Sinundan ko lang siya ng tingin habang naglalakad palabas ng pinto. "Oo nga pala. Pero bakit kaya gano'n ang inasta ni Aling Rina sa'yo?"

"Naiintindihan ko naman siya kasi dahil sa'kin napahamak si Ed pero Tina-" napatigil ako nang biglang kumabog ng mabilis ang puso ko.

"Ano?" takang tanong naman niya.

"Kasi-" nahihiya akong sabihin sa kanya.

"Kasi?"

"Gusto ko siyang makita." ayan na nasabi ko na magbblush na ako at mamumula, mag-uumpisa na ring manginig ang kamay ko at maiinsecure sa isasagot niya.

"Uy! Sabihin mo-" sabi ni Tina ng malakas kaya sinenyasan ko siya ng huwag maingay kaya bulmulong ito, "sabihin mo, nakatext mo na siya?"

Tango lang ako kasi medyo nahihiya ako at parang pulang-pula ang pisngi ko.

"Alam mo-"

"Hindi."

"Sabi ko nga pero noong kinuha niya sa akin `yung number mo. Ayiii !" impit na tili nito. "Kinikilig ako. Hihi."

"Sabi niya, namimiss ka daw niya kasi hindi ka dumalaw sa kanya. Hinanap-hanap ka na niya Dang!"

Kahit medyo nahihiya ay napangiti ako sa mga sinabi niya. "Kaya nga gusto ko siyang makita-"

Gulat na reaksyon. "`Wag mong sabihing?" kahit putol ang sentence niya ay alam ko na ang ibig niyang sabihin.

"Ewan ko." nabigla ako sa sinabi ko.

"Ayiiiiii !"

"Hindi gano'n sa iniisip mo! Grabe ihh..."

"Sige, ganito ang plano. Pauunahin ko sina Gelo at maghihintay tayo sa labas ng ospital. Tapos sasabihin ko mabilisan lang sila at magpahatid sila kay Tita Rina. Tapos kasi ilulusot kita at magkikita kayo ng bago mong crush!" masiglang sabi ni Tina.

"Effective kaya `yan?"

"Ang nega mo! Effective `yan! Gelo! Tara!"

"Sabay-sabay tayo?" sabi ko kasi parang nakakailang.

"Oo." sabi ni Tina sabay ang paglapit ng dalawa at kinausap sandali ni Tina.

"Ok." sabi ni Reden. Naiilang ako pero tinignan ako ni Gelo. Hindi ko maintindihan ang tingin niya at sumulong na kami sa aming lakad.

Nauunang naglalakad sina Gelo nang nasa labas na kami ng ospital at nagpaiwan kami sa isang kainan sa may daan.

"Oy! Bilisan niyo!" sigaw ni Tina.

"Oo `wag kang mag-alala." sagot ni Reden. Nakakapanibago ang katahimikan ni Gelo sa'kin.

"Text niyo ko ha?!"

"Tina-" sabat ko.

"Ha?"

"Parang hindi ako kinakausap ni Gelo."

"May gusto ka rin sa kanya?"

"Che! Dati kasi kinakausap naman niya ako bago pa noong inaaway niya ako."

"Baka nahihiya sa'yo dahil doon."

"Baka nga."

"Tara kain tayo." sabay turo sa Chickboy.

>

Noong bata ako, ipinaghihimay ako ni nanay ng isda at hipon. Paborito ko noon ang hipon dahil kapag natapos balatan ni nanay ay hindi na umaabot sa plato ko ang hipon, agad ko itong inaagaw sa kamay niya at kinakain. Madalas ngang matira noon ang kanin ko kasi hindi ko na ito naasikaso kung hindi rin ako susubuan ni nanay. Kakalong pa ako sa kanya noon habang sinasabing 'Here comes the plane.' Minsan train, minsan plane, minsan jeep, minsan barko pero hindi ko binubuka ang bibig ko kapag sinabi niyang 'Subo na.'

Tatlumpung minuto na ang nakalipas nang magtext si Reden kay Tina na paalis na raw sila kaya napaigtad ako noong naramdaman kong malapit na kaming magkita ni Ed, ng patago.

"Oy bilisan mo. Andyan na sila sa labas." pagmamadali sa akin ni Tina na lalo kong ikinataranta.

"Nandyan na sandale." wika ko.

Iniligaw muna nila ang paningin ni Aling Rina sa amin saka kami pumuslit papasok. Intense, parang `yung noodles. Malapit na lang ay makikita na kami. Parang bata na naglalaro ng taguan. Kulang na lang ay parang action star kami na tumalon palayo at bumabaril habang nasa ere at padapang babagsak tapos gugulong.

Second floor lang ang room niya kaya hindi kami nahirapan makaakyat pero alam ko na hindi ako dapat magtagal. Si Tina na ang nagbukas ng pinto at una akong pumapasok. Hinahabol ko ang hininga ko na hindi ko alam kung bakit ko ito hinahabol gayong hindi naman ito tumakbo palayo.

"Ed..." sabi ko at nakita ang naka surgical mask na si Ed. Napatingin siya sa'kin. Nagkatitigan kami habang pilit kong pinapahinahon ang nahabol kong hininga pero tumakas naman ngayon ang puso ko at tumakbo palayo sa bilis ng kabog nito.

"Kapagod no Naida pero exciting! Sa susunod-" napatigil ito nang maramdaman ang ihip ng hangin ng pag-ibig na pinapaalis siya. "Sige. Dito lang ako sa labas." pagkasabi nito ay tinulak niya ako palapit kay Ed.

Nakakatawa kasi hindi ko maramdaman ang paa ko. Ang bigat nila pero kaninang tinulak ako ni Tina ay parang papel naman ang mga ito sa gaan. Napatingin ako uli kay Ed. Ano na? Magtitinginan na lang ba kayo? tanong ng Naida sa isip ko.

Nakita kong gumalaw si Ed para abutin ang papel sa katabing mesa. Hindi na ako nag-isip, kusang gumalaw ang paa ko at tinungo ang papel na pilit niyang inaabot. Nakita kong umusog siya palapit sa mesa at eksaktong hawak ko ang papel para iabot sa kanya ay sakto namang nahawakan din niya ito. Ang corny pero nahawakan niya ang kamay ko habang nakaangat ang isang pad ng papel na pinag-aagawan ng kamay namin. Parang start-up lang ng Nokia ang kulang na lang ay ang ring tone nito.

Shet! Mamumula nanaman ako niyan tapos bibitawan niya ang kamay ko tapos babawiin ko bigla ang kamay ko tapos, tapos malalaman ko nagpapantasya lang pala ako. Inabot ko sa kanya ang papel sabay isip kung saan ba nag-umpisa ang pagpapantasya ko.

"Hindi na ako magtatagal kasi pinagbawalan ako ni Aling Rina na dumalaw sa'yo. Para na rin sa ikatatahimik niya at ikabubuti mo." sabi ko pero napansin ko na parang walang sense ang mga sinabi ko kaya magsasalita ulit ako. "Gusto lang kitang makita." OMG! Gosh! Lumabas sa tainga ko ang init ng katawan ko. Hindi ako makapaniwalang masasabi ko `yon sa kanya, bigla akong nahiya.

Nagsimula siyang magsulat, naexcite ako sa mga makikita ko. Kikiligin ba ako? Maiihi ba ako? Nasaan ba ang CR? Pati `yong phone para sa nurses kasi baka himatayin na ako dito sa excitement. Nakakabitin sana makita ko na ang sinulat niya, napahaba kasi ang litanya ng author kaya hindi ko pa mabasa.

"Mas bubuti ang lagay ko kung narito ka lagi. Ikaw ang gamot ko Naida. Pwede ko bang maramdaman ang yakap mo?" pagkabasa ko nito ay tumingin ako sa kanya at inanyaya niya ako na damhin ang init ng katawan niya.

Dahan-dahan akong yumuko at inilapat ang kamay ko sa dibdib niya. Idinagan ko ang katawan ko sa kanya at kinulong niya ako sa bisig niya. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman parang nakahithit ako ng medyas pagpikit ko kasi akala ko heaven na ang narating ko. Sa lapit ko ngayon ay naririnig ko ang tibok ng puso ni Ed, pilit kong pinagsasabay ang pagtibok ng puso namin pero hindi ko ito kayang kontrolin. Lingid sa kaalaman ko, nakangisi pala si Ed habang nakasubsob ang mukha ko sa kanyang balikat.

"Naida! Parating na si-" napatigil si Tina sa pagsasalita nang makita ang posisyon namin. "Excuse me lang kasi pabalik na si Tita."

Napatulak ako kay Ed, buti na lang ay hindi nasaktan si Ed sa pagkakatulak ko. Agad kong inayos ang damit ko at ang buhok ko. Tatakbo na sana ako palabas nang bigla akong hinatak pabalik ng goma na nakatali sa dibdib namin, nauwi ito sa paghalik ko sa kanyang noo at pagngiti sa kanya. Kita ko sa mga mata niya ng gulat pero pagtalikod ko ay masamang tingin ang sumunod sa likuran ko.

..itutuloy..


Part 8
 
Last edited:
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

Whew.. na-late ako ah... hehehe, salamat sa update TS!!! :clap:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

TS pa-update, hehehehe... bitin na bitin na!!! :rofl:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

ts tpus na undas pero :read: parin aku.Hahaha
salamat dahil binigyan
mo pa ako ng oras para
lasapin ang ganda ng mundo kahit maraming corrup na
Pilipino sa gobyerno natin at
walang kwenta ang mga
batas dahil patuloy itong
sinusuway
bnubuhay mu dugo q d2 kuya breaker.

Btw .Ung h0rr0r naging sweet flicks na.Haha

sa susun0d na undas lagyan mu ng part 2 kuya breaker.
Ung maghihiganti si anet kasi inagaw ni naida si ed.Wahahaha
:thumbsup:


Kahit :slow: basa parn..Update na yan.!
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

doon ko na lang siguro ipopost ang part 8..:D

:thanks: for reading..:thumbsup:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

Yumaon pla ang lhat..hahaha..
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

ganda na storya kaso hindi ko maopen ung last chapter dito sa ofice.. nakablock cya.. :lol: dito lang ako my time magbasa e.. paupdate po.. :pray:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete 1-8)

Part 8 (Last Chapter)

Noong bata ako, higit sa sampung taon na ang nakakalipas ay piso lang ang pamasahe sa jeep noong pumapasok ako sa elementarya pero ngayon ay may plano pang gawing sampung piso ang pamasahe. Nangunguna ako noon sa listahan ng pinakamagagaling sa klase pero ngayon ay nawala na ang inaasahang henyo ng pamilya. Parang bansa natin, dati'y nasa mga bansang nangunguna tayo sa ekonomya panahon ni Diosdado Macapagal pero ngayon pinagdidiskitahan na lamang ang kanyang anak na ayaw ipahalata. Ngayon nasa mga nangunguna ng pinakacorrupt na bansa ang ating inang bayan, dapat proud tayo doon. Bakit nga naman tayo magiging proud? Hindi lahat ng topnatcher ay ipinagmamalaki.

"In China, everything is prohibited including those permitted. In Singapore, everything is prohibitted except those permitted. In America, everything is permitted except those prohibited. Eh sa Pinas, everything is permitted especially those prohibited." Narinig ko kung saan ang mga katagang ito. May punto ito, dito sa Pinas kahit bawal ginagawa. Kailan ba tayo magkakaroon ng tamang disiplina?


"Exciting `yon Dang! Bisita ka ulit kay Ed." tawa pa nito kahit pareho naming hinahabol ang tumatakbo pa naming hininga. "Alam ko gusto mo rin." ngiti pa niya sa akin.

"`Wag ka ngang mag-isip ng ganyan!" pasigaw kong sabi.

"Denial pa `to." bulong niya sa hangin.

Tinignan ko siya. "Tina..."

"Oh?" sabay ngiti.

"Sa... tingin... mo..." mabagal kong sabi. "May gusto na ba ako kay... Ed?" kung paanong pahina ng pahina ang boses ko sa pagkasabi nito ay gano'n naman kabilis ang pagtibok ng puso ko, hindi naman dahil sa pagod pero hindi ko alam ipaliwanag.

"Hihi." bungisngis niya.

Nagtataka akong tumingin sa kanya.

"Sabi mo eh." nagpatuloy siya sa paglalakad. "`Yan ata ang nararamdaman saka naiisip mo eh."

Malayo na siya ng ilang hakbang sa akin nang mapagtanto ko. "Teka hintayin mo `ko."

"Kaya nga tinatanong kita eh." sabi ko uli.

"Kasi hindi mo maintindihan?" pagpapatuloy niya. "Ganyan talaga Dang!"

Napaisip ako. May mga nanliligaw sa'kin pero hindi ko naramdaman sa kanila ito. Ang matuliro at matulala dahil sa kanya. Ang mapagod at maging masaya para sa kanya. Malapit na pala kaming maghiwalay ng landas nang bigla niya akong tapikin.

"Uh."

"Dang, ingat! Dito na lang ako."

"Sige. Ingat ka rin." pagkasabi nito ay sabay kaming tumalikod sa isa't-isa. Nakapaglakad ng konti at lumiko ng kanto. Ito lang ang huli kong naaalala bago may nagtakip ng panyo sa mukha ko at nakaamoy ng hindi pamilyar na amoy saka ako bumagsak.

Heto ako ngayon, madilim ang nakikita dahil sa piring sa mga mata ko. Hindi ko alam kung anong oras na o kung gaano katagal ba akong nakatulog, kung nasaan ba ako o kung sino ang nagdala sa akin dito ay wala akong alam. Gusto kong sumigaw pero may panyo na nakatali sa mukha ko para pigilan ang paggalaw ng bibig ko. Gusto ko ring tumayo pero napakasikip ng hinihigaan ko habang nakatali ang dalawa kong kamay at ang mga panglakad ko. "Aray!" salitang gustong kumawala pero walang madadaanan matapos mapatalon ang madilim kong kinalalagyan. Pakiramdam ko nasa isang kotse ako o kung anong sasakyan. "Tulungan niyo ako." sigaw ng isip ko.

>

"Gelo, puntahan niyo ako ni Reden. May sasabihin ako." kalakip nito ang pangalan ng ospital at room number para kay Gelo. Ito lang ang sinabi ni Ed sa sulat, malamang dahil pribado ang pag-uusapan nila at baka mabasa ni Tina ito kaya personal na lamang silang pinapapunta ni Ed.

"Huwag na nating sisihin si Naida." mahinang sabi ni Gelo at naupo na sa kanyang upuan. Parang sunud-sunuran lang si Reden dito at umupo na rin.

"Ano'ng balak mo Ed?" tanong ni Gelo sa sarili.

Dumating ang hapon at agad na umalis si Gelo kasama si Reden para puntahan si Ed.

"Den, hindi ka ba nagtataka?" ani Gelo.

"Huh? Saan? Ah! Kay Naida? Oo naman lagi nga-"

"Hindi. Kay Ed." putol ni Gelo sa sinasabi ni Reden.

"Anong meron kay Ed?" taka namang tanong ni Reden.

"Bakit niya tayo pinapabisita sa kanya."

"Ha?"

"Wala. Bobo mo."

"Mabuti na ang bobo kaysa tanga." bawi naman ni Reden.

Nakarating na sila ng ospital at hinanap ang Room 201.

"Eto siguro `yon." sabi ni Reden at tumapat sa 201.

"Natural! 201 nga eh. Bobo!"

Binuksan na ni Reden ang pinto. "Bobo ka talaga. Bakit hindi ka kumatok." sabi ni Gelo sabay batok dito. Bungisngis lang ang sagot ni Reden at kamot ng ulo.

"Oh kaibigan ba kayo ni Ed?" tanong ni Aling Rina.
sa dalawa.

"Ah opo. Mano po." magalang na sabi ni Gelo.

"Sige sige. Pakiramdam ko ang tanda ko na."

"Hindi naman po. Mukha kayong 35." sabat ni Reden.

"35 nga ako."

"Haha. Magaling pala akong manghula." yabang ni Reden.

"Chamba." bulong nito. "Ed, bakit mo kami pinapunta?" ani Gelo.

"O sige. Bibili ako ng mamimiryenda." sabi ni Aling Rina at lumabas.

"Sige po." sagot naman ni Reden. Napansin niyang nakatingin sa kanya ang dalawa. "Baket?"

Sinenyas ni Ed ang papel at bolpen sa katabing mesa. Naintindihan naman ito ni Gelo pero kung si Reden baka hindi. Inabot ito ni Gelo at nagsimulang magsulat si Ed.

Hindi siya nagpaligoy-ligoy. "Gusto kong kidnapin niyo si Naida."

Gulat ang dalawa nang mabasa ang gustong sabihin ni Ed. "Pero bakit?" tanong ni Reden.

"Kasalanan niya kung bakit ako nagkaganito." at itinuro ang benda sa mukha at nagdrawing ng mukha na pwedeng idescribe ang itsura niya.

Mulat na mulat ang mata ni Gelo bago siya kalabitin ni Ed para sa susunod na instruction. "Hindi niyo naman siya papatayin. Iiwan niyo lang siya sa Kalye 19 ng 11pm."

"Parang gano'n na rin `yon." sabi ni Gelo.

"Kung hindi natin gagawin `yon baka magdala pa siya ng iba pang tao doon at mamatay."

Biglang naalala ni Gelo ang mga sinabi niya kanina. Tama nga kaya ang hinala niya? Kung gano'n kailangan niyang iligtas ang buhay nila.

"Sige." nakayukong sagot ni Gelo.

"Gagawin talaga natin Lo?" tanong ni Reden.

"Kung gusto mo ng mamatay, hayaan natin siyang mabuhay." singit ng papel ni Ed sa mukha ni Reden.

"May plano na `ko. Sa makalawa o kaya bukas ay dadalaw dito si Naida, syempre kasama si Tina at kayo. Alam kong binawalan siyang bumisita sa akin pero gagawin pa rin niya kaya `yun ang chance niyo. Kunin niyo siya `pag pauwi na siya at mag-isa na lang. Siya mismo ang gagawa ng paraan para lumapit sa patibong natin."

"Nga pala, para hindi kayo mapahamak. Kapag may nagtanong sa inyo na babae kung maganda ba siya, ang isasagot ninyo ay medyo. Pagkatapos no'n, tumakas na kayo. Delikado ang babaeng `yun, may takip ang mukha niya. Dalin niyo ang papel na ito at sunugin para walang bakas ng pinag-usapan natin. Tandaan niyo, para sa lahat to."

Hindi lamang umiimik ang dalawa.

"Hindi ko kayo hahayaang mapahamak, magtiwala lang kayo. Alam ko Reden may kotse ka, pwede nating gamitin `yun basta siguraduhin niyo na walang makakakita sa inyo. Gelo, iwanan niyo siya sa Kalye 19 na nakatakip ang bibig at nakatali ang paa at kamay pero nakakakita kaya kailangan niyong takpan ang mga mukha niyo. Gaya ng sinabi ko kanina, 11pm dapat ang oras para sigurado. Kayo na ang bahala, nasa inyo ang kaligtasan ng lahat."

"Sige. Una na kami." sabi ni Gelo kay Ed. Tumango lamang si Ed at nilamukos ni Gelo ang mga papel na ginamit ni Ed sa pakikipag-usap at ibinulsa.

"Oh. Magmiryenda muna kayo." sabi ni Aling Rina dala ang isang bote ng softdrinks at hamburger. Nagulat pa ang dalawa.

"Hindi na po. Pauwi na rin po kami." ani Gelo.

"Dalhin niyo na. Hindi rin naman namin makakain `yan." ngiti nito sabay abot ng mga ito kay Reden.

"Sige po. Balik na lang po kami uli." sabi ni Gelo at binuksan ang pinto ng kwarto. Dito na magsisimula ang kanilang misyon.

Napakatahimik ng dalawa habang naglalakad pauwi. Pawang napakalalim ng iniisip, konti na lang mabangga sa poste o kaya ay biglang mahilo dahil sa lula sa lupa.

"Kaya ba natin?" basag ni Reden sa katahimikan.

"Ewan ko. Pero kailangan nating gawin." sagot ni Gelo. Nakangisi naman si Reden, parang naglikot ang pag-iisip nito.

Hindi nila alam, pinaglalaruan lang ni Ed silang lahat. Galit na si Ed sa mundo. Nawala na siya sa katinuan pero tinatago niya ito. Gusto niyang makita ng iba na normal siya. "Madami talagang mga tao na hindi na kailangang mabuhay at may mga tao ring hindi nararapat pang mabuhay, `di ba Mica?" sabi ng isip ni Ed paglabas ng dalawa sa ospital. Tuluyan na siyang nademomnyo ng mapaghiganting kaluluwa, ito marahil ang maaring mangyari kapag nabahiran ka ng kalawang mula sa gunting ni Mica na nababalot ng tuyong dugo. Dugo ng iba't-ibang tao. Napakahina ng pananampalataya ni Ed kaya siya nadali. Ngayon bihag na siya ng babae at maaring maging alay para sa marami pero bago siya mawala ay isasama niya si Naida, ang salarin at pasimuno ng mga pangyayaring ito.

>

Tumigil ang sinasakyan ko pero wala akong makita, nakalimutan ko nakapiring pala ako. May nagbukas ng pinto at nagsara, ngayon alam ko na na kotse nga ito. Napakatahimik. Walang ingay na maririnig kundi ang mga yabag napapalapit sa kinaroroonan ko.

May humawak sa katawan ko at pinasan ako sa balikat niya. Nagpupumiglas ako pero hindi ako binibitawan, parang inilalayo ako sa kinaroroonan ng kotse. Nakakapagod ang magpumiglas, lalo lang humihigpit ang hawak niya sa akin na bahagya pang dumidiin sa pwetan ko. Wala akong magawa, kulang ang lakas ko pero hindi ako tumigil sa pagpalag hanggang sa binitiwan ako sa isang mabatong lugar. Napakasakit ng katawan ko at parang ngalay ang balakang at likod ko sa pagkakabaluktot at sa pagpasan sa akin. Nagsasalita ako, "Nasaan ako? Sino kayo? Anong kailangan niyo sa`kin? Pakawalan niyo ako. Please." ito sana ang mga salitang gusto kong ilabas pero walang matinong boses ang kumakawala.

Nag-umpisa akong kabahan nang may nagbukas ng blusa ko. Naihi pa ako sa suot ko dahil sa sobrang takot. Wala akong magawa dahil nakatali ang mga kamay ko.

Naramdaman kong tinatanggal ang piring sa mga mata ko. Nagmulat ako pero parang sobrang dilim pa rin. Maya-maya ay nakarecover na ang mga mata ko at nakakita ng konting puno. Ano?! Bakit nila ako dinala sa Kalye 19?! Hindi ako pwedeng magkamali, Kalye 19 ito at gabi na. Nagpalinga-linga ako, nakita ko ang dalawang lalake. Ang isa sa kanila ay humawak sa dibdib ko pero agad siyang sinaway ng kasama niya. Hindi sila gumagawa ng hindi karapat-dapat na tunog. Kita kong umiling lamang ang isa habang makitang nakahiga ako at pilit itinatago ang aking sarili.

"Hoy! Ano'ng ginagawa niyo dyan?!" sigaw ng isa pang lalake at tahol ng isang aso ang narinig ko kasunod nito ang pagtakbo ng dalawang lalake.

"George?" sabi ng isip ko. Ililigtas nanaman niya ako.

"Naida?" sabi ni George pero nakatingin lamang siya sa'kin pati si Rex. "Pasensya na hindi kita matutulungan ngayon."

Taka ang mukha ko sa sinabi niya. Paano? Bakit?

Bakit?

Bakit?

Paulit-ulit na mga salita sa isip ko. Sinubukan niya akong hawakan pero tumagos lang ang kamay niya sa'kin. Napatingin ako sa kanya at nag-umpisang tumulo ang luha. Marahil ito ang panahon kung kailan mahina siya. Ano na ang gagawin ko ngayon?

"Pero `wag kang mag-aalala, hindi ako aalis sa tabi mo." napalunok ako sa sinabi niya. Parang nagagalak ako sa sitwasyon ngayon kahit alam kong hindi ito dapat. Nasaan si Ed ngayong kailangan ko siya?

"Si Ed ang dahilan kung bakit ka nandito." sabi niya. Paanong-

Naputol ang pag-iisip ko nang makitang palapit sa akin ang isang babae. Isang pamilyar na babae. Napamulagat ako dahilan para mapalingon si George. Papalapit na si Mica sa amin.

"Mica! Please huwag ka nang manggugulo." sabi ni George habang hinarangan si Mica. Wala akong magawa kundi manood.

Tinignan lang siya ni Mica. "Maganda ba ako?"

"Ilang beses na kitang kinakausap pero bakit hindi ka matahimik? Ano pa ba ang kailangan mo?"

"Maganda ba ako?"

"Alam mo ang sagot dyan Mica!"

"Maganda ba ako?" at inalis niya ang maskarang nakatakip sa mukha.

"Mica! Kailangan mo ng matahimik! Tapos na ang buhay mo pati ang buhay ng mahal mo! Pero hindi lahat ng tao kagaya niya na kayang manakit ng babaeng katulad mo! Please Mica, hindi lahat ng tao kailangan mong patayin dahil may mga taong nabubuhay dito para sa mahal nila! Para sa pamilya! Para sa asawa at anak! Mica!!!" sabi ni George na parang gustong pumatak ng luha. Niyugyog niya si Mica baka sakaling magising ito sa mundong ginawa niya para sa sarili.

"Maganda ba ako?" sagot na tanong nito at ihinilig ang ulo na parang walang naiintindihan.

"Mica! Noon pa mahal ko na si Naida pero bata pa kami kaya hindi ko alam ang pakiramdam na 'yun. Lagi kaming naglalaro, masaya kami noon pero dahil kinausap kita, napatay mo ako. Hindi ko sinasabing pinatay mo ako dahil alam ko na ng kwento mo, hindi mo gustong pumatay, nadepress ka lang Mica. Lagi ko siyang binabantayan mula noong mapatay mo ako. Kailangan na nating magpahinga Mica." nagulat ako sa mga rebelasyon ni George. Kung buhay lang sana siya. Sana masaya kaming naglalaro mula noon hanggang ngayon dahil may gusto rin ako sa kanya.

"Maganda ba ako?" pagkasabi nito ay iwinasiwas niya ang hawak na gunting para masaksak si George sa leeg pero tumagos lamang ito. Hindi pa siya tumigil at isa pang saksak sa dibdib ni George pero hindi ito iniinda ng nakayukong si George.

"Mica... Tama na... Pakawalan mo na ang sarili mo..." sabi ni George habang patuloy siyang sinasaksak ni Mica. Ewan ko lang kung bakit ganito si Mica, kahit hindi na nasasaktan ang target niya ay patuloy pa niya itong sinasaktan. Gustong iparanas ni Mica ang sakit na naranasan niya. Kahit kanino kaya kahit si George na patay na ay gusto niyang saktan ng pisikal.

Bigla na lang tumigil si Mica sa ginagawa siguro dahil ang inaasahan niya ay patay na ang kanyang sinasaksak. Para akong kiti-kiti na naglikot nang makita kong papunta siya sa akin pero hindi ako umaalis sa kinalalagyan ko. "George, tulungan mo ako." pilit kong pinapadala sa kanya ang mensahe ko gamit ang isip ko kung sakaling makakagamit ako ng mental telepathy.

Malapit na si Mica sa'kin. Ano na ang gagawin ko? Kung tatanungin niya ako at hindi ako makasagot, papatayin kaya niya ako? Nakabusal pa rin ang bibig ko, hindi ko masasabi ang tamang sagot, hindi ako makakasagot! Paano na? Mamamatay na ba ako? Nanginginig ang katawan ko sa takot, natataranta na ako sa pag-iisip, hindi na gumagana ng mabuti ang isip ko. Paano na? Ano na ang gagawin ko? May makakatulong pa ba sa'kin?

Lalo na akong nanginig at nagpanic nang tanungin na ako ni Mica, "Maganda ba ako?"

Ano na? Ano na? Ano na? Pati ang isip ko nakagawa na rin ng paulit-ulit na tanong dahil hindi ako makasagot sa paulit-ulit niyang tanong. Ganito na ba ako mamamatay? Nakatali, nakabusal ang bibig at `walang magawa?

"George..." bulong ng damdamin ko matapos maramdaman ang yakap niya. Oo naramdaman ko. Tumatagos ang ibang parteng magkadikit kami pero nararamdaman ko ang lamig ng hangin sa paligid ko. Napakalapit namin ngayon sa isa't-isa parang noong bata kami. Noong naghahabulan kami. Noong binaril ako ng sago gamit ang straw. Noong tinulak ko siya sa bakuran nila. Noong binigyan niya ako ng kwentas ng santan.

Napatigil ako sa pag-aalaala ng nakaraan nang makaramdam ako ng saksak sa dibdib ko. Dahan-dahan kong tinignan ito. Kita kong tumagos ang saksak sa katawan ni George diretso sa dibdib ko. Nag-uunahang makalabas ang pulang likido mula rito, napakabilis nila, napakamapusok, at nagtutulakan. Pakiramdam ko nakasara ang pinto palabas kung saan nagkastampede sa daan. Napakakirot lalo na noong bumukas na ang pinto, hinila ni Mica ang gunting na naksaksak sa'kin.

Nakita ko sa mukha ni Mica na malungkot siya. Hindi siya nakangisi na nanlilisik ang mata gaya noong una namin siyang nakita ni Ed. Binaling ko ang tingin kay George na nakayakap pa rin sa'kin. Nakayuko siya, hindi ko makita ang mukha. May emosyon ba ang kaluluwa? Kung meron, ramdam kong malungkot din siya. Nararamdaman ko ang paghina ng katawan ko. Bakit parang walang hangin? Parang may kung sinong pinipilit akong pumikit. "Napakadilim, George..." sabi ng isip ko. Bago ko namalayan, nakapikit na pala ako. Ramdam kong bumabagal ang pagtibok ng puso ko pati ng paghinga ko. Sumisikip ang baga ko at hindi ko na maramdaman ang dibdib ko.

..the end..

Epilogue

Magkasama na kami ni George. Parang nasa isang kwarto ako na puro pangyayari sa mundo ang nakikita ko.

Sa harapan namin, nakikita ko ang katawan kong duguan sa lupa.

Si Mica, nasa tabi ko.

Ano'ng ginagawa niya?

Napaluhod siya.

Umiiyak ba siya?

Parang nga.

"Patawad sa lahat." sabi ni Mica habang lumilingon sa akin.

Unti-unti siyang nawawala.

Naglaho na siya.

Hindi na raw siya babalik sabi ni George.

Sa kaliwa, si Ed.

Tumatawa. Katabi si Aling Rina na umiiyak.

Katabi ang isang nurse tinuturukan siya ng gamot.

Nagwawala siya.

Bakit?

Nabaliw daw siya sabi ni George. Siguro sa trauma.

Sa likod, sina Gelo at Reden.

Naaksidente, bumangga sa truck sa highway.

Sa kanan, ang pamilya ko.

Hindi pa nila alam ang nangyari sa akin. Sigurado akong malulungkot sila. Ayoko pa silang iwan pero nangyari na ang lahat. Wala na ako, `di ba?
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Book 1 & On Going Book 2)


Book 2
Chapter 1


Noong bata ako, pakiramdam ko sinusundan ako ng buwan kahit saan ako magpunta. Bawat tingin ko kasi sa buwan lagi siyang nandoon sa pwesto niyang yun. Mula noong makita ko ang Kalye 19, pagdating ng 11pm ay nagigising na lamang ako noon sa kalyeng yun at may hawak na patalim na puno ng dugo. Minsan may dugo ang damit ko at minsan may hawak pa akong putol na kamay. Mapapatakbo na lamang ako pauwi at hindi na makakatulog. Sana lang nababantayan ako ng buwan sa mga ginagawa ko para kapag tinanong ko ang buwan, masasagot niya kung ano ang nakita niya.

>

Noong bata ako, tumakas ako sa amin para maglaro sa labas (pasaway ako noon eh). Hinihintay kasi ako ng mga kalaro ko noon kaya kahit binawalan ako ni nanay na lumabas ng bahay ay tinakasan ko siya. Daig ko pa si Lupin sa pagtakas noon, minsan ginagaya ko rin ang mga ginagawa niya. Nasa ten o'clock na yata noon pero naisipan pa naming maglaro ng taguan. Ang ingay pa nga ni Boy-boy kaya noong taya si Leni, una niya akong nakita. Hindi ko malilimutan ang mga panahong naglalaro kami ng taguan dahil kahit gabi ay hindi kami natatakot kung saan man kami magtago. Mas mahirap ngang maghanap kapag gabi dahil sa dilim. Parang 'Hide and Clap'.

"Pagbilang ng tatlo, nakatago na kayo." wika ko habang nakatakip ang mata sa bakod nina Aling Marta. Oo nga naging taya ako pero hindi ako magpapaburo. "Isa... Dalawa - "

"Wala! Sumisilip ka Pido eh!" angal ni Gel-gel na nagpatigil sa akin sa pagbibilang. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko yung ganoong alibi namin kapag hindi pa kami nakapagtago sa bilang na tatlo.

"Hindi naman kita nakikita Gel-gel." sabi ko at kunwaring sumisilip nga sa mga palad ko. Pinagbigyan ko na lang siya kasi, uhm, crush ko kasi siya. Ang ganda ni Gel-gel kasi kahit na payat siya kapag gumagalaw ang kanyang buhok, hindi ko mapigilan ang mailang sa kanya. Nahihiya ako kaya kapag nagkalakas ako ng loob, pinapangiti ko siya lagi.

"Dali na! Ulit!" paglitaw naman ni Boy-boy. Panira talaga siya ng magandang mood. Nginingitian na ako ng Gel eh. Tsss.

Muli akong tumalikod sa kanila, "Pagbilang ng tatlo-" napatigil ako sa pagsasalita noon kasi parang may malamig na hangin ang humaplos sa likuran ko papunta sa direksyon ng Kalye 19. Napalingon tuloy ako doon at nakita kong may dumaan na kotse. Binale-wala ko lang yun at itinuloy ang pagbibilang. "... nakatago na kayo! One!" medyo malayo pa naman ang Kalye 19 sa amin pero kita mo ang mga dumadaang sasakyan papunta dito. Naalala ko na hindi pala ako pinapayagang pumunta ni nanay malapit doon at bawal ring dumaan doon ang mga sasakyan kapag gabi. Kahit sino pala bawal pumunta doon, hindi ko alam kung bakit.

"Two!" mukhang wala ng kumokontra. Sisilip sana ako pero may bumubulong sa tainga ko na hindi ko naman naiintindihan kaya kahit na gusto kong sumilip hindi ko nagawa. Hindi ako natatakot pero parang nacurious ako sa Kalye 19 kaya parang gusto kong dumiretso doon pagbilang ng tatlo.

"Three!" pagtingin ko sa likuran ko, wala na ang mga kalaro ko. Dilim ng langit, mga sumasayaw na puno, mga hollow blocks at ang nakakatakot na anino ng mga ito ang nakita ko. Mukhang mahihirapan ako sa paghahanap ngayon, maganda yata ang mga nataguan nila dahil wala sila sa mga dati na nilang pinagtataguan. Sana naman hindi pa sila nagsiuwian, kung hindi maghahanap ako rito ng walang hinahanap. Talagang parang may kung anong humihila sa akin para pumunta sa Kalye 19. Parang tinutulak ang likod ko ng dalawang pares ng kamay papunta rito.

Isang liko na lang at makikita ko na ang buong kalye. Doon sa isang poste napatigil ako nang makita ang isang kotse sa hindi kalayuan, may ibinaba silang babae na nakapiring pa ng panyo. Ito yung kotse na dumaan kanina, dapat mabawalan sila dahil bawal ang tao doon kapag ganitong oras ng gabi pero natameme lang ako. Tahimik lang akong nakatago doon, hindi ko alam kung bakit parang ayoko silang pigilan. Curious ako, parang gusto kong makita kung ano ang itinatago ng kalyeng ito.

Nakikita ko ang buong pangyayari. Mabilis na humarurot ang kotse papunta sa akin kaya napatakbo ako, baka makita nila ako. Sa aking pagtakbo, nakita nga nila ako (ang tanga ko talaga) at muntik na nila akong masagasaan. Naiiwas nila ang kotse at bumangga sa posteng kinatatayuan ko kanina. Kung hindi pala ako umalis doon ay baka nabangga nila ako. Hindi ko alam kung ako nga ba ang dahilan ng pagkabangga nila dahil pagewang-gewang na ang kotse noong tumakbo ako. Walang lumalabas mula sa loob ng kotse. Patay na yata sila.

Naagaw ang atensyon ko ng mga boses mula sa pinagbabaan sa babae. Nakakatakot yung itsura nung isang babae. May hawak siyang gunting na malaki, tapos yung bibig niya may hiwa na malaki. Sa bakod naman ako sumandal ngayon, hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Parang ang bigat nila. Parang may nakahawak na mga kamay at pilit hinihila pababa ang paa ko. Ayokong tignan kasi parang naiihi na ako sa takot. Ngayon lang ako nakaramdam ng takot habang naglalaro kami ng taguan ng gabi. Dati rati, kahit na magtago pa ako sa ilalim ng trak o sa loob ng mga nakaparadang jeepney na sobrang dilim ay seryoso kong aabangan ang paa ng taya pero ngayon, nanginginig ako.

Unang beses kong maihi sa salawal ko. Unang beses ko ring makakita ng tao na transparent. Dalawang babae sila. Tinitignan nila yung kotse. Tapos, pumasok sila doon ng hindi binubuksan ang pinto. Multo ba ang mga ito? Grabe, nakakatakot pero wala akong magawa kundi ang manood. Buhay pa ang dalawang lalake sa kotse pero inumpisahan silang saktan ng dalawang babae. Naroon na iuuntog ang ulo sa manibela. Yung isa naman ay pilit binabali ang ulo. Iniikot nila ang mga ulo hanggang sa likuran nila. Parang pinapakita sa kanila ang nangyayari doon sa babaeng ibinaba nila. Gusto ko man silang tulungan, ano ba ang magagawa ng isang batang paslit na gaya ko? Imbes na mabuhay sila at makatakbo palabas ay hindi na nila nagawa. Kita ng dalawang mata ko kung paano lumuwa ang mata nung lalakeng nakaikot ang ulo hanggang sa mamatay siya. Pati ang isa na halos gripo na tumulo ang dugo mula sa kanyang noo, parang balat lang ng itlog na butas ang kanyang noo. Bumabaligtad ang sikmura ko. Uuulllgggkkk!!!

Napatingin muli ako doon sa babae. Bumagsak siya bigla. Paghiga niya, kita ko ang malaking gunting kanina na hawak ng babaeng may malaking pilat sa mukha na nakasaksak na sa dibdib nung babaeng nakapiring. Mulat na mulat ang mata ko sa nakikita ko. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam ko. Wala naman akong hika pero parang napakahirap huminga lalo pa noong makita ko yung babaeng may malaking pilat na lumitaw sa malapit sa akin.

Doon na talaga lumabas. Hindi ko na napigilang maihi sa short ko. Kita ko ang mukha niya na parang sariwa pa ang sugat sa pisngi niya. Nagtatakbo na ako pabalik sa mga kalaro ko. Paglingon ko, unti-unting nawawala yung babae. "Asan na sila... asan na sila..." pabulong kong sabi. Talagang nagpapanic ako at tulo ang uhog ko.

"Waaaaaaaaaaaaaahhhh!!!" napasigaw ako nang may mabangga ako sa harapan ko. Napapikit ako at hinarang ko ang mga kamay ko sa mukha ko. Ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita.

"Hoy Pido! Saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita hinahanap!" sigaw ng nasa harap ko.

"Nay?"

"Oh bakit parang -"

"Uwi na tayo nay. Uwi na tayo. Huhuhu." iyak ko kay nanay. Lahat ng takot ko nailabas ko na. Nandito na si nanay. "Nay pramis! Hindi na ako tatakas." alam kong nagtataka si nanay pero niyakap niya lang ako. Doon mismo sa yakap niya, narelax na ako. Tumahan na ako sa pag-iyak. Malamang alam na niya ang nakita ko dahil hindi niya ako pagbabawalan doon kung hindi niya alam ang nangyayari sa Kalye 19.

"Tara na. Baka makita ka pa ng mga kalaro mo na naihi sa salawal mo." kaya napatingin ako sa shorts ko. Doon ko lang ito napansin, nakakahiya baka makita ako ni Gel-gel.

>

Pag-uwi ko naisip ko kung ano na ang nangyari sa mga kalaro ko. Nakatago pa rin kaya sila? Hindi talaga mawala sa isip ko. Nagsisisi ako na sana hindi na lang ako sumilip doon. Sana sinunod ko na lang ang bilin ni nanay. Sana lang makatulog ako ngayong gabi. Kahit na katabi ko pa si nanay, natatakot pa rin ako. Nine years old pa lang ako noon, kaya ok lang na magkatabi kami ni nanay. Si tatay kasi nasa Saudi nagtatrabaho at bihira siya umuwi. Hindi pa nga pala siya umuuwi mula noong ipanganak ako. May picture siya dito sa amin pero hindi ko pa siya nakikita ng personal. Nakakausap ko rin siya sa telepono pero hindi ako masaya doon. May kulang.

Si tatay ang iniisip ko nang makatulog ako. Sabi nila, kung ano ang iniisip mo bago ka matulog ay iyon ang mapapanaginipan mo. Kung mapanaginipan ko man si tatay, sana yakapin niya ako. Gaya ng pagyakap ni nanay sa akin kanina para mawala ang takot ko.

Napamulat ako ng mata dahil biglang sumingit sa iniisip ko ang babaeng may pilat ang mukha. Nakakatakot talaga ang makita ang mukha niya. Hindi naman ganoon kainit ang panahon pero sobra ang pagtulo ng pawis sa noo ko. Kinuha ko ang kamay ni nanay at iniyakap ito sa akin pero bakit ganoon? Hindi nawala ang takot ko. Pilit akong sumiksik kay nanay at alam kong naramdaman niya ito. Hinaplos niya ang noo ko. Parang magic, gumaan muli ang pakiramdam ko.

"Good night." bulong niya sa tainga ko.

"I love you nay." sabi ko.

~itutuloy


Chapter 2
 
Last edited:
Re: Noong Bata Ako (Complete Book 1 - On Going Book 2)

ayan may bago na naman akong aabangan... thanks TS!!
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Book 1 - On Going Book 2)

no problem...sana marami pa ang magcomment..:pray:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Horror Book 1 - On Going Horror Book 2)

TS kelan karugtong nito? ehehehe
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Horror Book 1 - On Going Horror Book 2)

currently working on it..:D dami na ngang nanggugulo sakin para sa update nito eh..hahaha
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Horror Book 1 - On Going Horror Book 2)

ayos may aabangan na naman ako :thanks:
 
Re: Noong Bata Ako (Complete Horror Book 1 - On Going Horror Book 2)

ayos may bagong reader ako...:thanks: :lol:
 
Back
Top Bottom